Suddenly, Gusto Kong Magkwento

Bago matulog ang aking anak, kuwento ang hanap niya.

Isang libro ang binabasa niya ngayon. Ito ay isinulat ng isang awtor na ang pangalan ay Aliki.

Gustong gusto niya ito. Ang pamagat ng aklat na ito ay How A Book is Made.

Tuwang-tuwa siya sa aklat na ito.

Nagustuhan ko rin ang aklat, at isang pangarap din ang kaniyang pinaalala sa akin.

Naalala ko na gusto ko nga palang magsulat ng libro.

At suddenly, gusto ko nang magkwento.

Daming kwento sa aking isipan. Hindi ko na nga mabilang. Ang iba, nakalimutan ko na.

Ayoko nang makalimot. Magkukuwento na ako. Tutulang muli. Tignan natin kung anong kalalabasan.

Ikaw, may kwento ka bang naghuhumiyaw sa iyong diwa?

Siguro panahon na rin na pakawalan mo sila.

Ang Munting Sulok

Ang Munting Sulok

Ang binata’y galing sa Maynila.
Ang pag-aaral niya’y iginapang ng ama.
Dumating ang panahong kinailangan niya
Ang umuwi, dahil ang butihing ama’y lumisan na.

Naupo siya sa tarangkahan habang tinatanaw
Ang lupang tinamnan ng ama
Noong ito’y nabubuhay pa— ang sulok
Na ayaw bitiwan ng iba.

Tanong niya, “Ama, bakit ganon na lamang ang kalinga mo
Sa lupang sa iyo’y sumilang?
Itong lupang ipinagkakait pa rin ng gahaman na ayaw ibahagi
Ang kapirasong kayamanan?

Kaya’t ika’y binulid sa putik dahil masyado kang
Pangahas, isa kang tinik.
Ang abo mo’y inihasik dito sa lupa, sa lupang
Pinuspos mo ng pagsinta.”

Sa ‘di kalayua’y dumagundong ang kulog
Dahil di inaasahang may kidlat na nahulog.
Isang aparisyon ang sa kaniya’y nagpakita—-
Ang hugis at anyo ng kaniyang ama.

“Anak ko, anak ko…” ang sambit ng anino,
“…ang bumuhay sa iyo ay ang lupang ito.
Ito rin ang dumalisay sa iyong mga ninuno.
Ito rin ang huhubog sa iyo.”

“Ang iyong ina na wagas kung magmahal
Ay dito ko inirog sa panahong matagal.
Dito umusbong mga pangarap na bituin
At dito nagbunga ang pag-iibigan namin.”

“Ikaw ay isinilang, kinalinga, pinag-aral
At ang lupang ito ay siya ring nagpagal.
Kuyumin mo sa kamao ang lupang aking minahal, makinig ka,
Anak! ito ang aking dasal.”

Biglang naglaho ang palabas na iyon.
Pinilit ng binata ang maging mahinahon.
Pagbukas sa bintana nakita niya ang alon ng mga butong
Sa palayan ay nananaghoy, naibaon.

Ang binata’y nanindigan na manatili doon, at gaya ng ama,
Hindi nagpakahon.
Isang araw, naihipan siya ng hanging mahiwaga, at
Walang anu-ano’y tumula siya.

Tunghayan ang ilang linyang bumalong sa kaniyang diwa:

Sa lambingan ng damo at hangin,
Masasamyo ang taimtim na hangarin.
Sa pagninilay ng amang nagtanim,
Kumain kaming madasalin.

Isang dakot ng butil, isang sako ng pawis,
Isang kutsara ng kanin, isang kaing ng hinagpis —
Anong pag-ibig ang inalay ng amang tumangis
Kaya’t ang buhay ay kinitil ng panginoong tagapaglitis!

Ngunit, ang lupa at siya ay magkamukha’t
Iisa. Ang lupa at siya ay mag-asawa.
Ako ang bunga ng amang umasa,
Anak ng lupang nagparaya.

Bitbit ang tulang iyon, at ang anak na natutulog,
Hinawi niya ang lambong ng langit, ang puso’y lumuhod —
“Ama, bago pa man ako ariin ng alabok,
Ihandog muna sa aking anak itong munting sulok.”

Ruth Mostrales
16 May 2009

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Pagkabuhay Matapos Humandusay

Namatay ako sa kakahimlay,
pagka’t ang mga mata’y binalot ng tamlay.
Gabi nang mangako silang bituin,
wala nang dilim sa kanilang pagdating.

Sa oras na haliparot, ako’y nag-abang, ngunit
‘Di man lang siya nagsabi nang siya ay tumanang
dala ang tuwang aking pinanghawakan, at
bitbit ang pag-asang pinakaaasam.

Namatay ako ‘sang muli, kaagad,
sa paghihintay at alibadbad.
Diyos ko, mabubuhay pa kaya sa wakas at
gigising pa kaya pagkabukas?

Sabi nila’y ang kulisap na may gintong pakpak
ay hahalik lang sa tinatanging bulaklak.
Sabi nila’y bitawa’t buhayin ang bigong butil at saka
Ibulid sa tabi ng pilapil!

Maging ang bukas daw ay naghihintay rin
Sa tiklop ni dilim na umiiling.
Sino raw ako upang hamakin ang
karunungan ng oras at bituin?

Sabi ng lupa: ang bawat bagay ay hahandusay,
upang umusbong ang bukas at buhay.
Sabi ng puno: ang pagkalustay ng lupang katawan,
ang hudyat ng bagong kaarawan!

Kaya’t magmamatyag akong muli, palagi,
sa Kaniyang pangako at kandili,
Ako’y sisigaw, tatawa at iiyak at
baka sakaling madiligan ang aking pitak.

Ruth Mostrales
11 May 2009