Ang Pagtatagpo

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

gagawa sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang ugnayan. 

Hahamakin nilang tapusin ang isa’t isa,

upang simulan ang pinagsanib nilang puwersa,

hindi bilang dalawa, ngunit,  isa —

na, upang tuwing umuula’y tila may araw pa rin,

at sa tag-init, mayroong tubig na iinumin

ang mga bulaklak sa hardin…

Iyan ang kanilang mithiing ipinaglalaban

sa langit, na sa matagal nang panahon ay nakapikit —

ngunit gising.

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

hihiling sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang kahibangan.

(c) Ruth V. Mostrales 

May 2010

sa may dambana

Sa loob ng aking munting silid,

Lahat ng sikreto ko’y ‘di lingid;

Mga tula, awit at hikbi —

Dito’y naglalaro nang parati.

Sa loob ng aking munting silid,

Nandito — aking mga kapatid.

Minsan ang araw ay piping saksi

Sa ‘king paghahabi ng sari-sari.

At kung may kadiliman sa labas ng bahay,

Ang awit ay may tanglaw ring  tinataglay;

Kung ang hampas ng hangin ay walang humpay,

Ang tula ay may hatid na pag-alalay.

Nasaan ang iyong silid, dalhin mo ako.

Inaasahan ko ang iyong pangako.

Ihabi mo ako ng tula upang bigkasin;

At itahi ng awit upang aking awitin.

Ang aking silid ay silid mo na rin,

Kung pagbibigyan mo itong hangad kong mariin;

At kung hindi sasagot, ako ay patawarin —

Ang aking pag-irog, sa kanila na lang tanungin.

Dahil ang awit at tula ay mananatili,

Habang tayo’y nabubuhay lamang nang sandali;

Kayat bigkasin mo sila kapag ako’y lumisan na,

At awitin mo sila sa may dambana.

.

Ruth Mostrales, Pebrero 2009