Katamaran

Ang taong tamad ay mabuting kaibigan.

Kapag ika’y pagod na sa pakikipagsapalaran

Ay sasabihan ka ng: “Hoy, relax ka lang diyan.”

At kung ika’y makukumbinsi’y makapagpapahinga.

 

Sasabihin niyang kayo muna’y mahiga sa lilim

ng mga punong namumunga. At pag nagutom

maririnig mo: “Buksan natin ang ating mga bibig

At hintayin ang pagbagsak nilang mga prutas!”

 

At kung ika’y buhay pa, babagal ang mundo.

Magugutom ang pamilya mo’t kakapal ang agiw

Sa iyong kubo. Pero ito ang kaniyang sasambitin:

“Huwag mag-alala’t darating din ang inaasam mo!”

 

Ang kaibigang tamad ay mabuting kaibigan.

Maliban na lang kung ubos na ang kaniyang kasabihan!

Kaya’t sa oras ng kaniyang pangangailangan

Humanda ka — ikaw ang kaniyang pipitasan!