Isang Araw

Nang mabuksan, isang araw, ang bintana sa aking buhay, nakita ko ang lagusan ng biyayang walang humpay. Pumasok ang hangin, ang araw, ang mga ibon, maging ang awitin ng mga dahon. Ang ganda pala sa labas, wika ko. Hindi ba’t napagmasdan ko na ang bakuran noon? Hindi nga ba’t dito ako lumaki? Sa isang saglit, nabago ang tanawin na para bang pinaglaruan ng kababalaghan ang aking mga nakasanayan, at sila’y nagsuot ng bagong damit at sapatos matapos ipaligo ang mamahaling pabango. Ang ganda, salamat po! wika ko. Nanatili ako sa ilalim ng punong igos at tumula. Inawit ko ang mga awiting maganda. Winika ko ang karunungang matanda, at siniyasat ko ang kahulugan nila. Niyakap ko ang aking mga kapatid, at pinakain ko ang hindi ko kilala. Masaya palang mabuhay sa biyaya. Masaya palang maging malaya, bagamat ‘di ako karapat-dapat.

Isang araw, matutuyuan na ako ng tinta. Isang araw, gigisingin ako ng mga trumpeta. At sa araw na iyon, itataas ko ang aking mga mata at pagmamasdan ang panginorin. Gaya ng bintana, isang araw mabubuksan din iyon, at sigurado, walang salita ang sasapat sa pagtatala ng mga kaganapang sasambulat, hanggang sa pipiliin ko na lamang ang pumikit at damhin ang halik ng hangin sa aking mga pisngi, buhok at balikat. Sa araw na iyon, hindi na rin uso ang pagtutula ng may ligoy, at ang lahat ng bersong kasama ko sa paglipad ay aawitin na ng lahat, para sa Kaniya.

Ruth V. Mostrales

Marso 3, 2010

May paper ako tungkol sa Intrusion Ethics ni Meredith Kline. Sana magawa ko nang buong husay, para sa Kanya.

Ang Bato / The Rock

ANG BATO
salin sa tula ng makatang Slovak Immanuel Mifsud
salin sa eleganteng Filipino ng makatang si Roberto Anonuevo

May isang bato na ibig kong itago mo.
Nakatago ito sa aking dibdib na kumikirot.
Ibig kong kunin mo iyon, gawing bulaklak
upang bigyan ng mga kulay ng iyong anyo.

Lumuluha ang bato tuwing takipsilim
at bumibigat nang bumibigat nang lubos,
bumibigat sa dugo, bumibigat sa pighati,
at bumibigat sa umiikling paghinga.

Hinihintay nito ang iyong pagdalaw.
Hinihintay yapakan ng hubad mong paa’t
luhuran, nang mahagkan ang iyong tuhod
para sa araw na aangkinin mo ang bato.

http://alimbukad.com/2010/02/26/mga-tula-ng-paglalakbay-ni-immanuel-mifsud/

THE ROCK

Translated by me from the Pilipino translation of Roberto Anonuevo
of Immanuel Mifsud’s poem in Slovak

There’s a rock that I pray you’d keep.
It is hidden inside my chest, aching.
I long for you to take it, make it a flower,
to furnish it with the colors of your form.

This rock sheds tears at sunset
and becomes increasingly very heavy,
heavier with blood, heavier with anguish,
and heavier with shortening breath.

It is waiting for you to walk by,
waiting for the weight of your naked feet,
and knees upon it, to kiss your knees,
for the day when you will possess the rock.

Ruth Mostrales
March 1, 2010

http://courtofreverie.wordpress.com/2010/03/02/the-stone/

Sasandal

Isang malaking suliranin
ang kinakaharap ko ngayon—
ang puhunan ko ng ‘sang taon
baka tangayin lang ng hangin.

Ang marami-rami kong tula,
na bunga ng pagkatulala,
na isinilid sa makina,
ay nanganganib na mawala.

Sayang naman ang panahon kong
sa paglulubid itinuon —
aanhin ko ang isang taon
na sa limot ay mababaon!

Kaya’t ako ay magbubungkal
sa bagong lupang mas mataba,
at sa lumang makinang aba’y
hindi na ako sasandal pa.

ruth mostrales
feb 27 2010

Bagyo

pexels-photo-593655.jpeg

 

Kailan dadalaw ang ulang malihim

sa bulaklak na naghihingalo’t mainipin?

Ilang araw na rin siyang nagmamasid,

at baka sakaling siya ay aaligid.

At habang siya’y hapo’t nababato,

kupkop ang mga binhing natutuyo,

sa kalangitan ang hiling niya ay walo,

at bagyo ang nangunguna rito.

Ruth Solitario

9:12 PM

February 20, 2010

“As against having beautiful workshops, studios, etc., one writes best in a cellar on a rainy day.”  – Van Wyck Brooks

ang tulang panagot ni Marco Liwanag

Gumawa si G. Marco Liwanag ng isang mahusay na tulang panagot sa aking tulang “Sa May Dambana”.  Mababasa niyo ang kaniyang tula sa http://alikmata.blogspot.com.

larawan mula sa http://www.igougo.com

Tulang Panagot ni Marco Liwanag

Sa giyagis na damdami’t hilahod na tadhana
‘sang laksang halimaw sa labas ang naglipana
ngingiti na lang sana kung bakit di makuha
ang ligaya at laya inaagaw pang lubha.

at dito sa apat na sulok nitong silid
lalakad lakad ng pabalik balik
paunting tatayo’t maya’y uupo din
mag-iisip ng marami’t susulat ng unti.

sa ganitong kalagayang pinapait ng luha
aba akong nilikha sa latag ng lupa
subali’t dito nga ay aking pakikita
sa lungkot mabubuo ligayang sagana

Pitong Liham

I.
May natanggap na liham,
Galing sa kalangitan,
Ang Ministro ng Agham,
Patungkol sa Maykapal.

II.
Kung ika’y tatalima’t
Kay Hesus ay sasama —
Pasan ang krus, iwanan
Ang sarili sa daan.

III.
Kung ika’y may’rong hapis,
Huwag magdamdam nang labis;
Dalhin ang iyong hinagpis,
Kay Hesus na nagtiis.

IV.
Batid ko ang hangganan,
Nitong aking daanan.
Ako ay nagdarasal —
Langit ang inuusal.

V.
Sa aking paglalakbay,
Siya ang aking kaakbay.
Ang daa’y madilim man,
Wala itong anuman.

VI.
Bigyan mo ng kandili,
Siyang hindi mapakali,
Sa kaniyang pagtunggali,
Sa hamong ‘di madali.

VII.
Ikaw ay dakilang Diyos,
Pag-ibig mo ay lubos,
Sa biyaya’y pinuspos —
Salamat, Manunubos.

Ruth Mostrales
June 15, 2009

Panyo

hand-tie-dress-wedding.jpg

 

Nagtahi siya ng kasuotan,

maganda ang kinalabasan.

Ngunit, nang ito ay kaniyang isukat,

hindi ito lumapat!

 

Kaya’t tangan ang bestida,

sa tindahan siya’y sumaglit;

matapos siyang mamaalam,

iniwan niya ang damit.

 

Nasumpungan ng isang binata

ang bestidang marikit;

lubos ang kaniyang tuwa

at puso niya’y nangalabit.

 

Binili nito ang bestida

sa napakamurang halaga’t

naisipan niyang ihandog ito

sa babaeng pinipintuho.

 

Nagtahi siya ng kasuotan.

Maganda ang kinalabasan.

Sa retasong natira’t pinagtagpi-tagpi —

Isang panyo ang nasilayan.

 

July 9, 2009

 

pexels-photo-998521.jpeg

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape