Ang Mas Mahalaga

Standard

 

Kailangang taon pa ang lumipas para malaman kong mula pa noon, hindi simpleng kaibigan ang turing niya sa akin.  Pangit kasi ako.  Kung anong paglalarawan ang binibigay ng teksbuk sa anyo ng mga ita, ay malapit sa hitsura ko.  Pero hindi ako ita.  At hindi ko sila kinukutya.  Sabi nga ni Ginoong Francis na taga Assisi, “God, grant me the serenity to accept the things I cannot change,” so ganun na nga ang nangyari.

Pero kahit tinanggap ko ang sarili, maraming pang-aalipusta ang inabot ko dahil ginawa ko ang makakaya para hindi maiba sa kanila.  Yung bang, feeling ko, pretty din ako.  Pambabastos, pang-aalipusta, at pangungutyang di kaya ng maski aso ang inabot ko. 

Ganito ang nangyari sa aking pagkabata.  Nagkaroon ng camping ang aming paaralan.  Natural, may mga aktibidades na dapat salihan ng lahat.  Puwes, ako, napasali sa beauty contest nang wala sa plano.  Malamang aksidente lang yon, dahil walang grupo ang gustong matalo.  Pinalitan ko lang ang isang babaeng maganda, si ___, dahil absent siya.  So nung panahon na iyon may Ms. Universe sa Pilipinas, diba?  At si Ms. Belgium ang ika nila’y pinakamaganda (pero ang nanalo ay si Sushmita).  Sa madaling sabi, ako ang tatayong Ms. Belgium, at hindi Ms. Botswana.  Sa campfire, hindi maikakaila na sa loob-loob nila’y hindi sila inuubo kundi tumatawa.   

 

“Ms. Belgium daw o, ang kapal!” entrada ng isa.

 

“Oo nga, pangit naman!” tirada rin ng isa.

 

Ang bigat ng kamay na kumakaway pag ang gusto’y sabunutan yung umabsent.

Matapos ang lahat (at siyempre natalo kami), ang ngiti ay napalitan ng maraming hikbi sa kadiliman ng gabi.  Maging ang mga kasama ko sa tent ay hindi narinig iyon. 

Nagdulot ito ng malalim na sugat sa aking buhay.  Noon, tila ba hindi ko maintindihan kung bakit sa aming magkakapatid, ako ang kailangang maging pangit.  Minsan, narinig ko si Mama na sinasabi sa isang tita:

 

“Hindi siya maganda, pero siya ang pinakamatalino sa aking mga anak.”

 

Gulp.  Hindi ako makalunok sa pagkaawa sa sarili ko noon.  Masakit pag galing mismo sa iyong mahal na ina.  Yun yung mga panahon na kinikilala mo pa lang ang sarili mo, kumakapa sa dilim sa tunay mong pagkatao, at mga panahong pinapangarap mo ang pagtingin ng iyong crush.  Ang sakit na aking nadama ay nabubuhay pa rin pag hinuhusgahan ako dahil sa aking hitsura.  Hindi ako nagtanim ng galit kay Mama, dahil katotohanan nga siguro ang sinabi niya.  Tama si Mama, hindi ako pahuhuli pagdating sa isa, kaya’t pangit man at magaling, nakakaraos din.

Kaya ganun, akala ko wala nang magkakagusto sa akin.  Akala ko ako lang ang makakatanggap sa akin.

Pero isang araw ang aking kaibigan sa trabaho ay yinaya akong mag-bowling.  Nagkuwento si Pete at sinabi niya na gusto daw niya ang pag-uugali ko.  Masipag daw ako, mature, at matalino.  Hindi raw ako malandi gaya ng ibang babae at iyon daw ang nagustuhan niya sa akin.  Nakatitig lang ako sa kanya habang sinasabi niya yun.  Walang sinabi.  Hinihintay niyang magsalita ako, pero wala akong nasabing nakapagpasaya sa kanya.  Ano ba naman kasi ang dapat isipin ko?   

Naisip ko:  “Baka binibilog niya lang ang ulo ko.”  Ganun naman kasi ang mga lalaki, so, mahirap magtiwala. 

Pero naulit at naulit pa ang aming pamamasyal, at mas naging malalim ang aming pagkakaibigan hanggang sa dumating ang panahon na nahulog na ang loob ko sa kanya.  Pero naging matatag ako.  Hindi ko pinakita ang damdamin ko.  Maraming pagkakataon na tinatanong niya kung guwapo daw ba ang tingin ko sa kaniya.  Tumatango lang ako. 

 

  “Oo na nga, guwapo ka.”  May hitsura kasi siya.

 

“Bakit di mo ako pinapansin?” sabi niya, at ako naman ay magbabanggit ng ibang paksa na sasakyan din naman niya.  Sa isip ko: “Nagagandahan kaya siya sa akin kaya ako pinapansin?”

 

Sabi ng aking kaibigan:

 

“Pren, siya na ang ideal husband mo!  Tanggap ka niya, buong pagkatao mo!”

 

“Sa tagal ng aking pagkukunwari, hindi ko na maiwanan ang pagpapanggap.  So, kakainin ko rin sa bandang huli ang aking sinuka?” sabi ko.

 

“Ganun talaga sis.  Mahal mo siya e.  Ikaw rin, paano pag bigla siyang nawala?” 

 

Kahit gaano kabait ang aking kaibigan, hindi maikakaila na gusto niyang dugtungan ng: “Ikaw rin, wala nang magkakagusto sa iyong gaya niya…” 

Kaya’t hindi nagtagal, matapos pag-isipan nang mas matagal pa ang sinabi at muntik nang sabihin ng aking kaibigan, ako, na puno ng pagdurusa hanggang sa nakilala ko siya, ay nangarap na magtapat na rin ng aking nararamdaman. 

 

 “O, my princess, kumain ka na ba?”

 

Wala akong imik.  Paano ko kaya sasabihin?  Hindi ako tumigil sa pagkukunwaring may ka-text, kaya, nang-asar pa siya:

 

“Am I handsome, princess?” sabi nito, gaya ng dati na parang sirang plaka.  Nagtitinginan na ang mga tao sa paligid. 

 

“Yes, sir, you are husband,” ang sabi ko.  Mali.  Patay.

 

“Anong sabi mo?” sabi niya, na mukhang tuwang-tuwa habang umiinit na ang aking mukha.

 

“Ang sabi ko, “You’re handsome! Bingi ka ba? Bakit ba tanong ka nang tanong?””

 

Katahimikan.  Para bang bigla siyang nawala nang bahagya para makapagmuni-muni.  Sa mga sandaling iyon, parang nasa taas ng aking ulo ang espada ni Damocles at sa anumang oras ay mahuhulog na pag nagkamali siya ng sasabihin.   

 

“Dahil di yun mahalaga.” 

 

“Ha?”

 

“Di bale, alam ko na. Hayaan mo na yun.  Kain na tayo,” yaya niya sabay hila sa aking kamay. 

 

Noon lang ang panahon na wala akong naisip, at wala akong nagawa.  Naubusan na ako ng lakas para sa mga yon.  Habang tangan niya ang aking kamay, para bang puso ko ang hawak niya. 

 

 

 Opo, ako nga po si Damaris Vera…

 

Ruth Mostrales

8 August 2008

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s