Sa Bawat Ambon, May Pagpapala

Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana;
Iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal;
Iyong mga pinalalambot ng ambon;
Iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon. Psalm 65:10

water rain raindrops drops of water
Photo by Tookapic on Pexels.com

Sa pagdating at pag-alis ng bawat yugto ng ating buhay, at sa pagbabalik tanaw sa pagdaan ng mga panahon, mas naiintindihan natin ang pakay ng ambon — at ito ang pagpapala ng bunga.

Isang pagpapala sa atin na makita ang pag-anod ng mga pinaniwalaang matagal ding kinupkop natin at pinanindigan. Ang pundasyon pala nila’y buhangin. Iyong mga bago, ayon sa patuloy na pagtuturo ng Diyos mula sa Kaniyang Salita, ang pumalit sa kanila.

Unti-unti, ang matigas na lupa ng ating puso ay sumuko sa walang tigil na ambon. Hindi bagyo, kundi ambon — hindi sigaw, kundi bulong. Hanggang sa ngayon, patuloy ito sa pagbasag sa lupang matigas. Marahil sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang pagsasaka, pagdaka’y ang paghahasik, pagkatapos ang pagusbong, at sa huli, ang pag-ani.

Minsan, kailangang magtakda ng bagong layunin at gumawa ng mga bagong hakbang. Maging ang lakas mong ginugugol sa mga bagay na walang kabuluhan ay bigla mo na lamang ilalaan sa mga adhikaing walang hanggan. Minsan, kailangan nating pumili ng kakaibiganin, at kailangang lisanin ang dating matalik sa puso. Sa bawat pag-alis, may kaakibat itong sakit. Kung hindi tayo magiging marahas sa sa pagbubungkal ng lupa,  hindi ito maihahanda sa pagtatanim.

At sa bawat paglisan, pagsisimula at pamamaalam, isang pagbabali ang kailangang mangyari para sa ikabubuti. Hindi kailanman ito madali, ngunit alam ng Diyos na wala kang pakay na manakit sa iba — gusto mo lang mabuhay para sa Kaniya. Sa palagay ko, kung aalis tayo sa daraanan Niya at hahayaan natin Siyang manguna ay magiging matiwasay ang ating paglalakbay, at magkakaroon ng bunga ang mga hinahangad.

Patuloy lang, at sa bawat hakbang, ang Diyos ang sundan, huwag ang tao, sapagkat ang tao’y nawawala rin. At hindi natin alintana ang bilis — “na ang paguunahan ay hindi sa mga matulin, ni ang pagbabaka man ay sa mga malakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong naguunawa, ni ang kaloob man ay sa taong matalino;” — Diyos lamang ang panghawakan. Sa huli, tayo’y tatayo sa Kaniyang harapan at magsusulit. Para kanino ka nabuhay sa lupang ibabaw? Pinasan mo ba ang krus nang buong tapang o sumuko ka nang makaranas ng hirap at pangungutya?

close up photography of bible

At dahil sa mga ambon ng nakaraan, mayabong ang mga puno sa kasalukuyan. At dahil sa mga ulan ngayon, may sinisilip tayong ani sa kinabukasan. At ang mga bunga ay darating, dito, at sa langit, para sa iyo at sa akin, kung itataas lamang natin ang ating mga paningin kay Kristong nagtagumpay na. Pero diyan ka lang, manatiling nakatingala upang makita natin Siya sa pagganap Niya sa mga pangakong binitawan Niya sa bawat isa sa atin.

Ang grasya Niya ang pinto sa mga tag-sibol ng iyong buhay.

 

Pitong Liham

I.
May natanggap na liham,
Galing sa kalangitan,
Ang Ministro ng Agham,
Patungkol sa Maykapal.

II.
Kung ika’y tatalima’t
Kay Hesus ay sasama —
Pasan ang krus, iwanan
Ang sarili sa daan.

III.
Kung ika’y may’rong hapis,
Huwag magdamdam nang labis;
Dalhin ang iyong hinagpis,
Kay Hesus na nagtiis.

IV.
Batid ko ang hangganan,
Nitong aking daanan.
Ako ay nagdarasal —
Langit ang inuusal.

V.
Sa aking paglalakbay,
Siya ang aking kaakbay.
Ang daa’y madilim man,
Wala itong anuman.

VI.
Bigyan mo ng kandili,
Siyang hindi mapakali,
Sa kaniyang pagtunggali,
Sa hamong ‘di madali.

VII.
Ikaw ay dakilang Diyos,
Pag-ibig mo ay lubos,
Sa biyaya’y pinuspos —
Salamat, Manunubos.

Ruth Mostrales
June 15, 2009

Labyrinth

Ang puso kong ito na iyong nilikha, Panginoon, ay inaalay ko sa Iyo.  Ikaw ang lubos na nakauunawa sa tibok nito.  Ang bawat pintig nito mula pa sa simula ay nakatala; ang kilometrong ugat na nakapulupot dito’y inayos Mo.  Kung paanong iniuutos Mo ang bawat hininga na sundan ang mga lagusan at tukuyin ang kinaroroonan ng mga nakatagong silid, at kung paanong ang bawat susi na nakakubli sa kaniyang kasulok-sulukan ay Iyong minarkahan, ang Iyong pag-ibig ang dahilan upang aking maintindihan ang ibig ipahiwatig ng bawat pintig.

Gaya ng isang tinig na galing sa malayo, na ang titik ay hindi ko maitala sa aking papel — ang bawat pintig ng aking puso’y matalinghaga kung mangusap!  Tila ba sa isang lumang lengguwahe ito matatas, isang lengguwahe ng lumang lahing matagal nang nagapi!  Gaya ng mga kasaysayan nitong iniukit sa  papyrus na niyurak ng katandaan, at hindi na maililimbag pang muli, ang mga pangungusap ng aking puso’y mahirap arukin, bagama’t totoong may pahiwatig. 

Bago mahuli ang lahat, at malusaw ang kaniyang mensahe, hiling ko ang iyong pamamalagi, dito, sa aking puso, upang ang tibok nito’y kausapin ako, at sa himig nito’y maki-awit ako, upang sa pintig nito’y magising ako, upang magmahal muli.

Ruth V. Mostrales

January 6, 2010

http://www.youtube.com/watch?v=aBaX1T4VxOw

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Namatay ako sa kakahimlay,
pagka’t ang mga mata’y binalot ng tamlay.
Gabi nang mangako silang bituin,
wala nang dilim sa kanilang pagdating.

Sa oras na haliparot, ako’y nag-abang, ngunit
‘Di man lang siya nagsabi nang siya ay tumanang
dala ang tuwang aking pinanghawakan, at
bitbit ang pag-asang pinakaaasam.

Namatay ako ‘sang muli, kaagad,
sa paghihintay at alibadbad.
Diyos ko, mabubuhay pa kaya sa wakas at
gigising pa kaya pagkabukas?

Sabi nila’y ang kulisap na may gintong pakpak
ay hahalik lang sa tinatanging bulaklak.
Sabi nila’y bitawa’t buhayin ang bigong butil at saka
Ibulid sa tabi ng pilapil!

Maging ang bukas daw ay naghihintay rin
Sa tiklop ni dilim na umiiling.
Sino raw ako upang hamakin ang
karunungan ng oras at bituin?

Sabi ng lupa: ang bawat bagay ay hahandusay,
upang umusbong ang bukas at buhay.
Sabi ng puno: ang pagkalustay ng lupang katawan,
ang hudyat ng bagong kaarawan!

Kaya’t magmamatyag akong muli, palagi,
sa Kaniyang pangako at kandili,
Ako’y sisigaw, tatawa at iiyak at
baka sakaling madiligan ang aking pitak.

Ruth Mostrales
11 May 2009