Ang Nilalang sa Kawalan

ang pilosopong pusa

Sa loob ng silid ng kawalan ay

may gumagalang nilalang

na hindi nakikita o nasisipat

ng karamihan.

 

Dahil lamang sa haka-haka’y

nailagay ito sa mga mapa

ng mga tao, bagamat

inilulugar pa rin ang sarili.

 

Ang sabi ng mga malilikot ang isip:

“Gaya nating mga nilalang

na may kakayahang punan ang espasyo,

ipagpalagay natin na ang galang nilalang ay

 

ang patlang na pumapagitna sa dalawang

taludtod, ang blangkong mukha bago ang

pagpapahayag, isang malinis na papel

na minamantsahan ng kasaysayan ng tao…” 

at kung ano pang mahinuha nila.

 

Ang lahat ng nabanggit ay 

siguradong magmimintis, (dahil wala

pang dunong na nakapagsiwalat sa kawalan

at sa kinukupkop nito) —

ngunit ‘di nila alintana ang kahibangan.

Inihalintulad nila ang kawalan bilang inahin

na nagpapainit ng mga puting itlog, at

ang nilalang bilang sisiw na sa pagdaan ng

araw ay magiging manok na maari nilang

pakainin, katayin, kainin.

 

Walang nakakaalam

sa katangian nito maliban sa kawalan,

kaya’t gagawan nila ito ng pagkakakilanlan

sa tuwing iisipin siya, at ang anino niya’y

bahagya nilang makikita.

 

Ruthie Mostrales, 02 December 2009

4 thoughts on “Ang Nilalang sa Kawalan

  1. tama ka, Ruth…
    may mga nilalang na lumilinang sa kahungkagan. mula sa wala, ipapanganak mula sa kanilang kaisipan ang mga bagay na sila lang ang makakakita. at sa panahon ng kanilang pangangailangan, doon sila sumasandal- sa kawalan!

    maganda ang tema’t kahulugan!

  2. salamat, doroastig! salamat sa iyong komento! mangyari’y isa ako sa mga natutuwang lumilikha (o kunwari’y lumilikha) mula sa mga “wala lang” — pagdating sa imahinasyon, gustong gusto kong punan ang kawalan dahil takot ako sa kawalan, sa espasyo, sa patlang… kailangan ko siyang punan ng mga salita upang mabigyan ko siya ng hugis, ng anyo, ng tekstura na maari kong pagmasdan at sipatin…

    pero hindi naman ako sumasandal sa kawalan, kung hindi sa “Uncaused Cause” — Siyang tanging nakalilikha ex nihilo…

    salamat muli!

    • ikaw lang ba? lahat ng may malilikot ang imahinasyon ay makakagawa ng malalaking bagay out of nothing at all. sila ang mga imbentor, makata, mga kompositor at iba pa. ako nga’y nag-a-aspire na mahahanay sa kanila hehehe.

      paminsan minsan nga sumasandal ako sa aking gawa na galing din sa wala. dahil nagkakaroon na sila, sa aking pananaw, ng kani-kanilang bigat

      maraming salamat din, Ruth

  3. hello po!

    hmm, nakakagawa/nakalilikha tayo ng mga bagay batay sa kung ano na ang nariyan, pero mula sa wala, sa akin, hindi ko kakayanin yun! hahaha, maaari kong pagtagpi-tagpiin ang mga katangian nila, ngunit ang lumikha ng katangiang orihinal na kailanma’y ‘di pa nalilikha — sa akin imposible iyon.

    pero totoo, may mga taong nabiyayaan na makita at laruin sa isipan nila ang mga bagay na pinapalampas lang ng iba, at malaki ang ikalalago ng sining kapag nakita natin ang pangkaraniwan gamit ang di-pangkaraniwang mata. 🙂

    sabi nga ni Anton Chekhov:

    “Don’t tell me the moon is shining; show me the glint of light on broken glass.”

    Ciao, kaibigan!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s