Ang puso kong ito na iyong nilikha, Panginoon, ay inaalay ko sa Iyo. Ikaw ang lubos na nakauunawa sa tibok nito. Ang bawat pintig nito mula pa sa simula ay nakatala; ang kilometrong ugat na nakapulupot dito’y inayos Mo. Kung paanong iniuutos Mo ang bawat hininga na sundan ang mga lagusan at tukuyin ang kinaroroonan ng mga nakatagong silid, at kung paanong ang bawat susi na nakakubli sa kaniyang kasulok-sulukan ay Iyong minarkahan, ang Iyong pag-ibig ang dahilan upang aking maintindihan ang ibig ipahiwatig ng bawat pintig.
Gaya ng isang tinig na galing sa malayo, na ang titik ay hindi ko maitala sa aking papel — ang bawat pintig ng aking puso’y matalinghaga kung mangusap! Tila ba sa isang lumang lengguwahe ito matatas, isang lengguwahe ng lumang lahing matagal nang nagapi! Gaya ng mga kasaysayan nitong iniukit sa papyrus na niyurak ng katandaan, at hindi na maililimbag pang muli, ang mga pangungusap ng aking puso’y mahirap arukin, bagama’t totoong may pahiwatig.
Bago mahuli ang lahat, at malusaw ang kaniyang mensahe, hiling ko ang iyong pamamalagi, dito, sa aking puso, upang ang tibok nito’y kausapin ako, at sa himig nito’y maki-awit ako, upang sa pintig nito’y magising ako, upang magmahal muli.
Ruth V. Mostrales
January 6, 2010