ang ibong layas ay walang tahanan
sa lahat ng dako’y may kaibigan
umulan umaraw ay may pahingaan
tinadhanang hindi kailanman magaalinlangan
saan kaya bumili ng magandang kasuotan
silang mga lirio sa may kaparangan?
palibhasay sandali lang kung magparamdam
ang kanilang kariktan ay inaasam-asam
ang langit ay umiiyak dahil si araw ay nagkubli
ang ilog nagagalak naman sa kanyang pagdadalamhati
ang pagbabalik ng apoy ay panimulang muli
lito ang ‘di nag-aabang sa bawat sandali.
ang mga tao’y mapalad kung sila’y kapiling
kahit makailang beses ang tuhod lapnusin
ng lupang gumagalaw habang naghahabulan,
pati gutom ay lunas sa pobreng naglilibang
huwag lilimutin ang kwento ng kamusmusan
na nagparikit sa iyong mga napanaginipan
wag buburahin ang pilat ng kabataan
dahil di na tayo babalik doon kailanpaman
tayo nang lumipad habang may patutunguhan pa
tayo nang umusbong sa lupang dalisay pa
tayo nang umibig habang ito’y dakila pa
tayo nang mabuhay habang humihinga.
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.
Ruth Mostrales, Pebrero 2009