Trabaho

Standard

Ang buhay OFW ay _______. Isang pagpupugay sa mga kabayang nangibang bansa upang lumaban.

 

TRABAHO

 

Wala raw tayong pagmamay-ari, walang yaman.

Maging ang talatang naturan ay hindi orihinal.

Walang katapusan ang usapang tulad ng ganito.

Nakakapagod ang ganitong talakayan, mabagal.

 

Tumatakbo ang bawat segundo, paikot-ikot lang.

Isa-isang lumilisan ang mga araw tungo sa gabi.

At pagsapit ng gabi pagbukas mo sa ‘yong palad

Wala kang naitago, kundi ang mga linyang lumalalim.

 

Gustuhin mo mang yakapin ang kabataan, salapi

Ito’y galit na magpupumiglas, mawawaldas at mabilis

Na lilipas, mauubos. Mabigat na ang iyong mga paa—

Pero may mga naghihintay pa sa iyong pagbabalik.

 

Kaya’t ikaw ay tatakbo at parang ulol na magtitiwala.

At ang bawat segundo’y bahagyang igagapos, aariin sandali

At katumbas nito, mahahawakan at masisipat mo

Ang pangako ng langit na nakasulat sa iyong palad.

Father’s Day Card

Standard

Kanina, nag-breakfast kami ni Papa. Siyempre, gaya ng dati, ako ang mago-order para sa kaniya, pero siyempre, siya pa rin ang magbabayad kasi ayaw niyang magpalibre.

Kaya bumili ako ng healthy breakfast para sa aking Erpat. Siguro wala nang healthy breakfast na matatawag sa mga fastfood, pero puwede na rin ang boneless bangus bilang panimula. Kaya lang, habang inilalapag ko ang kaniyang almusal sa aming mesa, hindi niya maiwasang ikumpara ang inorder ko para sa akin, at inorder ko para sa kaniya. Nagtanong pa nga siya kung magkano daw yung sa kaniya (siguro dahil mas kakaunti, o baka dahil gusto lamang niya ng bacon at longganisa, at hindi boneless bangus). Natawa ako. Dati ako ang gumagawa noon ah. Pero sa isip ko lang iyon. Nagpaorder pa uli kami ng sabaw at kinuha ko naman ang aming free newspapers. Tapos nagpray kami.

Maraming magagandang pangyayari ang nagaganap tuwing maaga kaming umaalis sa bahay ni Papa. Una sa lahat, wala pang trapik, at hindi pa dumudungaw ang araw. At sa kalagitnaan ng aming byahe mula Rizal patungong Q.C., biglang may babanggitin si Papa upang aming pag-usapan, hindi bilang mag-ama, ngunit bilang magkaibigan.

Yup. Noon, si Papa ay tatay ko lamang, ngunit ngayon, siya ay akin na ring kaibigan. Kasama ko siya sa problem solving.  Kasama ko siya sa troubleshooting.  Kasama ko siya sa panalangin.

Marami rin kaming mga naging tampuhan at diskusyon, pero okay lang.  Sabi nga ni Papa, kaya nga pinag-aral niya kami para matuto kaming mag-isip at ipagtanggol ang aming sarili, hehehe.  Magaling si Papa sa mga diskusyon, debater kasi since college, pero hindi naman sa lahat ng balitaktakan ay talo ako.  🙂

Tamang-tama ang maluwag na trapiko sa kahabaan ng San Mateo Road upang mapag-usapan namin ang mga hamon na kinakaharap ng aming pamilya. Siyempre, hindi mawawala diyan ang usapan tungkol sa mga tampuhan, sa pera, sa career, sa hinaharap, ngunit kahit masalimuot ang mga sitwasyon na madalas naming pagdaanan, nananaig pa rin ang pagmamahal sa Diyos at sa isa’t-isa.

“Mas gusto ko na maaga tayong lumalabas sa umaga,” sabi ni Papa, na para bang nababasa ang nasa aking isipan.

Tumango lang ako at binuklat ang diyaryo na nasa aking harapan. Habang iniinom ni papa ang kaniyang kape, nakita ko ang isang patimpalak sa pagsusulat ng sanaysay na nagbibigay pugay sa mga ama, at naalala ko na Fathers’ Day na pala sa June 20!

Tinago ko ang pahinang iyon at napaisip ako. Ano kaya ang ireregalo ko sa kaniya?

Kaninang hapon, napadaan ako sa isang bookstore at nakakita ako ng isang card na may magandang mensahe na angkop na angkop para sa Father’s Day. Naisip kong bilhin iyon. Ngunit, nabaling uli ang aking mga mata sa isa pang card, at nakita kong swak na swak din ang mensaheng nakapaloob dito, kaya’t pinulot ko uli iyon at naisipang bilhin. Hindi nagtagal, nakakita na naman ako ng isa pa, at nagkaroon ako ng problema.

“Alin?”

Ang hirap naman pumili.

Sa madaling sabi, binili ko silang tatlo.

Card No. 1:

“It’s nice to know that whenever I’m tired or sad or hurt, I could seek refuge in your arms, Father.  Only you could make me feel as comfortable, sharing your courage and strength with me, to help me battle life’s trials.  you protect me and at the same time, inspire me to be at my best.  Thanks! 

Happy Father’s Day!”

Ang isa naman ay ganito:

“May this day fill your heart with all the happiness and love you generously provided us all these years!

We Love You!

Happy Father’s Day!”

And the third one goes a little something like this:

“Sometimes, when I imagine myself growing bigger, I get scared.  It’s not because I fear the responsibilities that go with it, nor do I fear the kind of life the future holds for me.  It’s because I’m afraid of growing too big to seek comfort in your hugs, too big to stay under the protection and love of such a wonder father like you.

Happy Father’s Day”

Hayun.

Alin kaya sa tatlong iyon ang nararapat kong ibigay sa kaniya?

Sa tingin ko yung ikatlo… 🙂

Napili ko iyon dahil marami nang nagbago kay Papa.  Katulad kanina, habang tumatawid kami sa kalsada kanina, nag-go signal ang driver at walang kahirap-hirap na pinadaan kami. Napaisip ako. Oo nga pala, senior citizen na pala siya.  Humihina na rin ang tuhod niya at madali na ring mapagod.  Kung noon ay hindi ako mabubuhay kung wala ang gabay niya, ngayon, higit niya na kaming kailangan — kaming mga anak niya.  Ganoon din kay Mama.

Dalangin ko sa Panginoon na gabayan Niya pa lalo si Papa, at sana, kahit paano, makita niya na kahit madalas kaming magdebate sa mga bagay-bagay, andito lang kaming lahat para sa kanila ni Mama.  Dalangin ko rin na sana, sa pagdaan ng mga araw, makita ni Papa at Mama ang bunga ng kanilang mga sakripisyo sa aming magkakapatid.

26 Pebrero 2010

Standard

Hebrew Test

Matatapos na ang unang semester ko sa Febias at sa pamamaalam, magkahalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Natutuwa ako dahil tapos na ang nakakapagod kong pagbibiyahe sa Valenzuela. Nalulungkot naman ako dahil mamimiss ko ang mga kaibigan at mga guro ko doon, pati na rin ang masasayang mga tagpo habang binubungkal ang salita ng Diyos.

Masaya pala ang mag-aral sa isang Bible school. Iniisip ko nga, “Paano kaya kung noon pa ako pumasok sa Febias?” Pero, huli man raw at magaling, ay naihahabol din. Doon ko napatunayan kung ano yung hinahanap ko sa buhay ko, at yan ang malalimang pag-aaral sa salita ng Diyos upang lubusan ko Siyang makilala, at sa gayon ay maintindihan ko rin ang aking sarili at ang dahilan kung bakit ako narito.

Hindi nawalan ng saysay ang bawat sakripisyo ko — hindi ako binigo ng Panginoon. Pinatunayan Niya ang pag-ibig Niya sa akin, at pinagtibay Niya ang Kaniyang mga pangako. Wala na akong hihilingin pa kundi ang mamalagi sa Kaniyang presensiya at papurihan Siya sa lahat ng oras.

Hindi raw natin makakalimutan ang mga unang pagkakataon, at masasabi ko rin yan sa aking pagsabak sa kakaiba at makabuluhang pag-aaral sa isang institusyon na humuhubog sa mga kabataan upang manilbihan sa Panginoon. Itinuring ko na itong pamilya, at itinuturing kong isang pagpapala sa aking buhay ang pag-aaral ko doon.

Saan man ako mapunta, at anuman ang aking mararating, babalik-balikan ko ang bawat matamis na alaala na nakatatak na sa aking isipan, at ang tamis ay gigising sa mga ngiti sa aking labi sa tuwing masaya kong ginugunita ang pag-ibig ng Diyos sa akin na higit kong naintindihan sa Febias.

Sino

Standard

Sino

             Sino  ako upang
             gamitin laban sa
             ‘Yo—ang buhay
ko, ang talento ko, ang pagka-
kataon ko, ang mga minamahal
             ko, ang puso ko,
             at   maging   ang
             aking dangal na
             nanggaling Iyo?
Salamat Ama sa Iyong pagpapaalala:
… na ang buhay ko’y buhat sa iyo, at laan sa Iyo.
… na ang mga talento ko’y tangan mo, at gagamitin Mo.
… na ang mga pagkakataon ko’y hawak Mo, Alpha at Omega.
… na ang mga mahal ko sa buhay ay una Mong minahal at pinahalagahan.
… na ang aking puso ay hindi ko pag-aari dahil dito ka nananatili’t nananahan.
… na ang dangal ko’y hindi ko maaring pahalagahan higit pa sa iyong karangalan.

Salamat sa krus, Panginoon.