Napadaan ako minsan sa ilalim ng punong talisay na pagmamay-ari ng kapitbahay. Araw-araw nitong winawalis ang mga pasaway na dahon. Ang matandang mamang lagi kong binabati, siyang walang kapagurang magwalis sa mga kalat na dahon ay hindi lumiliban sa kaniyang nakasanayan. Isang araw, sa aking pagdaan, walang mamang nagwawalis, at ang mga dahon ay malayang nagliliparan kung saan man dalhin ng hangin. Punong-puno ng mga dahon ng talisay ang kalye at mistulang ilang araw na ring walang umatupag na linisan yaon. Nalaman ko sa aking pinsan na patay na raw ang matanda, at naitanong ko sa sarili — ang bawat saglit ba’y parang dahon? Pagtingin ko sa puno ng talisay ilang araw ang nakaraan, nakalbo na ito.
Dahon ng Talisay
by Ruth Mostrales
Sa ilalim ng punong talisay
Na lubhang sa dahon ay
Mapagbigay… ako ay sisilong, at
Magbubulay-bulay:
Ang bawat saglit ba ay parang dahon?
Ang bawat pagkahulog ba’y parang
Pagbangon? Isang dahon ng alaala ang
Tumisod sa aking paa, isang
Paghihikayat, marahil, upang tumigil bahagya
Bago lumusong. Umihip ang hanging bitbit
Ang hamog na sa puso niya’y
Nakapiit. Dalawang dahon ang
Nagparamdam, magkabilang balikat ko’y
Dinaganan, at ang pasanin ay naisipan kong
Iwaglit. Ako’y patuloy na nagwalis upang ang
Kalat ay kagyat na maalis.
Tatlong dahon ang nagpanumbalik
Sa tatlong salitang tinuran, at isinahimig
Noon ng isang makata, ngunit ‘di nagtagal—
Nasala ang ganda,
Nawala ang pantasya.
Gaya rin ng musikang likha
Ni Celerio, noon, kasabwat ang dahon
Bago siya higupin ng palalong panahon —
Ang mga patay na pahina
Sa aking paanan ay
Sinalansan upang bigyang
Kawakasan silang mga katapusan na ‘di na
Mahuhudyatan: Silang sinulatan ng mga
Pangarap na nagupo, mga pahinang
Tinitikan ng mga ususero,
Mga dahong nahulog, natuyo’t
Mabubulok — Tutupukin na ngayon,
Pamatay sa lamok…
Upang yakapin ang
Alabok at
Tuldok.
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.