tunay na pag-ibig

Fish in early Christian (Coptic) art Limestone, Egypt, 5th century B. C.) Musée du Louvre, Paris © cliché Chuzeville/RMN

Nakakatakot isipin na ako sa aking kahungkagan ay magsusulat tungkol sa pag-ibig. Hiling ko ang kabutihang loob ng Panginoon!

Marahil masasabi natin na mas madalas na magkakamali muna tayo sa ating pakahulugan sa pag-ibig bago natin mapagtanto kung ano ito. Ano nga ba ang pag-ibig?

Kung pagbabasehan ang karamihan ng mga nasusulat at sinasabi na naglipana sa tabi-tabi, at kung susumahin ang tinutumbok ng lahat ng mga tulang isinulat ng mga nagbabalatkayong mangingibig, malamang matitisod tayo at mahuhulog sa isang patibong — ang pagsangayon sa isang kultura na bulag sa tunay na kahulugan nito.

Narinig ko na ang advice na: “Listen to your heart.” Marahil naisagawa mo na rin ang mungkahing iyon sa iyong pagpili kung sino ang mamahalin, kung kanino sasama, kung ibebreak mo ang iyong bf/gf o kung magsestep up na kayo sa inyong pisikal na relasyon. Ang tanong ko ngayon, matapos mong pakinggan ang marubdob at mapusok mong puso, ano ang nangyari? Hindi nga ba’t mas madalas sa hindi ay ipinagkanulo ka ng iyong sariling puso at ng puso ng iba?

Nakakalungkot isipin na ang puso natin ay mas madalas nating kaaway higit sa kaibigan. Marami itong nalalaman na hindi sinasang-ayunan ng rason. Ito ay mapanlinlang, at walang ibang ginawa kundi hanapin ang ikatutupad ng kaniyang mga pagnanasa. Kung ang dating red light ay nagiging green dahil ito ay sinabi ng iyong puso, mag-ingat!

Kadalasan, ang taong nakikinig sa kaniyang puso ay napagbibigyan sa mga kahilingan ng kaniyang pandamdam. Binubusog ng puso ang sisidlan ng mga emosyon na karaniwan nang iniuugnay sa pagmamahal — pagiging makasarili, matinding selos, pagiging possessive, pagkasangkapan sa ibang tao, pagiging obsessed… samakatwid, ang pagnanais na sambahin ang taong nagmamahal at ang taong minamahal. Hindi kadalasan naririnig ang bulong ng kahinahunan sa tuwing sumisigaw ang bawat tibok ng pusong marupok, at mas madaling sumang-ayon sa puso kaysa salungatin ito.

Hindi ko nilikha ang aking sarili kaya’t hindi ko mapagtitino ang aking puso, anuman ang gawin ko. Tulad ng isang imbensyon, hindi ako ang imbentor nito at gawin ko man ang sa tingin kong mabuti, hindi ko ito lubusang maiintindihan. Ngunit maari akong sumangguni, hindi sa nagdudulot sa akin ng problema, kundi sa lumikha nito na nakakaalam sa bawat kasuluk-sulukan nito. Lubos kong naintindihan ang aking puso nang makilala ko Siya at naintindihan ko kung sino Siya sa aking buhay.

Hindi marahil mas mahalaga na maintindihan ko kung paano umiwas sa mga pasakit na dulot ng masyadong pagtitiwala sa aking puso, ngunit mas mabuti para sa akin na maintindihan ko muna ang Diyos ng pag-ibig na Siya na ring magtuturo sa akin ng mga dapat kong malaman at siyang gagabay sa akin tungo sa isang nakakatuwang paglalakbay mula, patungo at paalis sa aking puso patungo sa Kaniyang kalooban sa aking buhay.

Sa Juan 3:16, makikita natin kung ano ang kahulugan ng tunay na pag-ibig. Buklatin mo sandali ang iyong Bibliya upang mapag-aralan natin. 🙂

Ang tunay na pag-ibig ay mapagbigay. Ito’y handang magsakripisyo, tulad ng ginawa ng Diyos Ama sa paghahandog ng Kaniyang bugtong na Anak upang tayo’y mailihis sa landas ng kasalanan na walang ibang katapusan kundi ang kamatayan. Ito’y handang mag-alay ng kaniyang tinatanging tinatangkilik para sa kaniyang minamahal, tulad ng ginawa ng ating Panginoong Hesu-Kristo na nag-alay ng kaniyang pagtalima sa Kaniyang Ama, hirap man ang dinanas Niya. Taliwas sa iniisip ng iba, ang tunay na pag-ibig ay patuloy na magbibigay, at sisikaping maipaabot ang kaniyang pag-ibig sa minamahal, at hindi motibasyon kailanman ang anumang kapalit.

Ang tunay na pag-ibig ay patuloy na magpapatotoo. Kaya nga matapos ialay ni Hesus ang Kaniyang buhay, Siya’y nabuhay muli upang patunayan na ang bawat pangako Niya bilang mangingibig ng ating kaluluwa ay kaniyang tutuparin! At magpahanggang ngayon, hindi ba’t tayo’y katunayan na si Kristo ay buhay at Siya’y patuloy sa kaniyang pagsuyo sa atin habang nanalangin para sa ating ikabubuti sa dulang ng Diyos Ama bilang ating punong pari at kinatawan? Ang tunay na pag-ibig ay walang katapusan, at ito’y palagiang magbubunga ng mga magagandang bunga na gugustuhin ng lahat, malaman lamang nila na mayroong totoong pag-ibig, at maintindihan lang nila kung paano makakamit iyon.

Ang tunay na pag-ibig ay natututunan sa pamamagitan ng pagtuturo ng Banal na Espiritu sa atin kung sino si Hesus. Sa pamamagitan ng Kaniyang Salita, nalalaman natin sa gabay ng Espiritu kung paano magmahal si Kristo at kung paanong sa araw-araw ay hinihingi Niya sa atin ang pagsunod, pagkat ang tunay na pag-ibig ay masunurin din. Hindi ito suwail sa kabutihan, at galit ito sa kalikuan. Ang tunay na pag-ibig ay matiisin, at handang lumakad sa daang makipot patungo sa buhay. Hindi ito mahihiyang maiba sa karaniwang kaisipan at mamuhay ayon sa katuruan ni Kristo. Handa ang tunay na pag-ibig na magsabi ng “HINDI” kahit ang karamihan ay gagawin ang hindi nararapat sa “ngalan ng pag-ibig.”

Kapag tayo’y nagmamahal, at kung tunay ito, tayo’y napapabilang mga sumasamba sa Diyos ng pagibig, at sa Kaniya lamang. Samakatwid, ang isang taong hindi tunay na nagpasakop sa Diyos ng pag-ibig ay hindi marunong magmahal nang tunay, dahil hindi niya nakikita ang tunay na kahulugan ng pagtalima, sakripisyo, kapatawaran, at buhay na walang hanggan na nasa isipan ni Hesus sa mga sandaling Siya ay ipinapako sa Krus sa ngalan ng pag-ibig ng Diyos Ama.

Grabe, ano?

After having said the above, hindi ko masasabing lubusan ko nang naisaysay ang kagandahan ng pag-ibig ng Diyos, at kailanma’y hindi na ako magkakamali sa pag-intindi nito, ngunit ito ang alam ko — na anuman ang mga katanungan na bumabagabag sa aking puso’t isipan sa ngayon — Jesus is saving the best explanation for last sa Kaniyang pagbabalik.

God bless, Kaibigan.

Pitong Liham

I.
May natanggap na liham,
Galing sa kalangitan,
Ang Ministro ng Agham,
Patungkol sa Maykapal.

II.
Kung ika’y tatalima’t
Kay Hesus ay sasama —
Pasan ang krus, iwanan
Ang sarili sa daan.

III.
Kung ika’y may’rong hapis,
Huwag magdamdam nang labis;
Dalhin ang iyong hinagpis,
Kay Hesus na nagtiis.

IV.
Batid ko ang hangganan,
Nitong aking daanan.
Ako ay nagdarasal —
Langit ang inuusal.

V.
Sa aking paglalakbay,
Siya ang aking kaakbay.
Ang daa’y madilim man,
Wala itong anuman.

VI.
Bigyan mo ng kandili,
Siyang hindi mapakali,
Sa kaniyang pagtunggali,
Sa hamong ‘di madali.

VII.
Ikaw ay dakilang Diyos,
Pag-ibig mo ay lubos,
Sa biyaya’y pinuspos —
Salamat, Manunubos.

Ruth Mostrales
June 15, 2009

Tunay na Pagtalima

Tunay na Pagtalima

Isa akong manlalakbay.

Hayaan Mo, Panginoon

Na aking marating ang paroroonan

Sa tulong mo’t gabay…. RVM

 

Ano nga ba ang mas malalim na kahulugan ng pagtalima sa Panginoon? Deep. Deep nga. Kasi nga naman, mahirap na ngang intindihin yung kahulugan ng malalim, nilagyan pa ng –mas-. Kung susuriin, kung may malalim na kahulugan ang pagtalima, may mababaw rin, at ang huli bagamat naturingan, ay hindi totoong pagtalima. Ang sabi: “Kung mahal mo ako, sumunod ka sa mga alituntunin ko.” Gustuhin man natin o hindi, masukal ang ibig ipahiwatig ng Panginoon sa kaniyang tinuran. Kung tatanungin natin ang sarili, “totoo bang sumusunod ako sa Panginoon?”— para na rin nating inaalam kung wagas ba ang pag-ibig natin sa Kanya, dahil walang tunay na umiibig na hindi sumusunod, yaong nakapokus lamang sa kaniyang mga kagustuhan at naisin. “Kung mahal mo ako, makakaramdam ka ng umaatikabong heartbeat at palpitations tapos hindi mo mamamalayan na sumisigaw ka na ang Halleluiah at pajump-jump pa.” – Hindi po iyon ang sinabi ng Bibliya. Maaring manipestasyon lamang iyon, pero hindi doon natatapos ang lahat, at wala rin akong intensyong uyamin ang paraan ng pagsamba ng iba nating kapatid. Ang pag-ibig ay may kaakibat na pagpapasya, iyon ang gusto kong tumbukin. Hindi ito nananatili sa antas lamang ng pandama, dahil kadalasan, sa nararamdaman natin tayo pumapalpak. Sa madali’t sabi, kung mahal natin ang Panginoon, kailangang piliin natin Siya. Bagamat usong-uso ang terminong “fall in love” – yung kailangan may “blag” at dahil sa pagkauntog lovestruck ka na sa isang tao — sa ating Panginoon, hindi ganoon. Kung ganoon, e di lagi na rin gagamitin “nag fall out of love na kasi ako eh” upang tapusin ang isang ugnayan. Kahit sa pagmamahal sa ating kapwa ay Kailangan ng matinding pagpapasya — ang wagas na pag-ibig sa ating kapwa ay pinipili din. Kailangang may kaakibat na pagpapasya habang tayo’y gising at alert ang ating mga mental faculties. Si Hesus nga pinili Niyang umibig sa atin, ginusto niya iyon, bagamat alam Niyang kamatayan ang kapalit. Ganoon tayo kahalaga, sukdulan mang itakwil Niya ang kaniyang sarili upang ang plano ng kaniyang minamahal na ama ay maisakatuparan. Mahal Niya ang Kaniyang Ama at Siya ay tumalima. Tayo, mahal nga ba natin ang Diyos? Kung nakabase lamang sa ating nararamdaman ang pag-ibig natin, madali itong pumusyaw. Sa buhay ng isang mananampalataya, may mga panahong hindi maiiwasan na para bang boring, na para bang hindi natin ma-feel ang presence niya, kumbaga, iyon bang mga panahong mapapatanong tayo ng, “Lord, anjan ka ba’t nakikinig sa mga panalangin ko?” Kahit nga sa buhay ni Job, dumating ang ganoon, yung kawalan ng excitement. Imagine, sa loob ng 37 chapters habang siya ay kinukutya, tinutuya at napapaligiran ng mga langaw na nagpipiyesta sa naaagnas niyang balat, hindi umimik ang Panginoon. Nagparamdam na lang siya pagdating ng Chapter 38. May mga panahong para bang malayo siya. Kung emosyon lang ang nagpapagana sa ating pananampalataya, malolobatt tayo. Pero salamat pa rin sa Panginoon dahil binigyan Niya tayo ng kakayahang magpasya, na panghawakan ang pangakong nabitawan na natin, na: “Susunod ako, Panginoon, ano man ang mangyari!” – boring man o exciting, masaya man o may dusa! Tanong ni Hesus kay Pedro, “Mahal mo ba ako?” Tatlong beses. Medyo nakulitan nga si Pedro dahil sa pangatlong beses, mababanaag ang pagdaramdam sa kaniyang tugon. Ikaw ba naman ang tanungin ng tatlong beses at paulit-ulit. Pero kung titignan natin, mabuti talaga ang Panginoong Hesus. Bakit? Kasi kung ordinaryong tao lang Siya, siguro panunumbat na at paniningil ang inabot ni Pedro noon — si Pedro na tatlong beses itinakwil ang kaniyang Guro. Pero ang tanong ay patungkol sa pag-ibig. Bakit? Dahil ang pag-ibig ang susi sa pagtalima, sa pagsunod sa yapak ni Kristo. Alam ni Hesus na katakot-takot na hirap ang dadanasin ni Pedro sa mga susunod na pagkakataon matapos ang usapang iyon, kaya’t bagamat alam ng Panginoon ang sagot, ang interogasyon niya ay para na rin sa ikasesemento ng desisyon ni Pedro, upang gumawa si Pedro ng pasya na talagang panghahawakan niya, hindi lamang dahil may spiritual euphoria siya noon dulot ng pagkakita uli sa kaniyang Guro, ngunit dahil pinili niya buhat noon na sumunod sa Panginoon ipako man siya sa krus nang patiwarik, gaya nga ng kinahinatnan niya. Ang pagtalima sa Panginoon ay dahilan upang tayo’y makaranas ng mga pagsubok sa buhay, dito sa mundong ibabaw. Hindi mamahalin ng kadiliman ang liwanag. Mahirap magpatuloy bilang anak ng Panginoon. Nariyan ang ile-label ka na corny at cheesy at panatiko, bobo, linear mag-isip, makitid ang utak — dahil na rin sa pinanghahawakan mo ang kaniyang Salita, at hindi maiiwasang may mga taong hindi ka maiintindihan. Kasama lahat yan sa ating buhay, at kasama rin sila sa ating dapat mahalin, kaya kailangang masigurado ng Panginoon kung kumusta na ang ating pag-ibig sa Kanya. Sa panahon ng hirap, kumusta ang ating pag-ibig? Susunod ako pero… ay nagpapakita ng kontradiksyon. Maraming beses ko na ring sinabi ang bagay na iyan, ngunit hindi pala dapat ganun. Ang “pero” ay lumilitaw dahil na rin sa labis na pagmamahal sa sarili, kaysa sa Diyos. Yung ang mababaw na khulugan, at ang mas malalim ay ito — ang pagtatakwil sa sarili, pagpasan sa iyong krus, at pagsunod sa yapak niya.