Nauupos

Nauupos

Ang pag-ibig ay hindi natatapos,
ngunit kung saan nananahan…
habang naroon —
nauupos.

Ephemeral

Love is eternal,
but where it abides…
while there —
ephemeral.

Ang Pag-ibig ay Paninging Matalim

Kung ang pag-ibig ay nakalaan
sa hanging laging nakayakap,
o sa araw na may pagtingin,
o sa ulang may paglingap…
ano ang nasa pag-ibig
na dapat ikagalak,
kung sa kaibig-ibig lamang
ang buhay niya’y ilalagak?

Sa mundo, ang pag-ibig ay hindi
tiyak, at sa matalino’y hindi
ito payak… subalit
sa natatakot, ito’y handang maging
tapat, at sa kaniyang walang
karikta’y may pangakong kabiyak.

Kung ang pag-ibig naman ay mayroong
paningin, iisipin niyang ito’y
walang halaga sa mundong madilim;
sapagkat ang pag-ibig ay mata na walang
kasing talim, at nakikita nito
lahat ng ikinukubling lihim.

Halika, Hamog

Halika, Hamog.

Come, Fog.

 

Halika, hamog, sabi ng hangin.

(Come, fog, says the wind.

                                                                               Ako’y hungkag.

                                                                                I am empty.

Wala akong dala-dala

I have nothing to carry

kung saan bumubukadkad ang mga bulaklak

where the flowers bloom

at naghihintay

and are waiting

sa manamis-namis

for the sweet, sweet

na tubig ulan.

water of rain.

Halika, hamog, sabi ng hangin.

Come, fog, says the wind.

                                                                                      Dumuyan ka sa akin,

                                                                                      Sleep on my cradle,

o kung ikalulugod mo, halika’t

or if it pleases thee, come

takpan ang aking dibdib

adorn my décolleté

sa pamamagitan ng iyong mga kumikinang na patak

with your sparkling drops

at hiyas

and amulet

at ng iyong puting lambong na malamig

and of your white veil so cold

bago pa man mapagod ang mga bulaklak

before the flowers grow tired

at pagkatapos nito’y kukupas.

and then, fade.)

 

Ruth V. Mostrales, 9 August 2010

Punla

Sa tuwing ginigising ng ulan
ang mga punlang nakalimutan at naiwan
sa tabi ng daan, o di kaya nama’y
sa batuhan, o sa bahagi ng hardin ng
lupang matinik — may nagmamasid.

Sa malayo nakatingin ang ibong
nakikita ang isang mayabong
na puno na hitik sa bunga at lumalago
matapos ang salitang tag-ulan
at tagtuyot.

Iisipin niyang magpahinga sa ilalim
ng mga lilim nito sa panahon
na may bagyo — kagaya ngayon…
ngunit dahil wala pang umuusbong —
wala pang sumisilong.

ruth v. mostrales
july 6, 2010

happy birthday to my sister marge, my cousing jhonee, and pastor art.

Ang Pagtatagpo

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

gagawa sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang ugnayan. 

Hahamakin nilang tapusin ang isa’t isa,

upang simulan ang pinagsanib nilang puwersa,

hindi bilang dalawa, ngunit,  isa —

na, upang tuwing umuula’y tila may araw pa rin,

at sa tag-init, mayroong tubig na iinumin

ang mga bulaklak sa hardin…

Iyan ang kanilang mithiing ipinaglalaban

sa langit, na sa matagal nang panahon ay nakapikit —

ngunit gising.

Sa muling pagtatagpo ng tag-init at tag-ulan,

hihiling sila ng paraan upang maging walang hanggan

ang kanilang kahibangan.

(c) Ruth V. Mostrales 

May 2010

Ex-Palengkera

Maganda ang bagsak ng kaniyang bestida sa kaniyang mga paang

nababalot ng mga sapatos na mamahalin, mula pa sa Italia.   

Ibang-iba na siya, at hindi ito maikakaila sa bawat hagod ng kaniyang

mga taludtod sa malamig na silid na nabudburan ng kanluraning

pampalasa na kung dito ibebenta ay mahal.  Malayo ito sa dati niyang

entabladong mainit, mabaho, maingay —- at mayroon sa bawat

isla.  Ngayon, ang bawat garalgal niyang pinapakawalan ay 

tumatalbog pabalik sa kaniyang mikropono, kung hindi

nama’y nalulunod sa masigabong palakpakan ng mga taong walang

ibang nais kundi makibalita sa mga nangyayari sa malayo.

Puso ng Dagat

Napakaraming alon sa dagat. Hindi mabilang. Ngunit kung iyong pagmamasdan, lahat sila ay iisa — iisang tubig na hinuhulma ng hangin at ng naunang indayog na hindi pa natatapos hanggang sa ngayon.

Nakakatakot. May mga pangil itong sumisipsip sa dugo ng mga pangahas. Nakakatakot siya sapagkat hindi ito kailanman nasisindak ng bagyo, buhawi o ng matinding hagupit ng apoy. Nilulunod niya ang mga batang suwail, at sinisilo ang mga nagtatapang-tapangan.

Sa laot, maraming isda ang nakahanap ng tahanan, nagtatago sila sa bawat pileges ng tubig, malayang lumalangoy sa bilangguan na asul. Masaya silang nakikipaglaro sa mga pangarap na hindi nakamtan ng mga sawi at duwag.

Sa dagat na malimit tagpuan ng nakaraan at kasalukuyan, ang paglalaro ng hinaharap sa entabladong malikot ay nagdudulot ng sindak kaninuman. Bakit asiwa ang tao sa dagat? Marahil dahil ito’y marunong, at marami itong naiipong lihim mula sa mga bukal sa kabundukang sapilitang hinahatak ng kung anong pang-akit na mapanibugho.

Hindi alam ng dagat na siya’y nakakatakot, kaya’t higit siyang dapat katakutan, sabi nila.
Maraming nagmamasid sa malayo, at tinatanong ang sarili kung saan ang puso nito. Marahil narito ang kaniyang kahinaan.

Hunyo 7, 2010
3:45 PM

Bakit Ako Umiibig Sa Iyo, Ginoo ni Emily Dickinson

“Bakit Ako Umiibig Sa Iyo, Ginoo?” salin ng
“Why Do I Love You, Sir?” ni Emily Dickinson

“Bakit ako umiibig sa Iyo, Ginoo?
Sapagkat —
Hindi inuutusan ng Hangin ang Damo
Upang tumugon — kaya’t pagdaan Niya’y
Siya’y hindi mapakali.

Sapagkat batid Niya — at
Hindi Mo batid—
At hindi Natin nalalaman —
Sapat sa Atin
Ang Karunungan na ito’y sadyang gayon.

Ang Kidlat — hindi kailanman sumangguni sa Mata
Kung bakit ito ay pumikit — nang Siya’y nagawi—
Sapagkat alam Niyang pipi ito—
At ang mga dahilan ay hindi nakasilid—
—ng Pangungusap—
Mayroon man — pinipili ng mga Nilalang na mas Pino

Ang Bukang Liwayway— Ginoo—ay hinihimok Ako—
Sapagkat Siya’y Bukang Liwayway—at nakikita ko—
Samakatuwid — sa gayon—
Umiibig ako sa Iyo.

April 5, 2010

At Night ni Sarah Teasdale

full-moon-night-by-l-u-z-a.jpg from http://beyond-school.org/2008/08/14/meaningful/

Sa Gabi ni Sarah Teasdale
Salin sa Pilipino ni Ruth Mostrales

“Manatili kang gising at isipin mo ako,” wika ni Pag-ibig.
“Ipikit mo ang iyong mga mata hanggang umaga,” ayon kay Tulog.
Ngunit ang mga Panaginip ay nagsipagdating at may ngiting
Nagpaunlak sa hiling ni Pag-ibig at Tulog.

Ang Magnanakaw ng Sandali

Ang magnanakaw ng sandali ay nariyan na naman, upang umukit ng mga linyang papasulong sa sukatan ng sangkatauhan. Sa pisngi at mukha naman ay tumutuldok siya ng mga nunal — sa mga lupang may hininga na hindi rin magtatagal. Gumuguhit siya sa palad at kaloob-looban, at ang parusa niya’y dama sa mga tuhod at kasukasuhan. Ang hagupit niya’y pagkahapo maging sa binti ng alupihan, kaya’t walang makakatakas sa magnanakaw na iyan! Kahit nga ang mga sanga na bitbit ang mga luntian ay luluhod din sa aba nilang pagpasan. Ang ibong pala-awit ay mamamaos din at pagdaka’y bubulong na lamang ng panghuling panalangin.

Ang magnanakaw ng sandali ay isang kaibigan, sapagkat sa pagdating, pag-alis niya’y ang lahat ay nakaabang, nakatingin. Dahil sa siya’y walang tinatangi, at ang lahat ay binabati — siya ay pagbuksan at sa kaniya’y magpitagan, muli.

Ruth Mostrales
March 29, 2010
June 15, 2009

Latak sa Pahina

 

 

            Latak sa Pahina 

Hinuhugot ang matalinghaga 

sa diwa,  saka pinapagulong sa 

dila ang tugma;  ipinupuslit mula 

sa dilim ang kahulugan…ngunit, 

mula sa puso bumabalong 

ang dugong nag-iiwan 

ng buhay na latak 

sa  pahinang 

tumitibok- 

tibok.

Ang Munting Sulok

Ang Munting Sulok

Ang binata’y galing sa Maynila.
Ang pag-aaral niya’y iginapang ng ama.
Dumating ang panahong kinailangan niya
Ang umuwi, dahil ang butihing ama’y lumisan na.

Naupo siya sa tarangkahan habang tinatanaw
Ang lupang tinamnan ng ama
Noong ito’y nabubuhay pa— ang sulok
Na ayaw bitiwan ng iba.

Tanong niya, “Ama, bakit ganon na lamang ang kalinga mo
Sa lupang sa iyo’y sumilang?
Itong lupang ipinagkakait pa rin ng gahaman na ayaw ibahagi
Ang kapirasong kayamanan?

Kaya’t ika’y binulid sa putik dahil masyado kang
Pangahas, isa kang tinik.
Ang abo mo’y inihasik dito sa lupa, sa lupang
Pinuspos mo ng pagsinta.”

Sa ‘di kalayua’y dumagundong ang kulog
Dahil di inaasahang may kidlat na nahulog.
Isang aparisyon ang sa kaniya’y nagpakita—-
Ang hugis at anyo ng kaniyang ama.

“Anak ko, anak ko…” ang sambit ng anino,
“…ang bumuhay sa iyo ay ang lupang ito.
Ito rin ang dumalisay sa iyong mga ninuno.
Ito rin ang huhubog sa iyo.”

“Ang iyong ina na wagas kung magmahal
Ay dito ko inirog sa panahong matagal.
Dito umusbong mga pangarap na bituin
At dito nagbunga ang pag-iibigan namin.”

“Ikaw ay isinilang, kinalinga, pinag-aral
At ang lupang ito ay siya ring nagpagal.
Kuyumin mo sa kamao ang lupang aking minahal, makinig ka,
Anak! ito ang aking dasal.”

Biglang naglaho ang palabas na iyon.
Pinilit ng binata ang maging mahinahon.
Pagbukas sa bintana nakita niya ang alon ng mga butong
Sa palayan ay nananaghoy, naibaon.

Ang binata’y nanindigan na manatili doon, at gaya ng ama,
Hindi nagpakahon.
Isang araw, naihipan siya ng hanging mahiwaga, at
Walang anu-ano’y tumula siya.

Tunghayan ang ilang linyang bumalong sa kaniyang diwa:

Sa lambingan ng damo at hangin,
Masasamyo ang taimtim na hangarin.
Sa pagninilay ng amang nagtanim,
Kumain kaming madasalin.

Isang dakot ng butil, isang sako ng pawis,
Isang kutsara ng kanin, isang kaing ng hinagpis —
Anong pag-ibig ang inalay ng amang tumangis
Kaya’t ang buhay ay kinitil ng panginoong tagapaglitis!

Ngunit, ang lupa at siya ay magkamukha’t
Iisa. Ang lupa at siya ay mag-asawa.
Ako ang bunga ng amang umasa,
Anak ng lupang nagparaya.

Bitbit ang tulang iyon, at ang anak na natutulog,
Hinawi niya ang lambong ng langit, ang puso’y lumuhod —
“Ama, bago pa man ako ariin ng alabok,
Ihandog muna sa aking anak itong munting sulok.”

Ruth Mostrales
16 May 2009

Isang Araw

Nang mabuksan, isang araw, ang bintana sa aking buhay, nakita ko ang lagusan ng biyayang walang humpay. Pumasok ang hangin, ang araw, ang mga ibon, maging ang awitin ng mga dahon. Ang ganda pala sa labas, wika ko. Hindi ba’t napagmasdan ko na ang bakuran noon? Hindi nga ba’t dito ako lumaki? Sa isang saglit, nabago ang tanawin na para bang pinaglaruan ng kababalaghan ang aking mga nakasanayan, at sila’y nagsuot ng bagong damit at sapatos matapos ipaligo ang mamahaling pabango. Ang ganda, salamat po! wika ko. Nanatili ako sa ilalim ng punong igos at tumula. Inawit ko ang mga awiting maganda. Winika ko ang karunungang matanda, at siniyasat ko ang kahulugan nila. Niyakap ko ang aking mga kapatid, at pinakain ko ang hindi ko kilala. Masaya palang mabuhay sa biyaya. Masaya palang maging malaya, bagamat ‘di ako karapat-dapat.

Isang araw, matutuyuan na ako ng tinta. Isang araw, gigisingin ako ng mga trumpeta. At sa araw na iyon, itataas ko ang aking mga mata at pagmamasdan ang panginorin. Gaya ng bintana, isang araw mabubuksan din iyon, at sigurado, walang salita ang sasapat sa pagtatala ng mga kaganapang sasambulat, hanggang sa pipiliin ko na lamang ang pumikit at damhin ang halik ng hangin sa aking mga pisngi, buhok at balikat. Sa araw na iyon, hindi na rin uso ang pagtutula ng may ligoy, at ang lahat ng bersong kasama ko sa paglipad ay aawitin na ng lahat, para sa Kaniya.

Ruth V. Mostrales

Marso 3, 2010

May paper ako tungkol sa Intrusion Ethics ni Meredith Kline. Sana magawa ko nang buong husay, para sa Kanya.

Sasandal

Isang malaking suliranin
ang kinakaharap ko ngayon—
ang puhunan ko ng ‘sang taon
baka tangayin lang ng hangin.

Ang marami-rami kong tula,
na bunga ng pagkatulala,
na isinilid sa makina,
ay nanganganib na mawala.

Sayang naman ang panahon kong
sa paglulubid itinuon —
aanhin ko ang isang taon
na sa limot ay mababaon!

Kaya’t ako ay magbubungkal
sa bagong lupang mas mataba,
at sa lumang makinang aba’y
hindi na ako sasandal pa.

ruth mostrales
feb 27 2010

Bagyo

pexels-photo-593655.jpeg

 

Kailan dadalaw ang ulang malihim

sa bulaklak na naghihingalo’t mainipin?

Ilang araw na rin siyang nagmamasid,

at baka sakaling siya ay aaligid.

At habang siya’y hapo’t nababato,

kupkop ang mga binhing natutuyo,

sa kalangitan ang hiling niya ay walo,

at bagyo ang nangunguna rito.

Ruth Solitario

9:12 PM

February 20, 2010

“As against having beautiful workshops, studios, etc., one writes best in a cellar on a rainy day.”  – Van Wyck Brooks

ang tulang panagot ni Marco Liwanag

Gumawa si G. Marco Liwanag ng isang mahusay na tulang panagot sa aking tulang “Sa May Dambana”.  Mababasa niyo ang kaniyang tula sa http://alikmata.blogspot.com.

larawan mula sa http://www.igougo.com

Tulang Panagot ni Marco Liwanag

Sa giyagis na damdami’t hilahod na tadhana
‘sang laksang halimaw sa labas ang naglipana
ngingiti na lang sana kung bakit di makuha
ang ligaya at laya inaagaw pang lubha.

at dito sa apat na sulok nitong silid
lalakad lakad ng pabalik balik
paunting tatayo’t maya’y uupo din
mag-iisip ng marami’t susulat ng unti.

sa ganitong kalagayang pinapait ng luha
aba akong nilikha sa latag ng lupa
subali’t dito nga ay aking pakikita
sa lungkot mabubuo ligayang sagana

Pitong Liham

I.
May natanggap na liham,
Galing sa kalangitan,
Ang Ministro ng Agham,
Patungkol sa Maykapal.

II.
Kung ika’y tatalima’t
Kay Hesus ay sasama —
Pasan ang krus, iwanan
Ang sarili sa daan.

III.
Kung ika’y may’rong hapis,
Huwag magdamdam nang labis;
Dalhin ang iyong hinagpis,
Kay Hesus na nagtiis.

IV.
Batid ko ang hangganan,
Nitong aking daanan.
Ako ay nagdarasal —
Langit ang inuusal.

V.
Sa aking paglalakbay,
Siya ang aking kaakbay.
Ang daa’y madilim man,
Wala itong anuman.

VI.
Bigyan mo ng kandili,
Siyang hindi mapakali,
Sa kaniyang pagtunggali,
Sa hamong ‘di madali.

VII.
Ikaw ay dakilang Diyos,
Pag-ibig mo ay lubos,
Sa biyaya’y pinuspos —
Salamat, Manunubos.

Ruth Mostrales
June 15, 2009

Aalamin

Aalamin ng buwan ang lihim ng araw, ngunit hindi mula sa kanya.  Mangyari’y palagi siyang pumapanaw at likuran lamang ang handa niyang iharap at ipakita.  Iisip ng paraan ang buwan at susuyuin ang panahon, upang pansamantala’y maglakad muna ito nang paurong, at baka sakaling magtagpo ang liwanag niyang hiram at ang liwanag na ganap, at sa gayo’y magigising siyang mulat.

Aalamin ng buwan ang lihim ng araw, ngunit hindi mula sa kanya.  Mangyari’y palagi siyang pumapanaw at likuran lamang ang handa niyang iharap at ipakita.