Latak sa Pahina

 
http://talshaked.com/drawings.html

 

            Latak sa Pahina 

Hinuhugot ang matalinghaga 

sa diwa,  saka pinapagulong sa 

dila ang tugma;  ipinupuslit mula 

sa dilim ang kahulugan…ngunit, 

mula sa puso bumabalong 

ang dugong nag-iiwan 

ng buhay na latak 

sa  pahinang 

tumitibok- 

tibok.

Ang Munting Sulok

Ang Munting Sulok

Ang binata’y galing sa Maynila.
Ang pag-aaral niya’y iginapang ng ama.
Dumating ang panahong kinailangan niya
Ang umuwi, dahil ang butihing ama’y lumisan na.

Naupo siya sa tarangkahan habang tinatanaw
Ang lupang tinamnan ng ama
Noong ito’y nabubuhay pa— ang sulok
Na ayaw bitiwan ng iba.

Tanong niya, “Ama, bakit ganon na lamang ang kalinga mo
Sa lupang sa iyo’y sumilang?
Itong lupang ipinagkakait pa rin ng gahaman na ayaw ibahagi
Ang kapirasong kayamanan?

Kaya’t ika’y binulid sa putik dahil masyado kang
Pangahas, isa kang tinik.
Ang abo mo’y inihasik dito sa lupa, sa lupang
Pinuspos mo ng pagsinta.”

Sa ‘di kalayua’y dumagundong ang kulog
Dahil di inaasahang may kidlat na nahulog.
Isang aparisyon ang sa kaniya’y nagpakita—-
Ang hugis at anyo ng kaniyang ama.

“Anak ko, anak ko…” ang sambit ng anino,
“…ang bumuhay sa iyo ay ang lupang ito.
Ito rin ang dumalisay sa iyong mga ninuno.
Ito rin ang huhubog sa iyo.”

“Ang iyong ina na wagas kung magmahal
Ay dito ko inirog sa panahong matagal.
Dito umusbong mga pangarap na bituin
At dito nagbunga ang pag-iibigan namin.”

“Ikaw ay isinilang, kinalinga, pinag-aral
At ang lupang ito ay siya ring nagpagal.
Kuyumin mo sa kamao ang lupang aking minahal, makinig ka,
Anak! ito ang aking dasal.”

Biglang naglaho ang palabas na iyon.
Pinilit ng binata ang maging mahinahon.
Pagbukas sa bintana nakita niya ang alon ng mga butong
Sa palayan ay nananaghoy, naibaon.

Ang binata’y nanindigan na manatili doon, at gaya ng ama,
Hindi nagpakahon.
Isang araw, naihipan siya ng hanging mahiwaga, at
Walang anu-ano’y tumula siya.

Tunghayan ang ilang linyang bumalong sa kaniyang diwa:

Sa lambingan ng damo at hangin,
Masasamyo ang taimtim na hangarin.
Sa pagninilay ng amang nagtanim,
Kumain kaming madasalin.

Isang dakot ng butil, isang sako ng pawis,
Isang kutsara ng kanin, isang kaing ng hinagpis —
Anong pag-ibig ang inalay ng amang tumangis
Kaya’t ang buhay ay kinitil ng panginoong tagapaglitis!

Ngunit, ang lupa at siya ay magkamukha’t
Iisa. Ang lupa at siya ay mag-asawa.
Ako ang bunga ng amang umasa,
Anak ng lupang nagparaya.

Bitbit ang tulang iyon, at ang anak na natutulog,
Hinawi niya ang lambong ng langit, ang puso’y lumuhod —
“Ama, bago pa man ako ariin ng alabok,
Ihandog muna sa aking anak itong munting sulok.”

Ruth Mostrales
16 May 2009

Pakpak

pakpak

May ibong nakasumpong ng punong mayabong,

iba’t ibang kulay ang kaniyang mga dahon.

At, sa mga sanga, mayroon siyang alpombra

ng lumot na malambot at nagbibigay ginhawa,

habang sa kaniya’y dumadampi ang hanging mahiwaga.

Lumipas ang mga araw at may mga bulaklak

na walang anu-ano’y nagsisipaghalakhak.

Sa kanilang kuwentuhan siya ay nakaabang,

hanggang sa isang umaga ay biglang dumaan

ang katahimikan, na tila may sanggol na natutulog,

maging ang kaluskos ng langgam ay nakabubulabog.

Ang punong mayabong, sa isang saglit

ay biglang nagsuot ng koronang matamis.

May nakasumpong sa ibong marikit

na sa kaniyang palasyo’y laging umaawit —

nakaka-akit siyang pagmasdan sa tuwi-tuwina,

at nakakahalinang pakinggan ang kaniyang mga tula.

Tila nalito ang taong sa di kalayua’y nakikinig

kung ang awit ba’y galing kaya sa ibang daigdig.

At nangyari ngang bahagya siyang nakalimot

sa mga bagay na tunay ngang nakayayamot.

Kapahingaan ang nasumpungan, bukod sa ibong

dinala niya sa bahay upang gawan ng kahon.

Dahil sa pakiwari niya’y ito’y nag-iisa,

at lubos na nangangailangan sa kanya —

inangkin nito ang ibon at hinandugan ng hawla.

Sa kaniyang bagong tahanan, nawala ang biyaya

ng kalikasan, kaya’t siya rin ay nag-iba.

Ang ibong palangiti ay kinumutan ng pighati —

at ang awit ng tuwa ay napalitan ng dalamhati.

Ang kulay na matingkad, biglang nagdilim,

kaya’t naghangad ang ibon ng makakapiling.

Samantala, dahil sa lungkot na dala ng mga awit niya,

ang tao’y nagbigay sa ibon ng makakasama —

samakatwid ay nagdala ng isa pang bihag sa hawla.

May dalawang ibon at sila’y nangungulila

sa halik at yakap ng hanging sinasariwa

ang kanilang gunita noong sila’y malaya pa —

noong mga panahon na sila ay may pakpak pa.

Ang sabi nila: “Aanhin ang pakpak,

kung hindi maiunat upang sukatin ang ulap? “

“Aanhin ang kalayawan upang mangarap

kung maging ang katotohana’y ‘di mayakap?”

Sa lilim ng kisame at ng bumbilyang buwan,

Kung hindi maiunat upang sukatin ang ulap?”

Kung pati ang katotohanan ay hindi mayakap?”

sa paraiso na kanilang kinahinatnan,

hindi nagtagal may dalawang ibon na nagka-ibigan

at may dalawang pobreng nakasumpong ng kalayaan.

Pagkat maging ang kulungan ay may pintuan din, at

maging ang kalungkutan ay may ngiting nililihim.

Sa pag-ibig ng dalawa na mapagpalaya,

nalipad nila ang kalangitan ng kanilang diwang

pinag-isa ng kahirapan at pagtitiis,

maging ang kamatayan ay wala nang bangis.

Kanilang natutunan na mamuhay nang may pagpapahalaga,

sa kung anong biyaya na dumampi sa kanila.

Bagamat sila’y gapi sa tingin ng iba,

sa piling ng bawat isa’y wala nang alinlangan pa.

Maghihintay sa panahong itinakda ng tadhana,

dumating man ito o hindi na.

T.T*

Pebrero 24, 2009 ni Ruth | Baguhin
Repost

Aalamin

http://www.thomasnast.com

Aalamin ng buwan ang lihim ng araw, ngunit hindi mula sa kanya.  Mangyari’y palagi siyang pumapanaw at likuran lamang ang handa niyang iharap at ipakita.  Iisip ng paraan ang buwan at susuyuin ang panahon, upang pansamantala’y maglakad muna ito nang paurong, at baka sakaling magtagpo ang liwanag niyang hiram at ang liwanag na ganap, at sa gayo’y magigising siyang mulat.

Aalamin ng buwan ang lihim ng araw, ngunit hindi mula sa kanya.  Mangyari’y palagi siyang pumapanaw at likuran lamang ang handa niyang iharap at ipakita.

Mantsa

Konti na lang...

Naatupag kong kiskisin nang taimtim ang mantsa ng tinta na aksidenteng natapon ng kapatid ko sa sahig ng aking espasyo sa opisina. Lumuhod ako at tangan ang tabo at cleanser, pati ang eskoba, pinagtiyagaan kong tanggalin ang pangit na markang iniwan ng itim na tinta ng printer. Kahoy ang sahig, at sa mga pagitan ng parquet nagsumiksik ang tinta. Noong Disyembre pa niya natapon ang tinta doon habang siya’y nagre-refill ng cartridge. Maingat naman si Margie, pero may mga bagay na hindi talaga inaasahang mangyari.

Hapo ang aking braso dulot ng paulit-ulit na pagi-iskrab, pero matapos ang ilang minutong parusa, may mga natira pa ring bahid na para bang nanikit na’t ayaw nang maalis. Buntong hininga.

Naalala ko tuloy ang isang pangyayari dalawang taon na ang nakakaraan. Ilang mga malapit sa amin ang nanakit sa aking pamilya sa pamamagitan ng paninira. Naging mahirap tanggapin ang kanilang ginawa sa amin, at habang kinikiskis ko ang iskoba at pilit na inaalis ang mantsa, napagtanto kong hanggang ngayon, tila ‘di pa ako nakakalimot. Bumabalik pa rin ang sakit ng kalooban na para bang sariwa pa ang mga hiwa ng mga pasakit na dulot ng kanilang galit sa amin. Ngunit, habang binubudburan ko ng sabon ang mantsa, naiisip ko ang kabutihan ng Diyos sa kabila ng lahat, at sumagi sa aking gunita ang Kaniyang sakripisyo sa krus ng Calvario upang mapatawad tayo sa ating kasalanan — sino ako upang hindi magpatawad, naisip ko nang may bahid na kahihiyan sa aking asal. Ako ba’y naglilinis ng mantsa habang ikinikubli ang sariling kahinaan? Sino ako upang magmalinis sa harapan ng Panginoon? Wala akong maipagmamalaki maliban ang kaniyang kagandahang loob…  Kung paanong namantsahan ako ng Kaniyang dugo at pinatawad sa aking mga kasalanan, gayon din dapat ako sa iba… Hmmm… 

Samantala, ilang buwan na rin ang nakararaan, naisipan ni Papa na simulan ang pagtulong sa kanila. At maging si Mama na mas lubos na nasaktan ay pumayag rin.  (Hindi pa nga pala sila humihingi ng tawad.)  Hindi ko ito naintindihan noong una!  Ang sagot ko lang ay isang katanungan: “Bakit?”  Aaminin ko, sumasagi pa rin sa isipan ko ito: “O, tignan mo, tayo rin lang naman ang kanilang tatakbuhan,” bagamat alam kong mali iyon, at hindi pa rin maalis sa imahinasyon ko na maaring magawa nila uli sa amin ang dati na nilang nagawa.

Patuloy akong nananalangin na maghilom ang mga sugat na dulot ng mga ‘di pagkakaunawaan. Sana’y magsimula sa akin upang matahimik na rin ako.

Nga pala, mas maayos nang tignan ang sahig, pero uulitin ko ang pagkukuskos kasi may natira pa.  Si Margie kasi, eh.  (*wink)

Labyrinth

Ang puso kong ito na iyong nilikha, Panginoon, ay inaalay ko sa Iyo.  Ikaw ang lubos na nakauunawa sa tibok nito.  Ang bawat pintig nito mula pa sa simula ay nakatala; ang kilometrong ugat na nakapulupot dito’y inayos Mo.  Kung paanong iniuutos Mo ang bawat hininga na sundan ang mga lagusan at tukuyin ang kinaroroonan ng mga nakatagong silid, at kung paanong ang bawat susi na nakakubli sa kaniyang kasulok-sulukan ay Iyong minarkahan, ang Iyong pag-ibig ang dahilan upang aking maintindihan ang ibig ipahiwatig ng bawat pintig.

Gaya ng isang tinig na galing sa malayo, na ang titik ay hindi ko maitala sa aking papel — ang bawat pintig ng aking puso’y matalinghaga kung mangusap!  Tila ba sa isang lumang lengguwahe ito matatas, isang lengguwahe ng lumang lahing matagal nang nagapi!  Gaya ng mga kasaysayan nitong iniukit sa  papyrus na niyurak ng katandaan, at hindi na maililimbag pang muli, ang mga pangungusap ng aking puso’y mahirap arukin, bagama’t totoong may pahiwatig. 

Bago mahuli ang lahat, at malusaw ang kaniyang mensahe, hiling ko ang iyong pamamalagi, dito, sa aking puso, upang ang tibok nito’y kausapin ako, at sa himig nito’y maki-awit ako, upang sa pintig nito’y magising ako, upang magmahal muli.

Ruth V. Mostrales

January 6, 2010

http://www.youtube.com/watch?v=aBaX1T4VxOw

Paraanin

Paraanin ang dayo,
ang dala niya’y mabigat;
bitbit niya ang habagat,
galing pa sa malayo.

At sa bawat paghakbang,
at saka sa paghinga,
pasan niyang iniinda,
ay aba! gumagaang!

Oras ay nagbabawas,
tayo’y nadaragdagan,
‘sang araw ay lilisan
nang ‘di namamalayan.

Pagdating sa bukana
ng mga katapusan,
siya’y sadyang mang-iiwan —
tayo’y mauungusan.

ruth mostrales

August 3, 2009

Protected by Copyscape DMCA Plagiarism Tool

Limbo

paano aawitin ang isang awit na wala pang titik?

Lubhang napakahirap arukin ang bagay na hindi pa natutukoy. Mahirap sukatin ang lalim ng ilog na hindi pa nalalangoy. Mahirap tapusin ang isang yugtong hindi pa nahuhudyatan. Mahirap, lubhang mahirap ang magdunung-dunungan.

ruthie mostrales
122009

Ang Nilalang sa Kawalan

ang pilosopong pusa

Sa loob ng silid ng kawalan ay

may gumagalang nilalang

na hindi nakikita o nasisipat

ng karamihan.

 

Dahil lamang sa haka-haka’y

nailagay ito sa mga mapa

ng mga tao, bagamat

inilulugar pa rin ang sarili.

 

Ang sabi ng mga malilikot ang isip:

“Gaya nating mga nilalang

na may kakayahang punan ang espasyo,

ipagpalagay natin na ang galang nilalang ay

 

ang patlang na pumapagitna sa dalawang

taludtod, ang blangkong mukha bago ang

pagpapahayag, isang malinis na papel

na minamantsahan ng kasaysayan ng tao…” 

at kung ano pang mahinuha nila.

 

Ang lahat ng nabanggit ay 

siguradong magmimintis, (dahil wala

pang dunong na nakapagsiwalat sa kawalan

at sa kinukupkop nito) —

ngunit ‘di nila alintana ang kahibangan.

Inihalintulad nila ang kawalan bilang inahin

na nagpapainit ng mga puting itlog, at

ang nilalang bilang sisiw na sa pagdaan ng

araw ay magiging manok na maari nilang

pakainin, katayin, kainin.

 

Walang nakakaalam

sa katangian nito maliban sa kawalan,

kaya’t gagawan nila ito ng pagkakakilanlan

sa tuwing iisipin siya, at ang anino niya’y

bahagya nilang makikita.

 

Ruthie Mostrales, 02 December 2009

Pangako ng Diyos ang aking lakas

“Nasa tama kayang hugis ang pananampalataya ko sa Panginoon?” tanong ko ito sa aking sarili.  Marahil sa tingin ng iba, ayos naman ako.  Pero hindi mas mahalaga ang sinasabi o sasabihin ng iba. Nakatingin ang Panginoon sa kasulok-sulukan ng puso ng tao.  Wala tayong maitatago sa Kaniya.

Hiling ko sa Panginoon na maging matiyaga sa akin, sapagkat nitong mga nakaraang araw, isang matinding pagsubok ang dumating upang ako ay guluhin.  Pangako ng Diyos ang pinanghahawakan ko ngayon — saan pa nga ba ako dudulog kundi sa Kanya?

Dumadaan ang mga araw, dumarami ang mga hamon sa aking buhay… sana makayanan ko.

So help me God.  🙂 

 

Huwag

Huwag pakakainin ang haliparot na ibong

nasa likod ng kaniyang hawla,

huwag bibigyan ng susi ang bilanggong

kusang nagpakulong;

higit sa lahat, huwag tatanggap ng bulaklak

(gaano man kahalimuyak) mula sa sepulturerong

namitas lamang sa ibabaw ng

kung kaninong kabaong.

Huwag bubusugin ang ibong nasa pugad na ng iba

at sa kaniya’y huwag pakakandong —

maliban na lamang kung ang kulunga’y

tahanan mong pipiliin, at sa matagalang dusa

ikaw ay matiisin.

Ruth V. Mostrales

November 24, 2009

Ang Daang Pauwi

Ang Daang Pauwi

Ang daang pauwi ay tatahakin ng lahat, kahit makailang beses mang ito’y talikdan. Dito matutunton ang mga lumang yapak; dito madirinig ang mga pamilyar na halakhak. At sa daang pauwi, maraming makakasalubong: mga batang sumusulong, at mga matandang umuurong. Ang lahat daw ng tao ay may pinanggalingan, at gaya ng mga ibon, tayo’y may pinugarang kahit walang hagdanan ay aakyatin, kahit walang pintuan ay papasukin, kahit walang dingding ay doon mananahan —ang daang pauwi, iyon ang hangganan.

ruth mostrales, november 19, 2009

CCP launches 35th issue of Ani publication

ani%2035_cover[1]

CCP launches 35th issue of Ani publication 11 November 2009, Pasay City – The Cultural Center of the Philippines (CCP) Literary Arts Division will launch Ani 35, The Pinoy as Asian issue, on November 26, 2009, 6:00 p.m., at the CCP Ramp with some of the featured authors reading from their works. “Ani 35 is devoted to writings by Filipinos on their interaction with other Asian peoples and cultures. This may be interpreted as a response to the call of Dr. Bienvenido Lumbera, National Artist, on the need to reconnect with Southeast Asian literary tradition if we are to survive in this age of globalization,” Herminio S. Beltran, Jr., Literary Arts Division chief and editor of the publication, wrote in the Introduction. “We hope this will inspire the birthing of mechanisms and eventually practices in the Philippine literary/publishing world that will start off a more dynamic interaction among Filipino writers and their counterparts in the Asian continent,” Beltran continued. Ani 35 features 54 authors who contributed for three sections: poetry; prose (essay and fiction) based on the The Pinoy as Asian theme and; Malayang Haraya for poetry and prose contributions outside the theme. The 54 authors included in Ani 35 are Mark Angeles, Lilia F. Antonio, G. Mae Aquino, Genevieve L. Asenjo, Abdon M. Balde, Jr., Janet Tauro Batuigas, Gil Beltran, Herminio S. Beltran, Jr., Kristoffer Berse, Jaime Jesus Borlagdan, Raymond Calbay, Catherine Candano, Nonon V. Carandang, Christoffer Mitch Cerda, Joey Stephanie Chua, Kristian S. Cordero, Genaro R. Gojo Cruz, Carlomar Arcangel Daoana, Arvin Tiong Ello, Dennis Espada, Rogerick Fontanilla Fernandez, Reparado Galos III, Dr. Luis Gatmaitan, Joscephine Gomez, Malou Jacob, Ferdinand Pisigan Jarin, Karla Javier, Phillip Kimpo, Jr., Ed Nelson R. Labao, Gexter Ocampo Lacambra, Erwin C. Lareza, Jeffrey A. Lubang, Glenn Sevilla Mas, Perry C. Mangilaya, Noahlyn Maranan, Francisco Arias Monteseña, Ruth V. Mostrales, Victor Emmanuel Nadera, Jose Velando Ogatis-I, Wilhelmina S. Orozco, H. Francisco V. Peñones, Jr., Scott Magkachi Sabóy, Judith Balares Salamat, Edgar Calabia Samar, Louie Jon A. Sanchez, Soliman Agulto Santos, Dinah Roma-Sianturi, Rakki E. Sison-Buban, Jason Tabinas, Vincent Lester G. Tan, Dolores R. Taylan, Rosario Torres-Yu, Betty Uy-Regala, and Camilo M. Villanueva, Jr. For issues of Ani, please contact the CCP Marketing Department at 551-7930 or 832-11-25 locals 1800 to 1808. For authors who want to contribute for the next issue of Ani, please contact the CCP Literary Arts Division at 832-11-25 locals 1706 and 1707, or email aniyearbook@yahoo.com.