Ang Pagtatagpo

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

gagawa sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang ugnayan. 

Hahamakin nilang tapusin ang isa’t isa,

upang simulan ang pinagsanib nilang puwersa,

hindi bilang dalawa, ngunit,  isa —

na, upang tuwing umuula’y tila may araw pa rin,

at sa tag-init, mayroong tubig na iinumin

ang mga bulaklak sa hardin…

Iyan ang kanilang mithiing ipinaglalaban

sa langit, na sa matagal nang panahon ay nakapikit —

ngunit gising.

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

hihiling sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang kahibangan.

(c) Ruth V. Mostrales 

May 2010

ang tulang panagot ni Marco Liwanag

Gumawa si G. Marco Liwanag ng isang mahusay na tulang panagot sa aking tulang “Sa May Dambana”.  Mababasa niyo ang kaniyang tula sa http://alikmata.blogspot.com.

larawan mula sa http://www.igougo.com

Tulang Panagot ni Marco Liwanag

Sa giyagis na damdami’t hilahod na tadhana
‘sang laksang halimaw sa labas ang naglipana
ngingiti na lang sana kung bakit di makuha
ang ligaya at laya inaagaw pang lubha.

at dito sa apat na sulok nitong silid
lalakad lakad ng pabalik balik
paunting tatayo’t maya’y uupo din
mag-iisip ng marami’t susulat ng unti.

sa ganitong kalagayang pinapait ng luha
aba akong nilikha sa latag ng lupa
subali’t dito nga ay aking pakikita
sa lungkot mabubuo ligayang sagana

Sisidlan ng Ngiti Mong Mahiwaga

 

Bigyan mo ako ng angkop na sisidlan

Ng iyong ngiting hinihigitan

Ang buwan sa rikit sa gabing madilim —

Sa ilalim ng langit, sa iyong piling.

 

Nais kong himay-himayin, intindihin

Ang bawat hibla ng aking damdamin,

At dahil sa iyo, akin ring magagapi

Ang katapangan kong mapagkunwari.

 

Pagkat, walang tutunguhin kung tatalikdan ka,

At natunaw na rin ang hangaring magkubli sa madla;

Kung mamarapatin mong ipahiram sandali

Ang iyong ngiti, isusuot ko sa aking labi.

 

Kung ika’y aalis matapos kong isiwalat

Ang pag-ibig kong hindi kailanman masusukat…

Isabit mo na lamang sa kisame ng kalangitan

Ang iyong ngiti, huwag mong tatakpan!

 

Pagkat buhay ang kapalit kapag ito’y nawala

Sa aking paningin, sa aking diwa; at

Kung ihahandog mo rin lang sa iba —

Maari bang hintayin munang ako’y mawala?

 

Kunsabagay ang langit ay sapat nang lalagyan

Ng pag-ibig kong lagi kang babantayan,

At sa pisngi ng mga ulap, isabit mo siya —

Ang ngiti mong mahiwaga.

   

 

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape