Puso ng Dagat

Napakaraming alon sa dagat. Hindi mabilang. Ngunit kung iyong pagmamasdan, lahat sila ay iisa — iisang tubig na hinuhulma ng hangin at ng naunang indayog na hindi pa natatapos hanggang sa ngayon.

Nakakatakot. May mga pangil itong sumisipsip sa dugo ng mga pangahas. Nakakatakot siya sapagkat hindi ito kailanman nasisindak ng bagyo, buhawi o ng matinding hagupit ng apoy. Nilulunod niya ang mga batang suwail, at sinisilo ang mga nagtatapang-tapangan.

Sa laot, maraming isda ang nakahanap ng tahanan, nagtatago sila sa bawat pileges ng tubig, malayang lumalangoy sa bilangguan na asul. Masaya silang nakikipaglaro sa mga pangarap na hindi nakamtan ng mga sawi at duwag.

Sa dagat na malimit tagpuan ng nakaraan at kasalukuyan, ang paglalaro ng hinaharap sa entabladong malikot ay nagdudulot ng sindak kaninuman. Bakit asiwa ang tao sa dagat? Marahil dahil ito’y marunong, at marami itong naiipong lihim mula sa mga bukal sa kabundukang sapilitang hinahatak ng kung anong pang-akit na mapanibugho.

Hindi alam ng dagat na siya’y nakakatakot, kaya’t higit siyang dapat katakutan, sabi nila.
Maraming nagmamasid sa malayo, at tinatanong ang sarili kung saan ang puso nito. Marahil narito ang kaniyang kahinaan.

Hunyo 7, 2010
3:45 PM

Ang Magnanakaw ng Sandali

Ang magnanakaw ng sandali ay nariyan na naman, upang umukit ng mga linyang papasulong sa sukatan ng sangkatauhan. Sa pisngi at mukha naman ay tumutuldok siya ng mga nunal — sa mga lupang may hininga na hindi rin magtatagal. Gumuguhit siya sa palad at kaloob-looban, at ang parusa niya’y dama sa mga tuhod at kasukasuhan. Ang hagupit niya’y pagkahapo maging sa binti ng alupihan, kaya’t walang makakatakas sa magnanakaw na iyan! Kahit nga ang mga sanga na bitbit ang mga luntian ay luluhod din sa aba nilang pagpasan. Ang ibong pala-awit ay mamamaos din at pagdaka’y bubulong na lamang ng panghuling panalangin.

Ang magnanakaw ng sandali ay isang kaibigan, sapagkat sa pagdating, pag-alis niya’y ang lahat ay nakaabang, nakatingin. Dahil sa siya’y walang tinatangi, at ang lahat ay binabati — siya ay pagbuksan at sa kaniya’y magpitagan, muli.

Ruth Mostrales
March 29, 2010
June 15, 2009

Isang Araw

Nang mabuksan, isang araw, ang bintana sa aking buhay, nakita ko ang lagusan ng biyayang walang humpay. Pumasok ang hangin, ang araw, ang mga ibon, maging ang awitin ng mga dahon. Ang ganda pala sa labas, wika ko. Hindi ba’t napagmasdan ko na ang bakuran noon? Hindi nga ba’t dito ako lumaki? Sa isang saglit, nabago ang tanawin na para bang pinaglaruan ng kababalaghan ang aking mga nakasanayan, at sila’y nagsuot ng bagong damit at sapatos matapos ipaligo ang mamahaling pabango. Ang ganda, salamat po! wika ko. Nanatili ako sa ilalim ng punong igos at tumula. Inawit ko ang mga awiting maganda. Winika ko ang karunungang matanda, at siniyasat ko ang kahulugan nila. Niyakap ko ang aking mga kapatid, at pinakain ko ang hindi ko kilala. Masaya palang mabuhay sa biyaya. Masaya palang maging malaya, bagamat ‘di ako karapat-dapat.

Isang araw, matutuyuan na ako ng tinta. Isang araw, gigisingin ako ng mga trumpeta. At sa araw na iyon, itataas ko ang aking mga mata at pagmamasdan ang panginorin. Gaya ng bintana, isang araw mabubuksan din iyon, at sigurado, walang salita ang sasapat sa pagtatala ng mga kaganapang sasambulat, hanggang sa pipiliin ko na lamang ang pumikit at damhin ang halik ng hangin sa aking mga pisngi, buhok at balikat. Sa araw na iyon, hindi na rin uso ang pagtutula ng may ligoy, at ang lahat ng bersong kasama ko sa paglipad ay aawitin na ng lahat, para sa Kaniya.

Ruth V. Mostrales

Marso 3, 2010

May paper ako tungkol sa Intrusion Ethics ni Meredith Kline. Sana magawa ko nang buong husay, para sa Kanya.

Labyrinth

Ang puso kong ito na iyong nilikha, Panginoon, ay inaalay ko sa Iyo.  Ikaw ang lubos na nakauunawa sa tibok nito.  Ang bawat pintig nito mula pa sa simula ay nakatala; ang kilometrong ugat na nakapulupot dito’y inayos Mo.  Kung paanong iniuutos Mo ang bawat hininga na sundan ang mga lagusan at tukuyin ang kinaroroonan ng mga nakatagong silid, at kung paanong ang bawat susi na nakakubli sa kaniyang kasulok-sulukan ay Iyong minarkahan, ang Iyong pag-ibig ang dahilan upang aking maintindihan ang ibig ipahiwatig ng bawat pintig.

Gaya ng isang tinig na galing sa malayo, na ang titik ay hindi ko maitala sa aking papel — ang bawat pintig ng aking puso’y matalinghaga kung mangusap!  Tila ba sa isang lumang lengguwahe ito matatas, isang lengguwahe ng lumang lahing matagal nang nagapi!  Gaya ng mga kasaysayan nitong iniukit sa  papyrus na niyurak ng katandaan, at hindi na maililimbag pang muli, ang mga pangungusap ng aking puso’y mahirap arukin, bagama’t totoong may pahiwatig. 

Bago mahuli ang lahat, at malusaw ang kaniyang mensahe, hiling ko ang iyong pamamalagi, dito, sa aking puso, upang ang tibok nito’y kausapin ako, at sa himig nito’y maki-awit ako, upang sa pintig nito’y magising ako, upang magmahal muli.

Ruth V. Mostrales

January 6, 2010

http://www.youtube.com/watch?v=aBaX1T4VxOw

Ang Daang Pauwi

Ang Daang Pauwi

Ang daang pauwi ay tatahakin ng lahat, kahit makailang beses mang ito’y talikdan. Dito matutunton ang mga lumang yapak; dito madirinig ang mga pamilyar na halakhak. At sa daang pauwi, maraming makakasalubong: mga batang sumusulong, at mga matandang umuurong. Ang lahat daw ng tao ay may pinanggalingan, at gaya ng mga ibon, tayo’y may pinugarang kahit walang hagdanan ay aakyatin, kahit walang pintuan ay papasukin, kahit walang dingding ay doon mananahan —ang daang pauwi, iyon ang hangganan.

ruth mostrales, november 19, 2009