Sa Bawat Ambon, May Pagpapala

Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana;
Iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal;
Iyong mga pinalalambot ng ambon;
Iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon. Psalm 65:10

water rain raindrops drops of water
Photo by Tookapic on Pexels.com

Sa pagdating at pag-alis ng bawat yugto ng ating buhay, at sa pagbabalik tanaw sa pagdaan ng mga panahon, mas naiintindihan natin ang pakay ng ambon — at ito ang pagpapala ng bunga.

Isang pagpapala sa atin na makita ang pag-anod ng mga pinaniwalaang matagal ding kinupkop natin at pinanindigan. Ang pundasyon pala nila’y buhangin. Iyong mga bago, ayon sa patuloy na pagtuturo ng Diyos mula sa Kaniyang Salita, ang pumalit sa kanila.

Unti-unti, ang matigas na lupa ng ating puso ay sumuko sa walang tigil na ambon. Hindi bagyo, kundi ambon — hindi sigaw, kundi bulong. Hanggang sa ngayon, patuloy ito sa pagbasag sa lupang matigas. Marahil sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang pagsasaka, pagdaka’y ang paghahasik, pagkatapos ang pagusbong, at sa huli, ang pag-ani.

Minsan, kailangang magtakda ng bagong layunin at gumawa ng mga bagong hakbang. Maging ang lakas mong ginugugol sa mga bagay na walang kabuluhan ay bigla mo na lamang ilalaan sa mga adhikaing walang hanggan. Minsan, kailangan nating pumili ng kakaibiganin, at kailangang lisanin ang dating matalik sa puso. Sa bawat pag-alis, may kaakibat itong sakit. Kung hindi tayo magiging marahas sa sa pagbubungkal ng lupa,  hindi ito maihahanda sa pagtatanim.

At sa bawat paglisan, pagsisimula at pamamaalam, isang pagbabali ang kailangang mangyari para sa ikabubuti. Hindi kailanman ito madali, ngunit alam ng Diyos na wala kang pakay na manakit sa iba — gusto mo lang mabuhay para sa Kaniya. Sa palagay ko, kung aalis tayo sa daraanan Niya at hahayaan natin Siyang manguna ay magiging matiwasay ang ating paglalakbay, at magkakaroon ng bunga ang mga hinahangad.

Patuloy lang, at sa bawat hakbang, ang Diyos ang sundan, huwag ang tao, sapagkat ang tao’y nawawala rin. At hindi natin alintana ang bilis — “na ang paguunahan ay hindi sa mga matulin, ni ang pagbabaka man ay sa mga malakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong naguunawa, ni ang kaloob man ay sa taong matalino;” — Diyos lamang ang panghawakan. Sa huli, tayo’y tatayo sa Kaniyang harapan at magsusulit. Para kanino ka nabuhay sa lupang ibabaw? Pinasan mo ba ang krus nang buong tapang o sumuko ka nang makaranas ng hirap at pangungutya?

close up photography of bible

At dahil sa mga ambon ng nakaraan, mayabong ang mga puno sa kasalukuyan. At dahil sa mga ulan ngayon, may sinisilip tayong ani sa kinabukasan. At ang mga bunga ay darating, dito, at sa langit, para sa iyo at sa akin, kung itataas lamang natin ang ating mga paningin kay Kristong nagtagumpay na. Pero diyan ka lang, manatiling nakatingala upang makita natin Siya sa pagganap Niya sa mga pangakong binitawan Niya sa bawat isa sa atin.

Ang grasya Niya ang pinto sa mga tag-sibol ng iyong buhay.

 

For my pen

 

pexels-photo-417142.jpeg

 

I like to dance

Like a firefly

Darkness will be a stage

And nothing to be afraid of.

 

I like to dive

Like a penguin

Without a prospect

But only to swim

 

I like to sing

Like the lyrebird

I will surprise with notes

Never heard before

 

I want to grow

Like a giraffe

And eat leaves atop trees

While smaller ones feast below

 

I love who I am

But there is no harm

When I dream dreams

For my pen.

Mall Garden

30074581_10155204585406541_1032513558_o

 

Ang kapirasong kalikasa’y mainam na kaysa sa wala.

Ang pag-usbong ng mga punla sa semento’y nakakatuwa.

Dito, sa tuktok ng bundok na nililok ng tao’y naaaninag ko

ang panginorin sa likod ng mga batong may paningin.

 

Parating na ang dilim ngunit ang mga bata’y nagtatakbuhan

At naglalaro pa rin na para bang kakagising pa lang ng araw.

Ang hanging banayad ay inaawit ang mga kanta ng mga paang

mabigat at bisig na pudpod nilang obrerong gusto nang umuwi.

 

 


 

Mall Garden
A little piece of nature is better than none,
Sprouting seeds on concrete better than bare.
Here atop a man-made mountain I see the sky
Behind a foreground of rocks with eyes.

The day is leaving yet the children run and
Play like it has just begun! A gentle breeze sings
The song of heavy feet and worn out limbs
Of tired laborers who will rest on closing time.

Trabaho

Ang buhay OFW ay _______. Isang pagpupugay sa mga kabayang nangibang bansa upang lumaban.

 

TRABAHO

 

Wala raw tayong pagmamay-ari, walang yaman.

Maging ang talatang naturan ay hindi orihinal.

Walang katapusan ang usapang tulad ng ganito.

Nakakapagod ang ganitong talakayan, mabagal.

 

Tumatakbo ang bawat segundo, paikot-ikot lang.

Isa-isang lumilisan ang mga araw tungo sa gabi.

At pagsapit ng gabi pagbukas mo sa ‘yong palad

Wala kang naitago, kundi ang mga linyang lumalalim.

 

Gustuhin mo mang yakapin ang kabataan, salapi

Ito’y galit na magpupumiglas, mawawaldas at mabilis

Na lilipas, mauubos. Mabigat na ang iyong mga paa—

Pero may mga naghihintay pa sa iyong pagbabalik.

 

Kaya’t ikaw ay tatakbo at parang ulol na magtitiwala.

At ang bawat segundo’y bahagyang igagapos, aariin sandali

At katumbas nito, mahahawakan at masisipat mo

Ang pangako ng langit na nakasulat sa iyong palad.

Ang Pagbabalik

 

Sa gitna ng aking kahimbingan, ay may kung anong gumising
Sa akin. Marahil ang kahol ng asong ulol sa labas, marahil ang hangin?
Hindi ko matukoy sa ngayon, ngunit, walang pagtutol akong
Bumangon sa pagkakahimlay, tulad ng patay mula sa kabaong.

Nagpalakad-lakad ako at sa aking pamamasyal sa dilim naging
Mulat sa mga nangyari habang ang panaginip ko’y nakamaleta.
Tila iba na itong mundong ito! Aking nasambit. Sa takot napailing
Ako’t sinubukang takpan ang mga mata, ngunit ako’y mas nakakita!

Ako’y bumalik sa kanlungan ng aking katawan ngunit wala na doon
Ang aking isipan. Nagpalaboy-laboy ito sa labas, sa dilim, sa liwanag,
Sa kulay, at animo’y nagsipagaklas ang aking diwang pumapalag
At ngayo’y nakapaglalaro na mula sa pagkakahimlay at pagkakabaon…

Dito sa tinitignan, dito sa binabasa, dito sa blanko, dito sa puti’y binubuhay
Ang lumang hininga na sa tagal ng panahon ay iginapos nang walang awa
Dito sa pahina’y naglalaro muli sila upang magkwento, upang magsaysay —
Bagamat mahiyain, sa entablado ay isa-isa isa silang sasayaw, kakanta.

Death Penalty

Dengue Carrier, photo from topnews.com.sg

Death Penalty

May namatay na lamok
sa loob

ng kulambong
pinasok

ng usok
mula sa katol.

Ruth V. Mostrales
Sept 22 2010

Tiklop

Akin nang ikukubli
At saka ititiklop
Mga titig at ngiti
Hindi na itatampok.

Gaya ng ‘sang nasawi
Sa digmaang madugo
Na sa kaniyang pag-uwi
Ay anyong pagkabigo

Isa pang pagtuturok
Ng totoong masakit
Hanggat puso’y matakot
At manganib ang bait:

Ang ‘sang bagay na tiklop
Hindi na binubuklat
Hindi na inaarok
Ang tangkilik na salat

Ruth Mostrales
June 15, 2009

Panyo (via pakpak at marami pang iba…)

Panyo Panyo Ruth Mostrales     Nagtahi siya ng kasuotan, Maganda ang kinalabasan. Ngunit, nang ito ay kaniyang isukat, Hindi ito lumapat!     Kaya’t tangan ang bestida, Sa tindahan siya'y sumaglit; Matapos siyang mamaalam, Iniwan niya ang damit.     Nasumpungan ng isang binata Ang bestidang marikit, Lubos ang kaniyang tuwa At puso niya’y nangalabit.   Binili nito ang bestida Sa napakamurang halaga’t Naisipan niyang ihandog ito Sa babaeng pinipintuho.   … Read More

via pakpak at marami pang iba…

Tala

Kaibigang Tala*

(*Hindi Tunay na Pangalan)

Tala, may naiwan kang

bag, ng alaala, libro, at kanta.

Hindi ko binuksan, hindi ko

sinilip, ni hindi ko nilipat

kung saan mo huling isinilid.

Bakit hindi ka bumalik?

Nag-ring na ang bell. 

Kain muna tayo, tara.

Wala pa rin bang tulay mula

sa bayan at sa bundok na

matarik?  Nasaan ka na?

Hindi ko alam kung ika’y

lumisan na.  Wala kang

 address na sana man

lamang ay ipinagkatiwala.

Wala kang patak

ng luhang sa halaman

sana’y idinilig upang

ako’y liliman, habang

ako’y nag-iisip, hapo,

at takot habang binubuklat

ang diyaryo’t baka isang

araw, mabasa ko ang

pangalan mo na sa akin

ay ‘di pa rin nagbabago.

Tala, ika’y may dinala

sa paglisan mong walang

pasabi.  Kailan ka babalik

at nang ang bag mo’y

mabuksan natin, at mag-aral

tayong muli… bago ka

pumanhik?  Kailan ka

babalik sa silid-aralang

may dingding at pisara?

Kailan ka bababa mula

sa pinili mong langit?

– Nasaan ka na, Tala?*

Katha ni David upang Awitin ng Punong Mang-aawit*

Awit 19

Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!

Ang ginawa ng Kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!

Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,

patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.

Wala silang tinig o salitang ginagamit,

wala rin silang tunog na ating naririnig;

ngunit abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,

balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.

Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,

tuwing umaga’y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,

tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.

Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,

walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,

ito’y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.

Ang mga tuntunin ni Yahweh’y mapagkakatiwalaan,

nagbibigay ng talino sa payak na kaisipan.

Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,

ito’y nagpapasaya ng puso at kalooban.

Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,

nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.

Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,

magpapatuloy ito magpakailanman;

ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,

patas at walang kinikilingan.

Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,

mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.

Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,

may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,

iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.

Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,

huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.

Sa gayo’y mamumuhay akong walang kapintasan,

at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

Nawa’y ang mga salita ko at kaisipan,

kaluguran mo, Yahwweh, manunubos ko at kanlungan.

Hango sa Magandang Balita Biblia (MBB), Philippine Bible Society

(Generic Bible Edition na ibinigay ni Pastor Art Antonio noong June 13, 2009 sa amin.)

“It is uncertain when this highly finished and beautiful ode was composed; though some think it was written by David in the wilderness when persecuted by Saul.” – Biblos.com

Remedios

 

Walang perpektong sitwasyon, panahon, o pagkakataon — asahan mong lagi na along the way, may mangyayaring hindi kanais-nais. 

Ganyan ang buhay.  Isang aspeto ng pagiging tao ang pagkakamali, ang problema, ang kawalan ng patutunguhan at sari-sari pang problema dahil sa pagkakasala ng unang Adan.  Dinala niya tayo sa sitwasyon ng pagkahulog sa kaluwalhatian ng Diyos — dinala niya tayo sa sitwasyong anuman ang gawin natin upang mapabuti ang ating abang kalagayan, sa huli, kamatayan pa rin ang ating kahahantungan.  Wala na bang pag-asa ang tao sa kahabag-habag niyang kalagayan?

Noong nakaraang buwan, naintindihan ko ang kahalagahan ng kaalaman, kapakumbabaan, at kahinahunan sa aking trabaho.  Sa paghubog ng Panginoon sa aking isipan, sa pagpapahintulot Niyang ako ay mabigo sa ilang mga pagkakataong pinaghirapan ko, at sa pagbubukas Niya sa aking mga mata sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, nakita ko ang kahalagahan ng may matatakbuhan.  Sa legal parlance, remedios ang tawag doon.  Noong nagtake ako ng bar, bagsak ang grade ko sa Remedial Law.  Iyon ang subject na 20% ang bigat kumpara sa iba na 5%, 10% o 15% lamang.  Mahina ako doon at iyon ang sanhi kung bakit nahila pababa ang aking average at hindi pinalad na maging abogada.

Gayon na lamang ang kahalagahan ng remedyo sapagkat kung ikaw ay isang abogado at ikaw ay nagkamali sa iyong mga hakbang, makukulong ang iyong kliyente, magbabayad siya ng malaking halaga, o hindi maibabalik sa trabaho, etc. —- at lahat ng nabanggit ay may mga matitinding implikasyon sa buhay, estado at hinaharap ng iyong kliyente.  Bilang isang abogado, katungkulan mong pangalagaan ang life, liberty and property ng taong iyong ipagtatanggol. 

Isang matandang abogado ang nakaharap ko sa isang hearing.  Nais niyang ipadismiss ang kaso dahil aniya, matagal nang natapos ito. 

 To make the long story short, nagkaroon kasi ng sabwatan ang dating abogado ng mga manggagawang ilegal na pinagtatanggal at ng abogado ng kumpanya, at sa halip na bayaran ng tama ang mga manggagawa, kumita ng husto ang mga nasabing abogado at kakarampot na lamang ang naibigay sa mga pobreng manggagawa.  Inilapit ng huli sa aming opisina ang hinaing nila.  Kaharap ko ang isa sa mga abogado ng kumpanya.

 Sa unang paghaharap, wala ang aming abogado at natural, napagutusan ako upang mag-attend at ipa-postpone ang hearing na iyon.  Postponement lang naman dapat iyon, pero nagkaroon ng tila ba “hearing on the merits” dahil galit na galit ang abogado ng kumpanya.

 “This case has been closed and terminated and the complainants have each received what they are due under the compromise agreement,” sabi ni Atty. ______.

My turn. 

“Yes, your honor, but the compromise settlement was voided by the fact that the former counsel for the complainants, Atty. ___ exceeded the authority given to him by entering into a grossly unconscionable settlement, for which he was not authorized under the SPA” sabi ko naman.

 Ganoon ang takbo ng balitaktakan.  Nagtataas siya ng boses dahil siguro (a) ganoon siya talaga, (b) may hypertension siya, (c) dahil sinasayang ko ang oras niya, or (d) dahil bata at hindi naman abogado ang kaharap niya.  Sa awa ng Diyos, naging mahinahon ako hanggang natapos iyon, at nanatili ang aking paggalang sa kaniya, bagamat hindi ko maiwasang manginig ng kaunti.

“And remember, tell your lawyer that it is unethical for him to represent the complainants without a withdrawal by the former counsel… ” 

Ang withdrawal of appearance na binabanggit niya ay isang pormalidad na lamang dahil kung titignan niya ang kaniyang paligid sa oras na iyon, nandoon ang humigit kumulang dalawampu sa mga taong nagsampa ng kaso at nang sila ang tanungin ay mariin nilang ipinangalandakan na wala na silang tiwala sa dati nilang abogado kaya’t lumapit sila sa aming opisina.  Maaaring pormalidad na lamang iyon, pero tama siya, dapat ngang isabmit muna iyon.

Ang ibang mga nabanggit niya na medyo below the belt na at hindi na material sa kaso ay hindi ko na rin isusulat dito.  Natigilan na lamang ang lahat matapos niyang sabihin ang mga iyon.

Tumingin ang Labor Arbitration Associate sa akin, at nakita ko sa kaniyang mga mata ang tila pagkaawa sa akin.  Kung maaari siguro ay siya na ang magtatanggol sa akin, ngunit sa tingin ko hindi rin niya alam kung ano ang sasabihin.  Nakita ko rin ang mga mukha ng mga complainant na naghihintay kung mayroon pa ba akong alas. 

“Yes, attorney, you can say that, but we have our remedies…” Yun na lang ang aking nasabi.

Hindi ko alam kung ano ang tumakbo sa kaniyang isipan sa mga sandaling iyon, ngunit ang nahalata ko lang ay natahimik siya nang bahagya.

Remedies.  Isang simpleng salita na makahulugan at nakapagpatahimik sa maingay na silid na aming kinalalagyan. 

Aaminin ko, may punto siya, ngunit mayroon kaming remedyo.  Napakaraming remedyo sa ilalim ng Rules of Court, at sa Rules ng NLRC. Iyon ang isang bagay na hindi dapat mawala sa isang abogado — ang kaniyang mga remedyo!  Sa oras na iyon, nagpasalamat ako sa Panginoon dahil sa mga remedyo na maaring sandalan! 

Hindi ko maalis sa aking isipan ang kaugnayan ng aking karanasan sa kalagayan ng tao dahil sa kaniyang kaugnayan kay Adan, kaya’t nagpapasalamat ako sa Panginoon dahil sa kaugnayan ko kay Hesu Kristo na ipinagtanggol ako sa krus.  Bagamat hindi ako karapat-dapat, namatay Siya para sa aking kasalanan at nabuhay sa ikatlong araw.  Oo, dahil sa ating kaugnayan sa unang Adan, nakatakda ang tao upang mamatay, but we have a remedy in Jesus Christ.

 http://niv.scripturetext.com/1_corinthians/15.htm 

Natapos ang hearing at nang magpipirmahan na sa constancia, magalang akong ngumiti sa kaniya.  Ginagawa lang niya ang kaniyang trabaho, naisip ko.  Pinirma ko ang aking pangalan bilang representative ng aking boss, habang pinipigilan ko ang panginginig ng aking mga kamay.  Inabot ko sa kaniya ang papel at sinabi, “Eto po, attorney.”

Pinilit niyang ngumiti.  Tangan ang bolpen, nakita ko ang kaniyang kamay na nanginginig din habang ipinipirma ang kaniyang pangalan.  Nangiti ako.  Bagamat hindi ako isang doktor, naisip kong marahil may gamot din para doon.#

Ex-Palengkera

Maganda ang bagsak ng kaniyang bestida sa kaniyang mga paang

nababalot ng mga sapatos na mamahalin, mula pa sa Italia.   

Ibang-iba na siya, at hindi ito maikakaila sa bawat hagod ng kaniyang

mga taludtod sa malamig na silid na nabudburan ng kanluraning

pampalasa na kung dito ibebenta ay mahal.  Malayo ito sa dati niyang

entabladong mainit, mabaho, maingay —- at mayroon sa bawat

isla.  Ngayon, ang bawat garalgal niyang pinapakawalan ay 

tumatalbog pabalik sa kaniyang mikropono, kung hindi

nama’y nalulunod sa masigabong palakpakan ng mga taong walang

ibang nais kundi makibalita sa mga nangyayari sa malayo.

WALA (PA RIN)

Art by Linda Naiman, from images.com

“Kanina ka pa nakatingin sa kawalan ah…”

“May hinihintay ako…”

“Sino?”

“Isang taong may mensahe…”

“Hindi na siya darating…”

“Bakit naman?”

“Wala siyang mapa tungo sa iyong kawalan — hindi ka niya matutunton…”

“Kung gayon, ako’y mag-iiwan ng tanda na makikita niya kahit siya’y nasa malayo…”

“Ano?”

“Ito.”

“Huh? ”

“Wala…kain na tayo, gutom na ako.”

Father’s Day Card

Kanina, nag-breakfast kami ni Papa. Siyempre, gaya ng dati, ako ang mago-order para sa kaniya, pero siyempre, siya pa rin ang magbabayad kasi ayaw niyang magpalibre.

Kaya bumili ako ng healthy breakfast para sa aking Erpat. Siguro wala nang healthy breakfast na matatawag sa mga fastfood, pero puwede na rin ang boneless bangus bilang panimula. Kaya lang, habang inilalapag ko ang kaniyang almusal sa aming mesa, hindi niya maiwasang ikumpara ang inorder ko para sa akin, at inorder ko para sa kaniya. Nagtanong pa nga siya kung magkano daw yung sa kaniya (siguro dahil mas kakaunti, o baka dahil gusto lamang niya ng bacon at longganisa, at hindi boneless bangus). Natawa ako. Dati ako ang gumagawa noon ah. Pero sa isip ko lang iyon. Nagpaorder pa uli kami ng sabaw at kinuha ko naman ang aming free newspapers. Tapos nagpray kami.

Maraming magagandang pangyayari ang nagaganap tuwing maaga kaming umaalis sa bahay ni Papa. Una sa lahat, wala pang trapik, at hindi pa dumudungaw ang araw. At sa kalagitnaan ng aming byahe mula Rizal patungong Q.C., biglang may babanggitin si Papa upang aming pag-usapan, hindi bilang mag-ama, ngunit bilang magkaibigan.

Yup. Noon, si Papa ay tatay ko lamang, ngunit ngayon, siya ay akin na ring kaibigan. Kasama ko siya sa problem solving.  Kasama ko siya sa troubleshooting.  Kasama ko siya sa panalangin.

Marami rin kaming mga naging tampuhan at diskusyon, pero okay lang.  Sabi nga ni Papa, kaya nga pinag-aral niya kami para matuto kaming mag-isip at ipagtanggol ang aming sarili, hehehe.  Magaling si Papa sa mga diskusyon, debater kasi since college, pero hindi naman sa lahat ng balitaktakan ay talo ako.  🙂

Tamang-tama ang maluwag na trapiko sa kahabaan ng San Mateo Road upang mapag-usapan namin ang mga hamon na kinakaharap ng aming pamilya. Siyempre, hindi mawawala diyan ang usapan tungkol sa mga tampuhan, sa pera, sa career, sa hinaharap, ngunit kahit masalimuot ang mga sitwasyon na madalas naming pagdaanan, nananaig pa rin ang pagmamahal sa Diyos at sa isa’t-isa.

“Mas gusto ko na maaga tayong lumalabas sa umaga,” sabi ni Papa, na para bang nababasa ang nasa aking isipan.

Tumango lang ako at binuklat ang diyaryo na nasa aking harapan. Habang iniinom ni papa ang kaniyang kape, nakita ko ang isang patimpalak sa pagsusulat ng sanaysay na nagbibigay pugay sa mga ama, at naalala ko na Fathers’ Day na pala sa June 20!

Tinago ko ang pahinang iyon at napaisip ako. Ano kaya ang ireregalo ko sa kaniya?

Kaninang hapon, napadaan ako sa isang bookstore at nakakita ako ng isang card na may magandang mensahe na angkop na angkop para sa Father’s Day. Naisip kong bilhin iyon. Ngunit, nabaling uli ang aking mga mata sa isa pang card, at nakita kong swak na swak din ang mensaheng nakapaloob dito, kaya’t pinulot ko uli iyon at naisipang bilhin. Hindi nagtagal, nakakita na naman ako ng isa pa, at nagkaroon ako ng problema.

“Alin?”

Ang hirap naman pumili.

Sa madaling sabi, binili ko silang tatlo.

Card No. 1:

“It’s nice to know that whenever I’m tired or sad or hurt, I could seek refuge in your arms, Father.  Only you could make me feel as comfortable, sharing your courage and strength with me, to help me battle life’s trials.  you protect me and at the same time, inspire me to be at my best.  Thanks! 

Happy Father’s Day!”

Ang isa naman ay ganito:

“May this day fill your heart with all the happiness and love you generously provided us all these years!

We Love You!

Happy Father’s Day!”

And the third one goes a little something like this:

“Sometimes, when I imagine myself growing bigger, I get scared.  It’s not because I fear the responsibilities that go with it, nor do I fear the kind of life the future holds for me.  It’s because I’m afraid of growing too big to seek comfort in your hugs, too big to stay under the protection and love of such a wonder father like you.

Happy Father’s Day”

Hayun.

Alin kaya sa tatlong iyon ang nararapat kong ibigay sa kaniya?

Sa tingin ko yung ikatlo… 🙂

Napili ko iyon dahil marami nang nagbago kay Papa.  Katulad kanina, habang tumatawid kami sa kalsada kanina, nag-go signal ang driver at walang kahirap-hirap na pinadaan kami. Napaisip ako. Oo nga pala, senior citizen na pala siya.  Humihina na rin ang tuhod niya at madali na ring mapagod.  Kung noon ay hindi ako mabubuhay kung wala ang gabay niya, ngayon, higit niya na kaming kailangan — kaming mga anak niya.  Ganoon din kay Mama.

Dalangin ko sa Panginoon na gabayan Niya pa lalo si Papa, at sana, kahit paano, makita niya na kahit madalas kaming magdebate sa mga bagay-bagay, andito lang kaming lahat para sa kanila ni Mama.  Dalangin ko rin na sana, sa pagdaan ng mga araw, makita ni Papa at Mama ang bunga ng kanilang mga sakripisyo sa aming magkakapatid.

Awit Mula sa Malayo

Sa malayo ika’y iibigin, sa malapit ika’y titiisin.
Katulad ng hanging dumadaplis,
ika’y hahagkan at saka aalis.

Sa ganitong paglilihim, ako’y pinapanatag;
sa ganitong pag-ibig ko, pag-ibig man ng duwag;
bagamat walang pugad, ako’y ibong malaya —
ako ma’y lumuluha, wala sa ‘king kukutya.

Hindi ko man mabigkas ang paghanga ko sa ‘yo,
hayaan mong sa awit, isatitik ko ito.
Ang bawat talata’y iuukit paulit-ulit sa batong
walang pinagkaiba sa iyong puso.

Ruth Mostrales
25 May 2010

May Hindi Nawawakasan Ang Araw

May hindi nawawakasan ang araw, araw-araw,
may hindi natutuldukan ang buwan, buwan-buwan;
may hindi natatapos ang taon, taon-taon —
tulad ng alaala ng mga yumao’t lumisan.

Sa paglipas ng araw, at mga kulay nito,
sa pagdaan ng buwan, at mga prutas nito;
sa pagtakbo ng taon, at mga tropeo nito —
ang nagdaan ay hindi mauungusan.

Kagaya ng ulap na palayakap sa araw,
katulad ng hamog na kaulayaw ng buwan;
kawangis ng mga guhit na isinusulat ng taon
sa balat — hindi kita malilimutan.

Bagkus napaparito ka sa aking daigdig,
habang minamasdan ko ang mga tanda sa langit;
narito ka’t iniisip nang paulit-ulit —
inuukit sa aking lupang buhay lang nang saglit.

May hindi nawawakasan ang araw, araw-araw,
may hindi natutuldukan ang buwan, buwan-buwan;
may hindi natatapos ang taon, taon-taon —
hanggat may alaala’t pag-ibig, ika’y kapisan.

ruth mostrales
may 25, 2010

Latak sa Pahina

 

 

            Latak sa Pahina 

Hinuhugot ang matalinghaga 

sa diwa,  saka pinapagulong sa 

dila ang tugma;  ipinupuslit mula 

sa dilim ang kahulugan…ngunit, 

mula sa puso bumabalong 

ang dugong nag-iiwan 

ng buhay na latak 

sa  pahinang 

tumitibok- 

tibok.