Tala

Kaibigang Tala*

(*Hindi Tunay na Pangalan)

Tala, may naiwan kang

bag, ng alaala, libro, at kanta.

Hindi ko binuksan, hindi ko

sinilip, ni hindi ko nilipat

kung saan mo huling isinilid.

Bakit hindi ka bumalik?

Nag-ring na ang bell. 

Kain muna tayo, tara.

Wala pa rin bang tulay mula

sa bayan at sa bundok na

matarik?  Nasaan ka na?

Hindi ko alam kung ika’y

lumisan na.  Wala kang

 address na sana man

lamang ay ipinagkatiwala.

Wala kang patak

ng luhang sa halaman

sana’y idinilig upang

ako’y liliman, habang

ako’y nag-iisip, hapo,

at takot habang binubuklat

ang diyaryo’t baka isang

araw, mabasa ko ang

pangalan mo na sa akin

ay ‘di pa rin nagbabago.

Tala, ika’y may dinala

sa paglisan mong walang

pasabi.  Kailan ka babalik

at nang ang bag mo’y

mabuksan natin, at mag-aral

tayong muli… bago ka

pumanhik?  Kailan ka

babalik sa silid-aralang

may dingding at pisara?

Kailan ka bababa mula

sa pinili mong langit?

– Nasaan ka na, Tala?*

26 Pebrero 2010

Hebrew Test

Matatapos na ang unang semester ko sa Febias at sa pamamaalam, magkahalong saya at lungkot ang aking nararamdaman. Natutuwa ako dahil tapos na ang nakakapagod kong pagbibiyahe sa Valenzuela. Nalulungkot naman ako dahil mamimiss ko ang mga kaibigan at mga guro ko doon, pati na rin ang masasayang mga tagpo habang binubungkal ang salita ng Diyos.

Masaya pala ang mag-aral sa isang Bible school. Iniisip ko nga, “Paano kaya kung noon pa ako pumasok sa Febias?” Pero, huli man raw at magaling, ay naihahabol din. Doon ko napatunayan kung ano yung hinahanap ko sa buhay ko, at yan ang malalimang pag-aaral sa salita ng Diyos upang lubusan ko Siyang makilala, at sa gayon ay maintindihan ko rin ang aking sarili at ang dahilan kung bakit ako narito.

Hindi nawalan ng saysay ang bawat sakripisyo ko — hindi ako binigo ng Panginoon. Pinatunayan Niya ang pag-ibig Niya sa akin, at pinagtibay Niya ang Kaniyang mga pangako. Wala na akong hihilingin pa kundi ang mamalagi sa Kaniyang presensiya at papurihan Siya sa lahat ng oras.

Hindi raw natin makakalimutan ang mga unang pagkakataon, at masasabi ko rin yan sa aking pagsabak sa kakaiba at makabuluhang pag-aaral sa isang institusyon na humuhubog sa mga kabataan upang manilbihan sa Panginoon. Itinuring ko na itong pamilya, at itinuturing kong isang pagpapala sa aking buhay ang pag-aaral ko doon.

Saan man ako mapunta, at anuman ang aking mararating, babalik-balikan ko ang bawat matamis na alaala na nakatatak na sa aking isipan, at ang tamis ay gigising sa mga ngiti sa aking labi sa tuwing masaya kong ginugunita ang pag-ibig ng Diyos sa akin na higit kong naintindihan sa Febias.