Puso ng Dagat

Napakaraming alon sa dagat. Hindi mabilang. Ngunit kung iyong pagmamasdan, lahat sila ay iisa — iisang tubig na hinuhulma ng hangin at ng naunang indayog na hindi pa natatapos hanggang sa ngayon.

Nakakatakot. May mga pangil itong sumisipsip sa dugo ng mga pangahas. Nakakatakot siya sapagkat hindi ito kailanman nasisindak ng bagyo, buhawi o ng matinding hagupit ng apoy. Nilulunod niya ang mga batang suwail, at sinisilo ang mga nagtatapang-tapangan.

Sa laot, maraming isda ang nakahanap ng tahanan, nagtatago sila sa bawat pileges ng tubig, malayang lumalangoy sa bilangguan na asul. Masaya silang nakikipaglaro sa mga pangarap na hindi nakamtan ng mga sawi at duwag.

Sa dagat na malimit tagpuan ng nakaraan at kasalukuyan, ang paglalaro ng hinaharap sa entabladong malikot ay nagdudulot ng sindak kaninuman. Bakit asiwa ang tao sa dagat? Marahil dahil ito’y marunong, at marami itong naiipong lihim mula sa mga bukal sa kabundukang sapilitang hinahatak ng kung anong pang-akit na mapanibugho.

Hindi alam ng dagat na siya’y nakakatakot, kaya’t higit siyang dapat katakutan, sabi nila.
Maraming nagmamasid sa malayo, at tinatanong ang sarili kung saan ang puso nito. Marahil narito ang kaniyang kahinaan.

Hunyo 7, 2010
3:45 PM

koro ng buhay

ang ibong layas ay walang tahanan

sa lahat ng dako’y may kaibigan

umulan umaraw ay may pahingaan

tinadhanang hindi kailanman magaalinlangan

 

saan kaya bumili ng magandang kasuotan

silang mga lirio sa may kaparangan?

palibhasay sandali lang kung magparamdam

ang kanilang kariktan ay inaasam-asam

 

ang langit ay umiiyak dahil si araw ay nagkubli

ang ilog nagagalak naman sa kanyang pagdadalamhati

ang pagbabalik ng apoy ay panimulang muli

lito ang ‘di nag-aabang sa bawat sandali.

 

ang mga tao’y mapalad kung sila’y kapiling

kahit makailang beses ang tuhod lapnusin

ng lupang gumagalaw habang naghahabulan,

pati gutom ay lunas sa pobreng naglilibang

 

huwag lilimutin ang kwento ng kamusmusan

na nagparikit sa iyong mga napanaginipan

wag buburahin ang pilat ng kabataan

dahil di na tayo babalik doon kailanpaman

 

tayo nang lumipad habang may patutunguhan pa

tayo nang umusbong sa lupang dalisay pa

tayo nang umibig habang ito’y dakila pa

tayo nang mabuhay habang humihinga.

Creative Commons License
This work is licensed under a Creative Commons Attribution-Noncommercial-No Derivative Works 3.0 Unported License.

Ruth Mostrales, Pebrero 2009