Ang Salu-Salo

 

“Dumating na si Roel…”

 

“Kailan pa?”

 

“Kanina lang, nakita kong may pumaradang tricycle sa harapan ng bahay ni Karing…”

 

“Mabuti naman, gusto ko na ring makamusta si Melissa…”

 

 

Yan ang bulung-bulungan ng mga nag-uumpukan sa harapan ng store ni Aling Tasing.  Pinapatugtog ang jingle ng isang noontime show sa oras na iyon at sila’y naka-relax mode.

 

Ang pag-uusisa sa buhay ng may buhay ay nakasanayan na sa mga taga-roon.  Patok ang kuwentuhan — hindi raw tsismisan — sa mga sari-sari store bandang hapon.  Gayun din naman ang tagpo sa mga handaan.  Pero, malas mo na lang kung ang buhay mo ang napiling paksa, dahil gaya ng lechon na nakahain sa mesa, ikaw ay papapakin nang walang pakundangan hanggang sa sila’y mabusog at ikaw ay maubos. 

 

Ganun nga ang nangyari nang sumaglit si Roel sa tindahan ni Aling Tasing.  Ang pakay lamang niya ay upang bumili ng pampalasa sa ginisang niluluto ng kaniyang ina.  Gaya ng mga agilang matalas ang pandama, naispatan agad si Roel at isinali siya sa salu-salo.  Kakagaling lamang nito sa Maynila, at minsan sa isang buwan ito nagbabakasyon.

 

Kumalat kasi ang balitang uuwi si Roel dahil noong araw ng pista, nabanggit ito ng kaniyang ina sa mga amiga nito.  Napaksa rin sa usapan nila na nagkita ang binata at si Melissa.

 

 

“Melissa? Talaga?” ang sabi ng mga tsismosa, este, kuwentista. 

 

“Oo, nagkita sila pero yun lang ang sinabi ni Roel sa text.” 

 

“Patingin nga ng text, baka may karugtong,” sabi ng isa. 

 

 

“Nay, di me maka2uwi may trabaho me.  Nga pala, nagkita kami ni Melissa sa 3noma”. 

 

 

Tuldok. 

 

“Yun lang?  Ang ikli naman.  Kailan ba ang uwi ng binata mo?” 

 

“Sa susunod na linggo.” 

 

 

 

 

“Mabuti naman po,” sagot ni Roel sa unang katanungan. 

 

“Balita ko nagkita kayo ni Melissa ah.  Kumusta na siya?” tanong ni Aling Nena.  Sa mga sandaling iyon, inayos ng lahat ang pagkakaupo na karaniwang ginagawa bago magsimula ang magandang palabas sa telebisyon.

 

Si Melissa ang dalagita ng barangay.  Nag-iisang anak ito ng mag-asawang Dong at Pinang.  Maagang naulila si Melissa kaya’t ang mga kapitbahay ang nag-aruga sa kaniya.  Dahil siya ay matalino at magiliw, napamahal ito sa lahat.  Valedictorian siya noong high school, kaya’t nakatanggap ng scholarship galing sa isang pamantasan sa Maynila.  Bago ito umalis sa barrio upang simulan ang pag-akyat sa matayog niyang pangarap, nag-iwan ito ng pangako:

 

“Hayaan niyo po’t ‘pag naging engineer na ako, reregaluhan ko po kayo bilang ganti sa mga kabaitan ninyo…”

 

Halos mapaiyak ang mga nakarinig sa panatang iyon.  Hindi ito nabura sa kanilang isipan.  At makalipas nga ang anim na taon, atat na ang lahat upang makibalita sa kahihinatnan ng mga nabitawang salita.

 

“Nagkita po kami sa mall.  Maayos naman po siya at mukhang masaya, medyo tumaba nang kaunti…”  sambit ni Roel na halatang medyo asiwa sa papel na ginagampanan niya sa kalagitnaan nila.  Kaya’t gaya ng isang bihag, nagtangka siyang tumakas at nagsabi:  “Sandali lang po, hinihintay ni Inay itong ginisa mix.  Saglit lang po at ako’y babalik…”

 

Sa kasamaang palad, hindi umubra ang ganoong palusot.  Dinaig siya ng maagap na si Aling Perla. 

 

“Ah hindi, Roel, hayaan mong si Pedring ang magdala. Pedring! Pedring!  O, hayan na siya,” sambit nito, sabay abot kay Pedring ng epektus na idedeliber niya kay Aling Karing.  “O siya, ituloy mo na.  Maganda pa rin ba siya?” 

 

“Ah, opo, ang ganda na nga niya ngayon eh…” sabi ni Roel na biglang namula ang mga pisngi. 

 

“Uuy, ano niligawan mo ba?” tanong naman ng kararating lang na si Aling Connie. 

 

“Ah, hehe, hindi po,” aniya, sabay kamot sa ulo.  “May nobyo na raw siyang mayamang Koreano…”

 

Sa mga balitang gaya ng huli, kinailangang mabigyan ng kaunting sandali ang mga tao upang dibdibin ang kanilang mga narinig.  Sa pagkain ng isang karne na medyo matigas, marapat na dahan-dahan ang pagnguya at baka mabilaukan.  Siyempre, matitinga pa sila kaya nakapagpahinga nang konti si Roel.  Binuksan ni Aling Tasing ang T.V. Habang ipinapakita ang mansion ni Pacquiao, napag-usapan naman nila kung gaano na kayaman si Manny. Mula sa pagiging promdi ay world-class na siya ngayon.  May naghain ng puto sa lamesa at may nagdala naman ng suman.  Nanlibre si Aling Tasing ng Coke.  Ang panganay niyang dalagita na magtatapos sa high school ang naghain nito.  Matapos pag-aralan ang boksingero, bumalik sila sa kanilang salu-salo.

 

“Ayun nga po, si Melissa ay may magarang bag, Louis Vitton po ang tatak…” 

 

“A-ano yun?  Biton?  Biniton yung bag?” 

 

“Hindi po, tatak po yun ng mga bag ng mga artis…” 

 

“Talaga?  Aba’y si Angel meron ba nun?” 

 

“Siguro po, kasi mamahalin iyon.” 

 

“Tignan mo nga naman, ano?” sabi ni Aling Levi pagkatapos huminga nang malalim. “Dati ako lang ang nagbibigay sa kaniya ng bag. Ang alahas, kumusta naman ang alahas?” 

 

“Champorado!” alok ni Aling Tasing.

 

“Naku, ang sarap!  Ang bango pa!” bulalas ni Roel. 

 

Panandaliang naputol ang usapan sa alahas dahil sa naihaing champorado.  Akmang lalasapin na sana niya ang pangalawang subo ng champorado nang biglang tanungin siya kung saan nakatira si Melissa.  Noon lang naramdaman ni Roel ang matinding gutom at bigla itong nanghina.

 

 

“Sha egxhegudib, este, sa isang executive village po…”

 

 

Sa tunog pa lamang, nanahimik na sila.  Executive village — ang lutong sa tenga.  Tila ba mahirap uli yun lunukin, kaya’t may nag-alok ng kape.

 

Ilang sandali pa’y nagmistulang kulay kapeng malabnaw na ang langit.  Samantala, ang mga inang nakapalibot sa mesang parisukat ay unti-unti nang nababawasan.  Magluluto pa raw kasi sila.  Pero may humabol.  Dumating ang mga kalalakihan na galing sa bukid.

 

“Uuwi na po ako,” paalam ni Roel.

 

“Ah, hindi pa…” hirit ni Mang Kards.  “’Di bale, dumaan ako sa bahay ninyo kanina at nabanggit kong nandito ka sa tindahan.” 

 

Gaya nang dati, naudlot ang plano ni Roel na pumuga.  Sinabayan ng dahan-dahan niyang pag-upo ang taimtim niyang paglingon sa bahay nila.  Nakailaw na ang bumbilya sa kusina.  Samantala, nagsimula na ang balita sa T.V. 

 

Dahil sa tagal ng kuwentuhan, hindi na tuloy malaman ni Roel kung ano ang susunod niyang sasabihin upang pagtakpan ang mga hinabing kasinungalingan ni Melissa.

         

Nagduda kasi si Roel dahil na rin sa masyadong kagila-gilalas ang mga naisalaysay sa kaniya.  Kaya’t gaya ng isang detektib, sinundan niya si Melissa nang palihim at nakarating siya sa parking lot ng mall.  At doon nga, nakita niyang may naghihintay kay Melissa — isang magarang sasakyan na mistulang malaking laruan.  Nang papalapit na si Melissa dito ay biglang nagbukas ang pintuan nito at lumabas ang isang Koreanong lalaki na nanginginig sa galit.  Yumuko-yuko ng ilang beses si Melissa.  Bumukas rin ang pintuan sa bandang likuran at nakita ni Roel ang isang babaeng kung babasahin ang ekspresyon ng mukha ay tila nabibigatan sa dami ng mga nakasabit at nakatusok na alahas sa kaniyang katawan.  Nagtatalak ito at nagpalabas ng mga maaanghang na salita. Habang binubulatlat nito ang bag upang alamin kung may nawawala, naipamalita sa mga nandoon na ang ilusyonadang si Melissa ay katulong lamang na biglang naglaho sa kaniyang paningin dala-dala ang bag na Louis Vitton ng amo niya.  Pinagduduro ng ale ang kaniyang alipin at ang panduduro ay umabot sa kaniyang ulo.  Dumapo ang tatlong sapak sa kaniyang sentido katulad ng binibigay sa mga taong bobo.  Marahil sanay na si Melissa sa ganoon — hindi man lang siya umiling. 

 

Hindi kinaya ni Roel ang nasaksihan. 

 

“Melissa!  Sapakin mo rin siya!” sigaw ni Roel, pero siya lang ang nakarinig nito.  “Lumaban ka, Melissa!”

 

 

Lingid sa kaalaman ng mga nandoon ay may binitiwang pakiusap si Melissa bago niya iwanan si Roel.  Lingid din sa kaalaman ni Melissa ay may pinakawalang pangako ang binata na pag-iingatan niya ang mga lihim ng kaibigan.  May ipinahabol pa nga siyang munting panalangin habang galit na humarurot paalis ang magarang halimaw. 

 

 

“Hoy, yaya, ang tagal mo.  Bakit bigla kang nawala?  Saan yung bag ko?  Baka kinalkal mo na yan, akin na!” 

 

“Ano, yaya?” ang tanong ni Mang Tasyo.  Lasing na si Roel. Gin na kasi ang kaharap nila at ilang platito ng pulutan.

 

Tumalbog kay Roel ang mga salitang binitiwan niya at bigla itong natakot. Nakatitig sa kaniya ang mga ama.  Sandaling natigil ang pagnguya nila sa tokwang pulutan habang hinihintay ang paliwanag niya.  Sinubukan niyang tumikim, pero inilayo ni Mang Tasyo ang platito.

 

 “Si Melissa ba ika mo ay yaya?” 

 

Umabot ang pintig ng puso ni Roel sa kaniyang tenga at bahagyang nagdilim ang kaniyang paningin.

 

Sa ‘di kalayuan, umalulong ang isang aso.  Kapag nagkataong hindi niya mapagtitibay ang sapot ng kasinungalingan na hinabi nila ni Melissa, lagot siya.  Pinagpawisan ng malamig si Roel.  Hindi naman  kumurap ang mga nakapalibot sa kaniya. May mga itak pa naman silang nakasabit sa kani-kanilang tagiliran.  Panahon kasi ng ani.

 

“Ah, este, hindi po,” simula niya.  “I-ibang kuwento na po ito, yung iba kong kakilala,” sabay hintay sa unang sasang-ayon o papalag.  Tumulo ang pawis sa kaniyang mukha pero hindi niya pinunas ang mga ito dahil baka mapaghalatang nanginginig ang kaniyang mga kamay.  Hinayaan niya silang mahulog nang mabagal kahit na matinding kati ang dulot ng pag-agos nila sa mainit niyang balat.

 

“Hahaha!  Lasing ka na, boy, kung anu-ano na ang mga sinasabi mo eh!” kantiyaw ni Mang Tasyo.  Nagsipaghalakhakan ang grupo na animoy aliw na aliw sa kaniyang natatanging pagganap.  “Eto, kain ka ng pulutan,” sabi ni Mang Pepito, sabay patong ng mabigat niyang kamay sa balikat ni Roel.  Ininda ni Roel ang pasaning iyon. Tuloy ang ligaya ng lahat, maliban sa isa.

 

Ilang sandali pa’y tinakasan na ni Roel ang mga lasing bago pa man tuluyang lumabas ang katotohanan sa kaniyang mga bibig.  Sumang-ayon din ang lahat sa kaniyang pag-alis sa pamamagitan ng isang koro ng hilik.  Tapos na ang kanilang palabas ni Melissa at kailangan na niyang saluhan ang inang hindi kakain mag-isa kapag siya ay nakabakasyon.  Habang papalakad patungo sa lugar kung saan hindi niya kailangang magsinungaling, minarapat niyang i-text si Melissa. 

 

Madilim na, ngunit naaaninag niya ang ilaw sa bahay ng kaniyang inang unti-unti niyang pinapagawa. Naipangako kasi niya ito noong grumadweyt siya.  Sapat na ang bango ng ginisang sitaw upang mapabilis ang lakad niya patungo doon.#

 

ruth mostrales

january 2009

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s