Sa Bawat Ambon, May Pagpapala

Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana;
Iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal;
Iyong mga pinalalambot ng ambon;
Iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon. Psalm 65:10

water rain raindrops drops of water
Photo by Tookapic on Pexels.com

Sa pagdating at pag-alis ng bawat yugto ng ating buhay, at sa pagbabalik tanaw sa pagdaan ng mga panahon, mas naiintindihan natin ang pakay ng ambon — at ito ang pagpapala ng bunga.

Isang pagpapala sa atin na makita ang pag-anod ng mga pinaniwalaang matagal ding kinupkop natin at pinanindigan. Ang pundasyon pala nila’y buhangin. Iyong mga bago, ayon sa patuloy na pagtuturo ng Diyos mula sa Kaniyang Salita, ang pumalit sa kanila.

Unti-unti, ang matigas na lupa ng ating puso ay sumuko sa walang tigil na ambon. Hindi bagyo, kundi ambon — hindi sigaw, kundi bulong. Hanggang sa ngayon, patuloy ito sa pagbasag sa lupang matigas. Marahil sa ganitong paraan lamang maisasakatuparan ang pagsasaka, pagdaka’y ang paghahasik, pagkatapos ang pagusbong, at sa huli, ang pag-ani.

Minsan, kailangang magtakda ng bagong layunin at gumawa ng mga bagong hakbang. Maging ang lakas mong ginugugol sa mga bagay na walang kabuluhan ay bigla mo na lamang ilalaan sa mga adhikaing walang hanggan. Minsan, kailangan nating pumili ng kakaibiganin, at kailangang lisanin ang dating matalik sa puso. Sa bawat pag-alis, may kaakibat itong sakit. Kung hindi tayo magiging marahas sa sa pagbubungkal ng lupa,  hindi ito maihahanda sa pagtatanim.

At sa bawat paglisan, pagsisimula at pamamaalam, isang pagbabali ang kailangang mangyari para sa ikabubuti. Hindi kailanman ito madali, ngunit alam ng Diyos na wala kang pakay na manakit sa iba — gusto mo lang mabuhay para sa Kaniya. Sa palagay ko, kung aalis tayo sa daraanan Niya at hahayaan natin Siyang manguna ay magiging matiwasay ang ating paglalakbay, at magkakaroon ng bunga ang mga hinahangad.

Patuloy lang, at sa bawat hakbang, ang Diyos ang sundan, huwag ang tao, sapagkat ang tao’y nawawala rin. At hindi natin alintana ang bilis — “na ang paguunahan ay hindi sa mga matulin, ni ang pagbabaka man ay sa mga malakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong naguunawa, ni ang kaloob man ay sa taong matalino;” — Diyos lamang ang panghawakan. Sa huli, tayo’y tatayo sa Kaniyang harapan at magsusulit. Para kanino ka nabuhay sa lupang ibabaw? Pinasan mo ba ang krus nang buong tapang o sumuko ka nang makaranas ng hirap at pangungutya?

close up photography of bible

At dahil sa mga ambon ng nakaraan, mayabong ang mga puno sa kasalukuyan. At dahil sa mga ulan ngayon, may sinisilip tayong ani sa kinabukasan. At ang mga bunga ay darating, dito, at sa langit, para sa iyo at sa akin, kung itataas lamang natin ang ating mga paningin kay Kristong nagtagumpay na. Pero diyan ka lang, manatiling nakatingala upang makita natin Siya sa pagganap Niya sa mga pangakong binitawan Niya sa bawat isa sa atin.

Ang grasya Niya ang pinto sa mga tag-sibol ng iyong buhay.

 

26 Pebrero 2010

Hebrew Test

Matatapos na ang unang semester ko sa Febias at sa pamamaalam, magkahalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Natutuwa ako dahil tapos na ang nakakapagod kong pagbibiyahe sa Valenzuela. Nalulungkot naman ako dahil mamimiss ko ang mga kaibigan at mga guro ko doon, pati na rin ang masasayang mga tagpo habang binubungkal ang salita ng Diyos.

Masaya pala ang mag-aral sa isang Bible school. Iniisip ko nga, “Paano kaya kung noon pa ako pumasok sa Febias?” Pero, huli man raw at magaling, ay naihahabol din. Doon ko napatunayan kung ano yung hinahanap ko sa buhay ko, at yan ang malalimang pag-aaral sa salita ng Diyos upang lubusan ko Siyang makilala, at sa gayon ay maintindihan ko rin ang aking sarili at ang dahilan kung bakit ako narito.

Hindi nawalan ng saysay ang bawat sakripisyo ko — hindi ako binigo ng Panginoon. Pinatunayan Niya ang pag-ibig Niya sa akin, at pinagtibay Niya ang Kaniyang mga pangako. Wala na akong hihilingin pa kundi ang mamalagi sa Kaniyang presensiya at papurihan Siya sa lahat ng oras.

Hindi raw natin makakalimutan ang mga unang pagkakataon, at masasabi ko rin yan sa aking pagsabak sa kakaiba at makabuluhang pag-aaral sa isang institusyon na humuhubog sa mga kabataan upang manilbihan sa Panginoon. Itinuring ko na itong pamilya, at itinuturing kong isang pagpapala sa aking buhay ang pag-aaral ko doon.

Saan man ako mapunta, at anuman ang aking mararating, babalik-balikan ko ang bawat matamis na alaala na nakatatak na sa aking isipan, at ang tamis ay gigising sa mga ngiti sa aking labi sa tuwing masaya kong ginugunita ang pag-ibig ng Diyos sa akin na higit kong naintindihan sa Febias.

Balabal na Itim

Kulay itim ang balabal na inihandog sa akin,

Na hinabi sa masukal, binilad sa panginorin.

Kung sa ilalim ng araw siya ay aking ilalantad,

Habang aking tinatanaw ang guhit n’ya sa ‘king palad —

Ako’y ikukubli ngunit mananatili ‘ring hubad

Habang ako’y nakapiit sa yakap ng kaniyang baklad.

At pagdating nitong gabi, ako’y kaniyang itatago’t

ikukulong nang sandali  habang ako’y malilito—

“Sa dilim ay niluluwal ang pangako ng payaso

At hindi rin magtatagal, panaginip na lang ito.”

Itim na aking tinak’wil matapos ang tatlong araw,

H’wag nang liligaw sa akin, sa ‘king tapos nang pumanaw—

Ang balabal mong magaspang at ‘di na nakapupukaw

Ay ihandog mo na lamang sa baliw at magnanakaw.

October 27, 2009

-work in progress –

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Namatay ako sa kakahimlay,
pagka’t ang mga mata’y binalot ng tamlay.
Gabi nang mangako silang bituin,
wala nang dilim sa kanilang pagdating.

Sa oras na haliparot, ako’y nag-abang, ngunit
‘Di man lang siya nagsabi nang siya ay tumanang
dala ang tuwang aking pinanghawakan, at
bitbit ang pag-asang pinakaaasam.

Namatay ako ‘sang muli, kaagad,
sa paghihintay at alibadbad.
Diyos ko, mabubuhay pa kaya sa wakas at
gigising pa kaya pagkabukas?

Sabi nila’y ang kulisap na may gintong pakpak
ay hahalik lang sa tinatanging bulaklak.
Sabi nila’y bitawa’t buhayin ang bigong butil at saka
Ibulid sa tabi ng pilapil!

Maging ang bukas daw ay naghihintay rin
Sa tiklop ni dilim na umiiling.
Sino raw ako upang hamakin ang
karunungan ng oras at bituin?

Sabi ng lupa: ang bawat bagay ay hahandusay,
upang umusbong ang bukas at buhay.
Sabi ng puno: ang pagkalustay ng lupang katawan,
ang hudyat ng bagong kaarawan!

Kaya’t magmamatyag akong muli, palagi,
sa Kaniyang pangako at kandili,
Ako’y sisigaw, tatawa at iiyak at
baka sakaling madiligan ang aking pitak.

Ruth Mostrales
11 May 2009

Sisidlan ng Ngiti Mong Mahiwaga

 

Bigyan mo ako ng angkop na sisidlan

Ng iyong ngiting hinihigitan

Ang buwan sa rikit sa gabing madilim —

Sa ilalim ng langit, sa iyong piling.

 

Nais kong himay-himayin, intindihin

Ang bawat hibla ng aking damdamin,

At dahil sa iyo, akin ring magagapi

Ang katapangan kong mapagkunwari.

 

Pagkat, walang tutunguhin kung tatalikdan ka,

At natunaw na rin ang hangaring magkubli sa madla;

Kung mamarapatin mong ipahiram sandali

Ang iyong ngiti, isusuot ko sa aking labi.

 

Kung ika’y aalis matapos kong isiwalat

Ang pag-ibig kong hindi kailanman masusukat…

Isabit mo na lamang sa kisame ng kalangitan

Ang iyong ngiti, huwag mong tatakpan!

 

Pagkat buhay ang kapalit kapag ito’y nawala

Sa aking paningin, sa aking diwa; at

Kung ihahandog mo rin lang sa iba —

Maari bang hintayin munang ako’y mawala?

 

Kunsabagay ang langit ay sapat nang lalagyan

Ng pag-ibig kong lagi kang babantayan,

At sa pisngi ng mga ulap, isabit mo siya —

Ang ngiti mong mahiwaga.

   

 

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape