Malong

 

Kung saan-saan maari kang dalhin ng iyong diwa —

Sa tabing dagat, sa pusod nito, o sa isang isla;

Sa iyong paglalayag mayroon kang makikitang

Mga batik, ikat, at daluyon sa iyong panginorin.

(Kung minsa’y bulaklak.)

 

Tulad ng mga marinong napapadpad sa kawalan

Anong ganda ng luntian kapag ito’y nasilayan

Tulad ng mga naglalayag tungo sa kalayaan

Ang malawak na karagatan ay isang kanlungan.

(Kung minsa’y kulungan.)

 

Oo nga’t marami nang nasawi sa kanyang hele,

Ngunit sa kaniyang nangangarap ito’y paanyaya

Na suungin maging ang malalim at kayamanan nito —

Kahit malong ay layag sa kaniyang matapang.

(Kung minsa’y duwag.)

 

Puso ng Dagat

Napakaraming alon sa dagat. Hindi mabilang. Ngunit kung iyong pagmamasdan, lahat sila ay iisa — iisang tubig na hinuhulma ng hangin at ng naunang indayog na hindi pa natatapos hanggang sa ngayon.

Nakakatakot. May mga pangil itong sumisipsip sa dugo ng mga pangahas. Nakakatakot siya sapagkat hindi ito kailanman nasisindak ng bagyo, buhawi o ng matinding hagupit ng apoy. Nilulunod niya ang mga batang suwail, at sinisilo ang mga nagtatapang-tapangan.

Sa laot, maraming isda ang nakahanap ng tahanan, nagtatago sila sa bawat pileges ng tubig, malayang lumalangoy sa bilangguan na asul. Masaya silang nakikipaglaro sa mga pangarap na hindi nakamtan ng mga sawi at duwag.

Sa dagat na malimit tagpuan ng nakaraan at kasalukuyan, ang paglalaro ng hinaharap sa entabladong malikot ay nagdudulot ng sindak kaninuman. Bakit asiwa ang tao sa dagat? Marahil dahil ito’y marunong, at marami itong naiipong lihim mula sa mga bukal sa kabundukang sapilitang hinahatak ng kung anong pang-akit na mapanibugho.

Hindi alam ng dagat na siya’y nakakatakot, kaya’t higit siyang dapat katakutan, sabi nila.
Maraming nagmamasid sa malayo, at tinatanong ang sarili kung saan ang puso nito. Marahil narito ang kaniyang kahinaan.

Hunyo 7, 2010
3:45 PM