Bihag

Standard

Bihag

 

Ang ibong sangkap ng maraming mga tula

Ay kadalasan minsan lang nagiging malaya;

Dahil kapag nasilo siya ng isang makata,

Maging ang himpapawid ay malaking hawla.

 

Maging ang bituin na sinusungkit ng baliw

Na may tinatanging nilalang na ginigiliw

Ay nilalagyan ng tangkay, upang hindi makatakas

Uundayin siya ng mga diwatang sa salita’y matalas.

 

Iinumin ng paningin ang katas ng kalangitan

Saka lilipulin ang lupa ng katampalasanan

At habang nagkikimkim ng sakit at kapighatian—

Huwag mumungkahiin ang makata kailanman!

 

Kinukulong ng mga mata ang natutunghayan

Sa likod ng mga rehas na yari sa pilikmata

At kung hindi na sisikat ang araw mamaya—

Alam mo na ang nangyari sa kaniya.

 

Ruth Mostrales

April 2009