Simple Lang Pero Malaman

Dahil sa nalalapit na pagsisimula ng pasukan (Setyembre), naging magulo ang aking isipan ilang linggo na rin ang nakakaraan. Siyempre, nasagasaan din ang iskedyul sa bahay.

Bakit?

Natabunan ako sa dami ng gusto kong gawin bilang homeschool mom. Gusto kong gamitin ang librong iyon. Ay, hindi, ito na lang! Haay, naloka ako mga kaibigan!

At dahil gusto ko ang kaayusan, at gusto ko rin ng kapayapaan sa Pilipinas, sinabi ko sa aking sarili na ang ang pag-aaral sa taong ito ay maging payak lamang.

Dahil siya ay bata pa, maraming oras ang gugugulin namin sa — LARO. Tama. Laro. Siya’y maglalaro buong taon.

Ano? Haha, alam ko nagulat ka. Pero bago mo sabihin ito: “Anong klase kang ina?”, hear me out.

Ayon sa isang pag-aaral sa Finland, mainam na ang mga batang edad anim pababa ay huwag munang isabak sa dibdibang pag-aaral lalo na kung hindi handa ang bata. Kung parating laro ang nasa isip. Unti-unting mag-transition sa pag-aaral. And then, makikita mo ang paglipad niya. Naniniwala ako doon.

Sino ba sa inyo ang tumatak sa isip niyo ang mga natutunan niyo noon nang sapilitan? Hahaha, ako wala na nga akong maalala sa karamihan ng natutunan ko noong elementary at high school. Ewan ko ba. May honor naman ako noon….

So balik tayo… papaano nga pala kami mag-aaral niyan kung siya’y maglalaro?

Siyempre, ang laro, dahil ito ay gustong-gusto niya at kailangan niya sa kaniyang edad, ay isusunod ko matapos ang pag-aaral. May iskedyul kami para sa aral. At totoo itong aral. Hindi dapat mahahaluan ng laro. Ang laro, laro lang. Wag tayong mag-nag. Wag magdala ng book sa hiking o sa park. Basta ang laro ay laro lamang.

Kung aral naman, lalo na sa 3Rs natin. Math, Reading, Arithmetic, dapat seryoso yan. Short but Serious, ika nga. Araw-araw gagawin iyan. (Sa amin, ang pag-aaral ng Bible, Character ay araw-araw din. Sa inyo?)

(Ako ay namamalo ng anak at kung nakikita ko na wala naman siyang sakit, at tinatamad lang, ay siguradong mapapalo siya kung hindi susunod. Kung may mga nangungunsintI, ito ang sinasabi ko sa kanila — Anak niyo ba siya? Kayo ba ang mahihirapan kung lumaki siyang suwail? Eto, basahin niyo ito: Prov. 22:15)

Isama na rin diyan ang pagsusulat (writing), pagsasalaysay ng binasa o napakinggan (narration), pagsasaulo (memory work), at pangongopya (copywork). Oo, mukhang marami, pero kung paunti-unti mong ibibigay tiyak hindi siya mabibilaukan.

Sa Agham, kami’y mage-explore sa labas at gagamit siya ng Nature Journal kung saan niya isusulat at iguguhit ang mga nakikita niya at naoobserbahan. Sa bahay, magsasaliksik kami at manonood ng video patungkol doon.

Sa Araling Panlipunan, susundin namin ang itinakda ng DepEd at magiging gabay namin iyon. Kung maaari at kakayanin ay magpupunta kami sa mga museo, pista at mga pagdiriwang ng mga baryo, barangay, nayon, lungsod, etc. upang matunghayan ang kulturang Pinoy.

Sa taong ito, bilang isang Grade 1 pupil, pumili ako ng mga aklat na magandang pagmasdan at malaman din naman. At siyempre, dahil ang lola mo ay mahilig sa pagtitipid, ilang beses din akong nagpabalik-balik sa mga BookSale branches na nakagiliwan ko nang puntahan. Pamilya ko kilala na doon. At sa awa ng Diyos ay nakita ko naman ang mga aklat na gagamitin namin. Maganda, mura, maka-Diyos. O ha, saan ka pa?

Marami din akong nabili sa mga sale ng National Bookstore tulad ng Encyclopedia, Dictioary at at History Books. Madalas din kaming magawi doon (at “maholdap” din).

At dahil kami ay naghohomeschool, maaari naming gawing relaxed ang klima sa aming bahay. Pwede kaming mag-aral sa opisina, sa mall o clinic. Pag may pila, ayan anak, kesa mag gadget ka, iyan, basahin mo yan.

Sinabi ko rin sa sarili ko na kung hanggang saan niya kayang matapos nang hindi pa siya pagod at maganda pa ang output niya, doon kami titigil. Ang mabuti ay araw-araw, unti-unti ay may natatapos kami. Consistency lamang, kumbaga.

Basta ba’t may kaayusan at umuusad ayon sa kaniyang level ang aking anak, walang pressure. Hindi ito karera. Walang ibang kalaban kundi ang antok, katamaran at kalusugan.

At pagkatapos ng 3Rs— LARO NA!

Para sa aking anak, ang laro ay may iba’t-ibang pakahulugan. Sa kaniya, laro ang pagpipinta. Laro din ang paglikha ng handicrafts. Laro din sa kaniya ang pag-aalaga sa aming spider na tinawag niyang REN. Laro din ang pagdidilig sa mga halaman. Paghuhuli ng suso sa bakuran. Paghahanap ng mga palaka at karag sa labas. Minsan may dala sila ng Papa niya na Dung Beetle at iyon ang pinag-aralan namin. Hahah, nakakatuwa iyong panahon na iyon!

Hindi ko itinuturing na laro ang video games, at hindi ko siya pinahihintulutan na magtagal siya sa panonood ng mga video dahil mas gusto ko na nagbabasa siya at tumatakbo. Kaya, sorry, gadget, diyan ka muna. Ayaw kong mapinsala ang mata ng aking anak, maging na rin ang kakayahan niyang magconcentrate.

Haay, salamat, nakahinga rin ako ng maluwag. Andami ko kasing plinano, kung alam niyo lang. Pero, sa huli, ito ang nagbukas ng aking mga mata — Mateo 19:14: “But Jesus said, let the little children come to me…”

(Sa verse na yan nakapaloob ang lahat ng aking gagawin this year. Ang edukasyon kasi, sa aking paniniwala, ay dapat magpalapit sa mga bata sa Panginoon, at hindi upang mailayo sila sa Kaniya. Sa paanong paraan ba nailalayo ang mga bata sa Panginoon? Nakakita ka na ba ng mga aklat na nagsasabing ang mundo ay hindi nilikha ng Diyos? Yun, isa iyon.)

Aral muna bago laro. Oo nga no. Ganyan din ang ginawa ng magulang ko dati sa amin. Kung hindi mag-aaral, hindi maglalaro. Hmm… Ayos! Todo na to. Lord, pagpalain mo ang aming homeschool! Sana’y sa kaniyang pag-aaral lalong mapalapit siya sa Iyo, Lord.

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s