Ang Magnanakaw ng Sandali

Ang magnanakaw ng sandali ay nariyan na naman, upang umukit ng mga linyang papasulong sa sukatan ng sangkatauhan. Sa pisngi at mukha naman ay tumutuldok siya ng mga nunal — sa mga lupang may hininga na hindi rin magtatagal. Gumuguhit siya sa palad at kaloob-looban, at ang parusa niya’y dama sa mga tuhod at kasukasuhan. Ang hagupit niya’y pagkahapo maging sa binti ng alupihan, kaya’t walang makakatakas sa magnanakaw na iyan! Kahit nga ang mga sanga na bitbit ang mga luntian ay luluhod din sa aba nilang pagpasan. Ang ibong pala-awit ay mamamaos din at pagdaka’y bubulong na lamang ng panghuling panalangin.

Ang magnanakaw ng sandali ay isang kaibigan, sapagkat sa pagdating, pag-alis niya’y ang lahat ay nakaabang, nakatingin. Dahil sa siya’y walang tinatangi, at ang lahat ay binabati — siya ay pagbuksan at sa kaniya’y magpitagan, muli.

Ruth Mostrales
March 29, 2010
June 15, 2009

Ang Munting Sulok

Ang Munting Sulok

Ang binata’y galing sa Maynila.
Ang pag-aaral niya’y iginapang ng ama.
Dumating ang panahong kinailangan niya
Ang umuwi, dahil ang butihing ama’y lumisan na.

Naupo siya sa tarangkahan habang tinatanaw
Ang lupang tinamnan ng ama
Noong ito’y nabubuhay pa— ang sulok
Na ayaw bitiwan ng iba.

Tanong niya, “Ama, bakit ganon na lamang ang kalinga mo
Sa lupang sa iyo’y sumilang?
Itong lupang ipinagkakait pa rin ng gahaman na ayaw ibahagi
Ang kapirasong kayamanan?

Kaya’t ika’y binulid sa putik dahil masyado kang
Pangahas, isa kang tinik.
Ang abo mo’y inihasik dito sa lupa, sa lupang
Pinuspos mo ng pagsinta.”

Sa ‘di kalayua’y dumagundong ang kulog
Dahil di inaasahang may kidlat na nahulog.
Isang aparisyon ang sa kaniya’y nagpakita—-
Ang hugis at anyo ng kaniyang ama.

“Anak ko, anak ko…” ang sambit ng anino,
“…ang bumuhay sa iyo ay ang lupang ito.
Ito rin ang dumalisay sa iyong mga ninuno.
Ito rin ang huhubog sa iyo.”

“Ang iyong ina na wagas kung magmahal
Ay dito ko inirog sa panahong matagal.
Dito umusbong mga pangarap na bituin
At dito nagbunga ang pag-iibigan namin.”

“Ikaw ay isinilang, kinalinga, pinag-aral
At ang lupang ito ay siya ring nagpagal.
Kuyumin mo sa kamao ang lupang aking minahal, makinig ka,
Anak! ito ang aking dasal.”

Biglang naglaho ang palabas na iyon.
Pinilit ng binata ang maging mahinahon.
Pagbukas sa bintana nakita niya ang alon ng mga butong
Sa palayan ay nananaghoy, naibaon.

Ang binata’y nanindigan na manatili doon, at gaya ng ama,
Hindi nagpakahon.
Isang araw, naihipan siya ng hanging mahiwaga, at
Walang anu-ano’y tumula siya.

Tunghayan ang ilang linyang bumalong sa kaniyang diwa:

Sa lambingan ng damo at hangin,
Masasamyo ang taimtim na hangarin.
Sa pagninilay ng amang nagtanim,
Kumain kaming madasalin.

Isang dakot ng butil, isang sako ng pawis,
Isang kutsara ng kanin, isang kaing ng hinagpis —
Anong pag-ibig ang inalay ng amang tumangis
Kaya’t ang buhay ay kinitil ng panginoong tagapaglitis!

Ngunit, ang lupa at siya ay magkamukha’t
Iisa. Ang lupa at siya ay mag-asawa.
Ako ang bunga ng amang umasa,
Anak ng lupang nagparaya.

Bitbit ang tulang iyon, at ang anak na natutulog,
Hinawi niya ang lambong ng langit, ang puso’y lumuhod —
“Ama, bago pa man ako ariin ng alabok,
Ihandog muna sa aking anak itong munting sulok.”

Ruth Mostrales
16 May 2009

Tunay na Pagtalima

Tunay na Pagtalima

Isa akong manlalakbay.

Hayaan Mo, Panginoon

Na aking marating ang paroroonan

Sa tulong mo’t gabay…. RVM

 

Ano nga ba ang mas malalim na kahulugan ng pagtalima sa Panginoon? Deep. Deep nga. Kasi nga naman, mahirap na ngang intindihin yung kahulugan ng malalim, nilagyan pa ng –mas-. Kung susuriin, kung may malalim na kahulugan ang pagtalima, may mababaw rin, at ang huli bagamat naturingan, ay hindi totoong pagtalima. Ang sabi: “Kung mahal mo ako, sumunod ka sa mga alituntunin ko.” Gustuhin man natin o hindi, masukal ang ibig ipahiwatig ng Panginoon sa kaniyang tinuran. Kung tatanungin natin ang sarili, “totoo bang sumusunod ako sa Panginoon?”— para na rin nating inaalam kung wagas ba ang pag-ibig natin sa Kanya, dahil walang tunay na umiibig na hindi sumusunod, yaong nakapokus lamang sa kaniyang mga kagustuhan at naisin. “Kung mahal mo ako, makakaramdam ka ng umaatikabong heartbeat at palpitations tapos hindi mo mamamalayan na sumisigaw ka na ang Halleluiah at pajump-jump pa.” – Hindi po iyon ang sinabi ng Bibliya. Maaring manipestasyon lamang iyon, pero hindi doon natatapos ang lahat, at wala rin akong intensyong uyamin ang paraan ng pagsamba ng iba nating kapatid. Ang pag-ibig ay may kaakibat na pagpapasya, iyon ang gusto kong tumbukin. Hindi ito nananatili sa antas lamang ng pandama, dahil kadalasan, sa nararamdaman natin tayo pumapalpak. Sa madali’t sabi, kung mahal natin ang Panginoon, kailangang piliin natin Siya. Bagamat usong-uso ang terminong “fall in love” – yung kailangan may “blag” at dahil sa pagkauntog lovestruck ka na sa isang tao — sa ating Panginoon, hindi ganoon. Kung ganoon, e di lagi na rin gagamitin “nag fall out of love na kasi ako eh” upang tapusin ang isang ugnayan. Kahit sa pagmamahal sa ating kapwa ay Kailangan ng matinding pagpapasya — ang wagas na pag-ibig sa ating kapwa ay pinipili din. Kailangang may kaakibat na pagpapasya habang tayo’y gising at alert ang ating mga mental faculties. Si Hesus nga pinili Niyang umibig sa atin, ginusto niya iyon, bagamat alam Niyang kamatayan ang kapalit. Ganoon tayo kahalaga, sukdulan mang itakwil Niya ang kaniyang sarili upang ang plano ng kaniyang minamahal na ama ay maisakatuparan. Mahal Niya ang Kaniyang Ama at Siya ay tumalima. Tayo, mahal nga ba natin ang Diyos? Kung nakabase lamang sa ating nararamdaman ang pag-ibig natin, madali itong pumusyaw. Sa buhay ng isang mananampalataya, may mga panahong hindi maiiwasan na para bang boring, na para bang hindi natin ma-feel ang presence niya, kumbaga, iyon bang mga panahong mapapatanong tayo ng, “Lord, anjan ka ba’t nakikinig sa mga panalangin ko?” Kahit nga sa buhay ni Job, dumating ang ganoon, yung kawalan ng excitement. Imagine, sa loob ng 37 chapters habang siya ay kinukutya, tinutuya at napapaligiran ng mga langaw na nagpipiyesta sa naaagnas niyang balat, hindi umimik ang Panginoon. Nagparamdam na lang siya pagdating ng Chapter 38. May mga panahong para bang malayo siya. Kung emosyon lang ang nagpapagana sa ating pananampalataya, malolobatt tayo. Pero salamat pa rin sa Panginoon dahil binigyan Niya tayo ng kakayahang magpasya, na panghawakan ang pangakong nabitawan na natin, na: “Susunod ako, Panginoon, ano man ang mangyari!” – boring man o exciting, masaya man o may dusa! Tanong ni Hesus kay Pedro, “Mahal mo ba ako?” Tatlong beses. Medyo nakulitan nga si Pedro dahil sa pangatlong beses, mababanaag ang pagdaramdam sa kaniyang tugon. Ikaw ba naman ang tanungin ng tatlong beses at paulit-ulit. Pero kung titignan natin, mabuti talaga ang Panginoong Hesus. Bakit? Kasi kung ordinaryong tao lang Siya, siguro panunumbat na at paniningil ang inabot ni Pedro noon — si Pedro na tatlong beses itinakwil ang kaniyang Guro. Pero ang tanong ay patungkol sa pag-ibig. Bakit? Dahil ang pag-ibig ang susi sa pagtalima, sa pagsunod sa yapak ni Kristo. Alam ni Hesus na katakot-takot na hirap ang dadanasin ni Pedro sa mga susunod na pagkakataon matapos ang usapang iyon, kaya’t bagamat alam ng Panginoon ang sagot, ang interogasyon niya ay para na rin sa ikasesemento ng desisyon ni Pedro, upang gumawa si Pedro ng pasya na talagang panghahawakan niya, hindi lamang dahil may spiritual euphoria siya noon dulot ng pagkakita uli sa kaniyang Guro, ngunit dahil pinili niya buhat noon na sumunod sa Panginoon ipako man siya sa krus nang patiwarik, gaya nga ng kinahinatnan niya. Ang pagtalima sa Panginoon ay dahilan upang tayo’y makaranas ng mga pagsubok sa buhay, dito sa mundong ibabaw. Hindi mamahalin ng kadiliman ang liwanag. Mahirap magpatuloy bilang anak ng Panginoon. Nariyan ang ile-label ka na corny at cheesy at panatiko, bobo, linear mag-isip, makitid ang utak — dahil na rin sa pinanghahawakan mo ang kaniyang Salita, at hindi maiiwasang may mga taong hindi ka maiintindihan. Kasama lahat yan sa ating buhay, at kasama rin sila sa ating dapat mahalin, kaya kailangang masigurado ng Panginoon kung kumusta na ang ating pag-ibig sa Kanya. Sa panahon ng hirap, kumusta ang ating pag-ibig? Susunod ako pero… ay nagpapakita ng kontradiksyon. Maraming beses ko na ring sinabi ang bagay na iyan, ngunit hindi pala dapat ganun. Ang “pero” ay lumilitaw dahil na rin sa labis na pagmamahal sa sarili, kaysa sa Diyos. Yung ang mababaw na khulugan, at ang mas malalim ay ito — ang pagtatakwil sa sarili, pagpasan sa iyong krus, at pagsunod sa yapak niya.

Dahon ng Talisay

Napadaan ako minsan sa ilalim ng punong talisay na pagmamay-ari ng kapitbahay.  Araw-araw nitong winawalis ang mga pasaway na dahon.  Ang matandang mamang lagi kong binabati, siyang walang kapagurang magwalis sa mga kalat na dahon ay hindi lumiliban sa kaniyang nakasanayan.  Isang araw, sa aking pagdaan, walang mamang nagwawalis, at ang mga dahon ay malayang nagliliparan kung saan man dalhin ng hangin.  Punong-puno ng mga dahon ng talisay ang kalye at mistulang ilang araw na ring walang umatupag na linisan yaon.  Nalaman ko sa aking pinsan na patay na raw ang matanda, at naitanong ko sa sarili — ang bawat saglit ba’y parang dahon?  Pagtingin ko sa puno ng talisay ilang araw ang nakaraan, nakalbo na ito.

 

Dahon ng Talisay 

by Ruth Mostrales

 

Sa ilalim ng punong talisay

Na lubhang sa dahon ay

Mapagbigay… ako ay sisilong, at

Magbubulay-bulay:

Ang bawat saglit ba ay parang dahon?

Ang bawat pagkahulog ba’y parang

Pagbangon? Isang dahon ng alaala ang

Tumisod sa aking paa, isang

Paghihikayat, marahil, upang tumigil bahagya

Bago lumusong. Umihip ang hanging bitbit

Ang hamog na sa puso niya’y

Nakapiit. Dalawang dahon ang

Nagparamdam, magkabilang balikat ko’y

Dinaganan, at ang pasanin ay naisipan kong

Iwaglit. Ako’y patuloy na nagwalis upang ang

Kalat ay kagyat na maalis.

Tatlong dahon ang nagpanumbalik

Sa tatlong salitang tinuran, at isinahimig

Noon ng isang makata, ngunit ‘di nagtagal—

Nasala ang ganda,

Nawala ang pantasya.

Gaya rin ng musikang likha

Ni Celerio, noon, kasabwat ang dahon

Bago siya higupin ng palalong panahon —

Ang mga patay na pahina

Sa aking paanan ay

Sinalansan upang bigyang

Kawakasan silang mga katapusan na ‘di na

Mahuhudyatan: Silang sinulatan ng mga

Pangarap na nagupo, mga pahinang

Tinitikan ng mga ususero,

Mga dahong nahulog, natuyo’t

Mabubulok — Tutupukin na ngayon,

Pamatay sa lamok…

Upang yakapin ang

Alabok at

Tuldok.

 

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.

koro ng buhay

ang ibong layas ay walang tahanan

sa lahat ng dako’y may kaibigan

umulan umaraw ay may pahingaan

tinadhanang hindi kailanman magaalinlangan

 

saan kaya bumili ng magandang kasuotan

silang mga lirio sa may kaparangan?

palibhasay sandali lang kung magparamdam

ang kanilang kariktan ay inaasam-asam

 

ang langit ay umiiyak dahil si araw ay nagkubli

ang ilog nagagalak naman sa kanyang pagdadalamhati

ang pagbabalik ng apoy ay panimulang muli

lito ang ‘di nag-aabang sa bawat sandali.

 

ang mga tao’y mapalad kung sila’y kapiling

kahit makailang beses ang tuhod lapnusin

ng lupang gumagalaw habang naghahabulan,

pati gutom ay lunas sa pobreng naglilibang

 

huwag lilimutin ang kwento ng kamusmusan

na nagparikit sa iyong mga napanaginipan

wag buburahin ang pilat ng kabataan

dahil di na tayo babalik doon kailanpaman

 

tayo nang lumipad habang may patutunguhan pa

tayo nang umusbong sa lupang dalisay pa

tayo nang umibig habang ito’y dakila pa

tayo nang mabuhay habang humihinga.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.

Ruth Mostrales, Pebrero 2009

overpass

Ang pagtawid daw sa baba ay bawal

Ngunit ayokong umakyat

Gusto kong makarating sa bahay nang kagyat

May mabilis, may mabagal sa aking paningin

Ngunit lahat sila’y bakal

Nakakatakot salingin!

 

Kung ako’y aakyat, mas matagal

Isa pa ako’y mahina sa pagpapagal

Kung sa baba mabilis

Ngunit hindi maiaalis

Ang pangambang ako na lang ay biglang mawalis

 

Kung saan dadalhin ng delubyo, ewan

Maliban sa panalangin, ang lahat ay iniwan

Sa kabilang kanto alam kong may nag-aabang

Darating ako dun, ang tanong lang ay kelan

 

Naisipan kong aliwin ang aking kabaliwan

Hinakbang ko ang kumunoy ng kawalan

Naisipan kong languyin ang katotohanan

At dahan-dahang umahon sa kasalukuyan.

<a rel=”license” href=”http://creativecommons.org/licenses/by-nc-nd/3.0/”><img alt=”Creative Commons License” style=”border-width:0″ src=”http://i.creativecommons.org/l/by-nc-nd/3.0/88×31.png” /></a><br />This work is licensed under a <a rel=”license” href=”http://creativecommons.org/licenses/by-nc-nd/3.0/”>Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License</a>.

Ruth Mostrales, January 2009