Anong Gamot sa Ubo?

Standard

 

Hindi mo pinaunlakan, ngunit nanghimasok

At sa iyong bibig ay palaging pumuputok

Hindi mo ninanais, ngunit nananahan

May sariling oras, may sariling paraan

Upang yanigin ang dibdib na marupok

 

Maging ang kaibiga’y lalayo dahil sa kaniya

At ang kasintaha’y makakalimot bahagya

O ubo, ang baga’y di makatulog dahil sa iyo

Kailan ka titigil, kailan ka maglalaho at

Kailan ka tatahimik upang may kapahingaan.

 

Gaya ng paninirang galing sa mapanibugho

Gaya ng pagnanakaw ng kapitbahay sa iyong bunga

Gaya ng pagbabalatkayo ng kaibigang matalik

Gaya ng pagpapalaot ng budhing napakaitim

Ang ubo’y may dalang apoy sa dibdib, mapanira.

Malong

Standard

 

Kung saan-saan maari kang dalhin ng iyong diwa —

Sa tabing dagat, sa pusod nito, o sa isang isla;

Sa iyong paglalayag mayroon kang makikitang

Mga batik, ikat, at daluyon sa iyong panginorin.

(Kung minsa’y bulaklak.)

 

Tulad ng mga marinong napapadpad sa kawalan

Anong ganda ng luntian kapag ito’y nasilayan

Tulad ng mga naglalayag tungo sa kalayaan

Ang malawak na karagatan ay isang kanlungan.

(Kung minsa’y kulungan.)

 

Oo nga’t marami nang nasawi sa kanyang hele,

Ngunit sa kaniyang nangangarap ito’y paanyaya

Na suungin maging ang malalim at kayamanan nito —

Kahit malong ay layag sa kaniyang matapang.

(Kung minsa’y duwag.)

 

Ang Kangkong

Standard

 

Kangkong Image

Agahan_Setyembre 24, 2017. Beef tapa, nilagang kangkong, ginisang bagoong, nilagang itlog at kanin.

 

Ang Kangkong

Ang kangkong sa palengke ay piliing mabuti —

Mabuti pa’y tanungin ang ale kung saan ito galing.

Pagka’t ang kangkong na parang Pilipino lang din

Ay uusbong, dadami, yayabong saang tubig man dalhin!

 

Noong ako’y bata pa, madalas kaming kumain ng sayote dahil sa aming bulubundukin at malamig na lugar ay maraming sayote.

Bihira kaming makatikim ng kangkong, dahil ang kangkong ay manggagaling pa sa “baba”. Samakatuwid, ang mga kangkong ay magbibiyahe pa mula sa malayo bago maiparada sa mga palengke.

Nakilala ko ang kangkong noong nasa high school na ako, at nagustuhan ko ito dahil si Mama ay magaling magluto ng adobong kangkong. Siguro noon din mas naging madalas ibiyahe ito mula sa mga karatig-prubinsya.

Sa mga panahong iyon, kapag ang kangkong ay may halong giniling, para bang napakayaman na namin. Tuwang tuwa ako sa pagkain ng niluto ni Mama na ginisang kangkong, adobong kangkong, o bilang sahog sa sinigang. At hanggang ngayon, masarap pa rin ang luto niya.

Una kong natutunang lutuin ang adobong kangkong ngunit ang bersiyon ko ay may konting asukal. Konti lang. Si Mama kasi ay hindi mahilig maglagay ng asukal sa aming mga pagkain mula pa noon. Ito na rin ang minana niya sa kaniyang ina, ang aking Lola Ana.

(Nitong huli, paminsan-minsan ko na rin siyang nakikitang naglalagay ng asukal, pero patago.)

Adobong kangkong — mura, masarap, masustansiya, at higit sa lahat, madaling lutuin!

  1. Igisa ang sibuyas, bawang (ang iba’y may kamatis) sa mantika.
  2. Isama ang pork giniling.
  3. Isunod mo ang kangkong kapag luto na ang karne.
  4. Lagyan ng toyo, suka at asin.
  5. Dagdagan ng asukal, ayon sa iyong panlasa.

Ngayon, bilang pag-alala sa mga panahon na nakilala ko ang kangkong, at minahal ko ito tulad ng sayote tops, naisipan kong isulat ang tula sa itaas.

Ikaw, paborito mo rin ba ang kangkong?

 

Katamaran

Standard

Ang taong tamad ay mabuting kaibigan.

Kapag ika’y pagod na sa pakikipagsapalaran

Ay sasabihan ka ng: “Hoy, relax ka lang diyan.”

At kung ika’y makukumbinsi’y makapagpapahinga.

 

Sasabihin niyang kayo muna’y mahiga sa lilim

ng mga punong namumunga. At pag nagutom

maririnig mo: “Buksan natin ang ating mga bibig

At hintayin ang pagbagsak nilang mga prutas!”

 

At kung ika’y buhay pa, babagal ang mundo.

Magugutom ang pamilya mo’t kakapal ang agiw

Sa iyong kubo. Pero ito ang kaniyang sasambitin:

“Huwag mag-alala’t darating din ang inaasam mo!”

 

Ang kaibigang tamad ay mabuting kaibigan.

Maliban na lang kung ubos na ang kaniyang kasabihan!

Kaya’t sa oras ng kaniyang pangangailangan

Humanda ka — ikaw ang kaniyang pipitasan!

 

Trabaho

Standard

Ang buhay OFW ay _______. Isang pagpupugay sa mga kabayang nangibang bansa upang lumaban.

 

TRABAHO

 

Wala raw tayong pagmamay-ari, walang yaman.

Maging ang talatang naturan ay hindi orihinal.

Walang katapusan ang usapang tulad ng ganito.

Nakakapagod ang ganitong talakayan, mabagal.

 

Tumatakbo ang bawat segundo, paikot-ikot lang.

Isa-isang lumilisan ang mga araw tungo sa gabi.

At pagsapit ng gabi pagbukas mo sa ‘yong palad

Wala kang naitago, kundi ang mga linyang lumalalim.

 

Gustuhin mo mang yakapin ang kabataan, salapi

Ito’y galit na magpupumiglas, mawawaldas at mabilis

Na lilipas, mauubos. Mabigat na ang iyong mga paa—

Pero may mga naghihintay pa sa iyong pagbabalik.

 

Kaya’t ikaw ay tatakbo at parang ulol na magtitiwala.

At ang bawat segundo’y bahagyang igagapos, aariin sandali

At katumbas nito, mahahawakan at masisipat mo

Ang pangako ng langit na nakasulat sa iyong palad.

Nauupos

Standard

Nauupos

Ang pag-ibig ay hindi natatapos,
ngunit kung saan nananahan…
habang naroon —
nauupos.

Ephemeral

Love is eternal,
but where it abides…
while there —
ephemeral.

Ang Pag-ibig ay Paninging Matalim

Standard

Kung ang pag-ibig ay nakalaan
sa hanging laging nakayakap,
o sa araw na may pagtingin,
o sa ulang may paglingap…
ano ang nasa pag-ibig
na dapat ikagalak,
kung sa kaibig-ibig lamang
ang buhay niya’y ilalagak?

Sa mundo, ang pag-ibig ay hindi
tiyak, at sa matalino’y hindi
ito payak… subalit
sa natatakot, ito’y handang maging
tapat, at sa kaniyang walang
karikta’y may pangakong kabiyak.

Kung ang pag-ibig naman ay mayroong
paningin, iisipin niyang ito’y
walang halaga sa mundong madilim;
sapagkat ang pag-ibig ay mata na walang
kasing talim, at nakikita nito
lahat ng ikinukubling lihim.

Tatlong Ticket

Standard

Tatlong Ticket

Bumili ako ng dalawang berdeng ticket,

ticket na di ko naman nagamit

dahil pagdating sa Philamlife, ako’y na shock

at hindi pala kami makakapasok!

Selah.

Paano kasi, ang ticket na mahalaga

sa aking bag ay hindi ko na makita!

At kahit nanghihinayang, sinabi ko kay bro:

“Bumili ka na lang ng ticket for two!”

Selah.

Matapos ang pagtatanghal ako’y umuwing

pagod, ngunit walang bahid ng pagsisisi

Ang galing ng Febias! ito’y aking nasabi

Ang galing ni Lord, sa Kaniya ang pagbati.

Selah.

Pagdating ko sa bahay, binuksan ko ang bag

At sa aking pagkagulat, doo’y sumambulat

ang dalawang ticket na nagkubli sa kikay kit ko —

“Well… okay lang, sulit pa rin ang gastos ko.”

Selah.

Sa panonood ng Coro et al., namiss ko ang UP Tinig Amianan… Nasaan na kaya si Lolo Ben?  🙂 Ang gagaling ng mga kalahok. Sana magtanghal silang muli. 🙂 Magaling silang lahat, ngunit nagustuhan ko ang performance ng Senate Choir, Coro Cantabile, Wesleyan University-Philippine Concert Chorus at siyempre FEBIAS Chorale!

Halika, Hamog

Standard

Halika, Hamog.

Come, Fog.

 

Halika, hamog, sabi ng hangin.

(Come, fog, says the wind.

                                                                               Ako’y hungkag.

                                                                                I am empty.

Wala akong dala-dala

I have nothing to carry

kung saan bumubukadkad ang mga bulaklak

where the flowers bloom

at naghihintay

and are waiting

sa manamis-namis

for the sweet, sweet

na tubig ulan.

water of rain.

Halika, hamog, sabi ng hangin.

Come, fog, says the wind.

                                                                                      Dumuyan ka sa akin,

                                                                                      Sleep on my cradle,

o kung ikalulugod mo, halika’t

or if it pleases thee, come

takpan ang aking dibdib

adorn my décolleté

sa pamamagitan ng iyong mga kumikinang na patak

with your sparkling drops

at hiyas

and amulet

at ng iyong puting lambong na malamig

and of your white veil so cold

bago pa man mapagod ang mga bulaklak

before the flowers grow tired

at pagkatapos nito’y kukupas.

and then, fade.)

 

Ruth V. Mostrales, 9 August 2010

Protected: Tiklop

Standard

This content is password protected. To view it please enter your password below:

Punla

Standard

Sa tuwing ginigising ng ulan
ang mga punlang nakalimutan at naiwan
sa tabi ng daan, o di kaya nama’y
sa batuhan, o sa bahagi ng hardin ng
lupang matinik — may nagmamasid.

Sa malayo nakatingin ang ibong
nakikita ang isang mayabong
na puno na hitik sa bunga at lumalago
matapos ang salitang tag-ulan
at tagtuyot.

Iisipin niyang magpahinga sa ilalim
ng mga lilim nito sa panahon
na may bagyo — kagaya ngayon…
ngunit dahil wala pang umuusbong —
wala pang sumisilong.

ruth v. mostrales
july 6, 2010

happy birthday to my sister marge, my cousing jhonee, and pastor art.

Ang Pagtatagpo

Standard

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

gagawa sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang ugnayan. 

Hahamakin nilang tapusin ang isa’t isa,

upang simulan ang pinagsanib nilang puwersa,

hindi bilang dalawa, ngunit,  isa —

na, upang tuwing umuula’y tila may araw pa rin,

at sa tag-init, mayroong tubig na iinumin

ang mga bulaklak sa hardin…

Iyan ang kanilang mithiing ipinaglalaban

sa langit, na sa matagal nang panahon ay nakapikit —

ngunit gising.

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

hihiling sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang kahibangan.

(c) Ruth V. Mostrales 

May 2010

Ang Sapatos

Standard

pexels-photo-208465.jpeg

“Hindi kasya ang sapatos, Ma’am,”
sabi ni Saleslady 1.
“Huwag ninyong ipilit, Ma’am!”
At siya’y pinagtawanan.

Hindi naman sa mahirap siyang kausap,
ngunit sadyang masigasig lang siya,
dahil ang sapatos ay kakaiba sa lahat, at
kung hindi rin lang mapupunta sa kaniya,
harinawa’y huwag nang pakinabangan ng iba.

Kaya’t isiniksik niya ang kaniyang paa sa sapatos na maliit,
dahil iyon ang sadya niya’t hiniling mula sa langit;
ngunit upang hindi mapahiya at siya’y tawaging lukarit
sinabi niyang ihahandog niya ito sa isang paslit.

Sa isang paslit na naiwan sa bahay, aniya,
at nanonood sa TV ng mga nakakatawa;
sa isang paslit na nangungulila sa pagtakbo,
dahil hindi maigalaw ang mga paa nito.

Kaya’t bibilhin niya ang sapatos at baka sakaling
ang mundo’y gumalaw at siya ay hatakin;
upang ang bata’y tubuan ng hiraya
at hindi magtatagal, ay magkakangipin.

Pagdaka’y sa counter, nagbayad na siya,
at nang akmang babalutin, ito ang nasabi niya:
“Huwag mo nang ikakahon, para mo nang awa,
at baka mabawasan ang kaniyang hiwaga.”

Ruth Solitario
2009

Puso ng Dagat

Standard

Napakaraming alon sa dagat. Hindi mabilang. Ngunit kung iyong pagmamasdan, lahat sila ay iisa — iisang tubig na hinuhulma ng hangin at ng naunang indayog na hindi pa natatapos hanggang sa ngayon.

Nakakatakot. May mga pangil itong sumisipsip sa dugo ng mga pangahas. Nakakatakot siya sapagkat hindi ito kailanman nasisindak ng bagyo, buhawi o ng matinding hagupit ng apoy. Nilulunod niya ang mga batang suwail, at sinisilo ang mga nagtatapang-tapangan.

Sa laot, maraming isda ang nakahanap ng tahanan, nagtatago sila sa bawat pileges ng tubig, malayang lumalangoy sa bilangguan na asul. Masaya silang nakikipaglaro sa mga pangarap na hindi nakamtan ng mga sawi at duwag.

Sa dagat na malimit tagpuan ng nakaraan at kasalukuyan, ang paglalaro ng hinaharap sa entabladong malikot ay nagdudulot ng sindak kaninuman. Bakit asiwa ang tao sa dagat? Marahil dahil ito’y marunong, at marami itong naiipong lihim mula sa mga bukal sa kabundukang sapilitang hinahatak ng kung anong pang-akit na mapanibugho.

Hindi alam ng dagat na siya’y nakakatakot, kaya’t higit siyang dapat katakutan, sabi nila.
Maraming nagmamasid sa malayo, at tinatanong ang sarili kung saan ang puso nito. Marahil narito ang kaniyang kahinaan.

Hunyo 7, 2010
3:45 PM

Awit Mula sa Malayo

Standard

Sa malayo ika’y iibigin, sa malapit ika’y titiisin.
Katulad ng hanging dumadaplis,
ika’y hahagkan at saka aalis.

Sa ganitong paglilihim, ako’y pinapanatag;
sa ganitong pag-ibig ko, pag-ibig man ng duwag;
bagamat walang pugad, ako’y ibong malaya —
ako ma’y lumuluha, wala sa ‘king kukutya.

Hindi ko man mabigkas ang paghanga ko sa ‘yo,
hayaan mong sa awit, isatitik ko ito.
Ang bawat talata’y iuukit paulit-ulit sa batong
walang pinagkaiba sa iyong puso.

Ruth Mostrales
25 May 2010

May Hindi Nawawakasan Ang Araw

Standard

May hindi nawawakasan ang araw, araw-araw,
may hindi natutuldukan ang buwan, buwan-buwan;
may hindi natatapos ang taon, taon-taon —
tulad ng alaala ng mga yumao’t lumisan.

Sa paglipas ng araw, at mga kulay nito,
sa pagdaan ng buwan, at mga prutas nito;
sa pagtakbo ng taon, at mga tropeo nito —
ang nagdaan ay hindi mauungusan.

Kagaya ng ulap na palayakap sa araw,
katulad ng hamog na kaulayaw ng buwan;
kawangis ng mga guhit na isinusulat ng taon
sa balat — hindi kita malilimutan.

Bagkus napaparito ka sa aking daigdig,
habang minamasdan ko ang mga tanda sa langit;
narito ka’t iniisip nang paulit-ulit —
inuukit sa aking lupang buhay lang nang saglit.

May hindi nawawakasan ang araw, araw-araw,
may hindi natutuldukan ang buwan, buwan-buwan;
may hindi natatapos ang taon, taon-taon —
hanggat may alaala’t pag-ibig, ika’y kapisan.

ruth mostrales
may 25, 2010

Bakit Ako Umiibig Sa Iyo, Ginoo ni Emily Dickinson

Standard

“Bakit Ako Umiibig Sa Iyo, Ginoo?” salin ng
“Why Do I Love You, Sir?” ni Emily Dickinson

“Bakit ako umiibig sa Iyo, Ginoo?
Sapagkat —
Hindi inuutusan ng Hangin ang Damo
Upang tumugon — kaya’t pagdaan Niya’y
Siya’y hindi mapakali.

Sapagkat batid Niya — at
Hindi Mo batid—
At hindi Natin nalalaman —
Sapat sa Atin
Ang Karunungan na ito’y sadyang gayon.

Ang Kidlat — hindi kailanman sumangguni sa Mata
Kung bakit ito ay pumikit — nang Siya’y nagawi—
Sapagkat alam Niyang pipi ito—
At ang mga dahilan ay hindi nakasilid—
—ng Pangungusap—
Mayroon man — pinipili ng mga Nilalang na mas Pino

Ang Bukang Liwayway— Ginoo—ay hinihimok Ako—
Sapagkat Siya’y Bukang Liwayway—at nakikita ko—
Samakatuwid — sa gayon—
Umiibig ako sa Iyo.

April 5, 2010

At Night ni Sarah Teasdale

Standard

full-moon-night-by-l-u-z-a.jpg from http://beyond-school.org/2008/08/14/meaningful/

Sa Gabi ni Sarah Teasdale
Salin sa Pilipino ni Ruth Mostrales

“Manatili kang gising at isipin mo ako,” wika ni Pag-ibig.
“Ipikit mo ang iyong mga mata hanggang umaga,” ayon kay Tulog.
Ngunit ang mga Panaginip ay nagsipagdating at may ngiting
Nagpaunlak sa hiling ni Pag-ibig at Tulog.

Ang Magnanakaw ng Sandali

Standard

Ang magnanakaw ng sandali ay nariyan na naman, upang umukit ng mga linyang papasulong sa sukatan ng sangkatauhan. Sa pisngi at mukha naman ay tumutuldok siya ng mga nunal — sa mga lupang may hininga na hindi rin magtatagal. Gumuguhit siya sa palad at kaloob-looban, at ang parusa niya’y dama sa mga tuhod at kasukasuhan. Ang hagupit niya’y pagkahapo maging sa binti ng alupihan, kaya’t walang makakatakas sa magnanakaw na iyan! Kahit nga ang mga sanga na bitbit ang mga luntian ay luluhod din sa aba nilang pagpasan. Ang ibong pala-awit ay mamamaos din at pagdaka’y bubulong na lamang ng panghuling panalangin.

Ang magnanakaw ng sandali ay isang kaibigan, sapagkat sa pagdating, pag-alis niya’y ang lahat ay nakaabang, nakatingin. Dahil sa siya’y walang tinatangi, at ang lahat ay binabati — siya ay pagbuksan at sa kaniya’y magpitagan, muli.

Ruth Mostrales
March 29, 2010
June 15, 2009

Latak sa Pahina

Standard
 

 

            Latak sa Pahina 

Hinuhugot ang matalinghaga 

sa diwa,  saka pinapagulong sa 

dila ang tugma;  ipinupuslit mula 

sa dilim ang kahulugan…ngunit, 

mula sa puso bumabalong 

ang dugong nag-iiwan 

ng buhay na latak 

sa  pahinang 

tumitibok- 

tibok.